KABANATA 1

3.2K 42 0
                                    

"Desiree! Aalis na ako," malakas na sigaw ni Silas mula sa kusina. Paalis na siya upang pumasok sa trabaho ngunit napasaglit siya roon nang maamoy ang paborito niyang ulam.

Bigla siyang natakam dahil sa pinaghalong amoy ng toyo at suka na kumalat sa buong kusina. Napangiti siya nang bumungad sa kaniya ang laman ng malaking kaserola. Adobong manok na mainit-init pa ang naroon.

Nabaling ang tingin niya kay Desiree na kagagaling lang sa banyo. "Eh, 'di go! Bakit ka pa nagpapaalam sa akin?" kunot-noong sagot nito habang pinapahid ang sunblock cream sa mukha.

Nakapulupot pa sa ulo nito ang tuwalya at dahan-dahang minamasahe ang buhok upang matuyo. Napailing na lamang si Silas sa sagot. "Hindi ako nagpapaalam, okay?" paglilinaw niya.

"Eh, ano 'tong ginagawa mo?" tanong nito pabalik.

"Gagabihin ako ng uwi mamaya kaya wag mo munang isasarado ang main gate," tugon niya.

"Iyon lang ba?" Tumango lang siya bilang tugon.

"Okay. Itong main door na lang ang ido-double lock ko." Bigla siyang napalingon kay Desiree nang sabihin nito iyon.

"Ano? Paano ako makakapasok mamaya kung i-lo-lock mo?"

"Alam mong ayokong naiistorbo ako sa pagtulog 'di ba? Kung ayaw mong masarhan ng pinto mamaya, eh 'di umuwi ka ng maaga," singhal nito sa kaniya.

"As if naman may mapapala ako rito kapag umuwi ako ng maaga," makahulugan ngunit pabalang niyang sagot.

"Hindi ko na problema 'yan, Silas kaya huwag kang nandadamay." Inirapan siya nito bago pumasok sa kabilang kuwarto.

Ganito ang eksena nilang dalawa tuwing umaga, ang magbangayan at magsigawan bago pumasok sa trabaho.

Mukhang wala na yatang paraan para magkasundo silang mag-asawa. Isang buwan na rin ang nakakalipas simula nang ikasal sila.

Dalawampu't isang taon na si Desiree, samantalang si Silas naman ay dalawampu't lima. Pinagkasundo silang ikasal ng kanilang mga magulang sa pag-aakalang mababago ang buhay nilang dalawa kapag nagsama na.

Napagod na rin kasi ang mga magulang nito dahil sa kani-kanilang pag-uugali. Madalas na wala si Desiree sa bahay at kung saan-saang party ng mga kaibigan sumasama. Si Silas naman ay palaging inuumaga na kung umuwi at walang araw itong hindi nangamoy-tsiko.

Nasa tamang edad na sila kung tutuusin ngunit parang wala pang plano ang mga ito na lumagay sa tahimik. Tuloy, namroblema pa ang mga magulang nito kung saang kangkungan sila pupulutin balang araw.

Simula nang mabigo ang dalawa sa pag-ibig, unti-unti na ring nagiging miserable ang mga buhay nito. Niloko si Desiree ng long-time boyfriend nito pati na ng best friend niyang may sa ahas pala. Patalikod siya nitong tinuklaw.

Si Silas naman ay itinuon na lamang ang kaniyang atensiyon sa bawat laman ng boteng nilalagok nito gabi-gabi. Ganoon na ang naging routine niya.

At dahil matagal ng magkaibigan ang magulang nilang dalawa, napagpasyahan ng mga ito na ituloy ang kasunduang pagpapakasal sa magiging anak nila balang araw noon.

Hindi tumutol si Desiree sa pag-aakalang matinong lalaki ang pakakasalan niya. Mas lalong hindi naman tumutol si Silas sa pag-aakalang mabait at hindi makabasag-pinggan si Desiree noong unang beses silang nagkita.

Ngunit totoo ngang lumalabas ang tunay na ugali ng isa't isa kapag naikasal na. Sa unang gabi nilang mag-asawa, sinarhan ni Desiree si Silas ng pinto kaya napilitan itong matulog sa sala.

Sino ba naman ang hindi kukulo ang dugo kapag nalaman mong nakikipaglandian pa pala sa iba ang lalaking pakakasalan mo kinaumagahan?

Wala nang nagawa si Desiree dahil huli na nang malaman niya ang tungkol sa anumalyang ginagawa ni Silas. Katatapos lang nilang ikasal noon nang matanggap ni Desiree ang nasabing video sa isang unknown sender.

Nang buksan ni Desiree ang pinto ng kanilang kuwarto kinaumagahan, hindi na nakita ng kaniyang mga mata si Silas.

Ngunit nang humakbang siya palabas ng kuwarto ay bigla na lamang siyang nadulas sa sahig. Halos umabot sa kabilang bahay ang ingay na gawa ng paghiyaw niya.

Pag-angat niya ng ulo, tumambad sa kaniya ang nakangiting si Silas.

"Ay! Kawawa naman ng misis ko. Masakit ba?" pang-aasar nito bago pinakawalan ang mala-demonyong tawa.

Mabilis na dinampot ni Desiree ang suot niyang tsinelas panloob at walang pag-aalinlangan itong binalibag sa mukha ni Silas. Nawala ang ngiti nito nang makapa ang dugong nagmumula sa kaniyang labi.


**********

Please do comment, vote, and share. Thank you!!

One Hot Night in Room 69 (Lust & Love Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon