𝓚𝓪𝓫𝓪𝓷𝓪𝓽𝓪 1

207 7 0
                                    

PAGPASOK ni Jewel sa malaking gate, dumiretso siya sa likod-bahay. Nakita niya ang inang si Sonia na kasalukuyan nakahiga sa lounge chair malapit sa kanilang swimming pool. Nakasuot ito ng swimming suit at umuusok ang bibig na parang tambutso ng sasakyan. Pinitik nito ang sigarilyo at inapakan.

Huminga nang malalim si Jewel bago nagpatuloy sa paghakbang. Tinunton ang daan patungo sa kinaroroonan ng ina.

"Good morning, Ma." Umakmang hahagkan ng dalaga sa pisngi ang ina, subalit mabilis na umiwas ito.

Pinanlisikan lang ni Sonia ng mga mata ang dalaga. Ni hindi nag-abalang tanungin kung saang lupalop ba nagpalipas ng magdamag si Jewel.

"Ma..." anas niya. Napalunok siya at napakagat-labi. Hindi pa rin siya sanay na hindi pinapansin ng kanyang ina. Hindi ito umimik, nag-angat lang ng mukha upang salubungin ang sinag ng araw. "H-hindi po ako natulog dito kagabi. Dinalaw ko si Yaya Lourdes."

Nagbaba ito ng mukha at tinaasan siya ng kilay. "Kahit naman saan ka pumunta, wala akong pakialam at wala akong planong pakialaman ang anumang aktibidades mo."

Para siyang sinaksak ng punyal sa dibdib nang sabihin iyon ng kanyang ina.

Ngunit muli siyang nakatakdang magtiis, magdusa. Magtimpi at itago ang lahat ng hinanakit sa ina-at kung dumating ang tamang pagkakataon, sa sandaling matupad ang kanyang mga panalangin, mararanasan din niya ang mahalin ng isang ina. At nakahanda siyang kalimutan ang lahat ng sakit sa kalooban.

"H-hindi po ba kayo nag-aalala sa 'kin?" Umaasa pa rin ang dalaga na mahalaga siya sa ina.

"Come on, Jewel. Gusto kong mapag-isa. Wala akong panahon para pakinggan ang mga drama mo." Tumayo ito at lumipat sa kabilang bahagi ng swimming pool.

Tuluyan nang bumagsak ang luha sa mga mata niya sa narinig na tinuran nito. Labis siyang nasaktan. Araw-araw niya iyong nararamdaman pero hindi pa rin siya sumusuko na kunin ang atensyon ng ina.

Parang may hila-hilang mabigat na bakal ang mga paa ni Jewel nang umalis siya sa swimming pool.

Nang magsimulang umusbong ang kamalayan sa kanyang isipan, nang marunong na siyang dumama, makaramdam ng mga pag-aalaga, pagmamahal at proteksyon mula sa kanyang mga magulang. Napakarami nang katanungan sa kanyang murang isipan.

Ni minsa'y walang matandaan si Jewel na hinagkan siya sa pisngi ng ina tulad ng ginagawa nito sa kanyang Ate Vivian. Kapag namamasyal silang buong pamilya, ang kanyang ama at si Yaya Lourdes ang kumakalinga sa kanya.

Maglalambing at uungot na kargahin siya ng ina, subalit sisigawan lang siya nito, o kaya'y kukurutin sa singit at saka pasigaw na tatawagin si Yaya Lourdes upang ilayo siya rito.

Sa mga pagkakataong dumarating ang mga magulang buhat sa opisina, halos magkumahog siyang kunin ang tsinelas ng mga ito. Ngunit ang napapala niya'y palihim na kutos at masamang tingin sa kanya ng ina.

"Umalis ka! Hayaan mong si Vivian ang gumawa niyan sa akin. Siya lang ang binigyan ko ng karapatang gawin sa akin ang mga bagay na 'yan!" asik ni Sonia sa lumuluhang si Jewel.

Lalapit naman si Vivian, may pilyang ngiti sa mga labi. Mang-iinis at inggitin si Jewel, saka aagawin sa kamay niya ang paboritong tsinelas ng ina.

"Spell, KSP?" Bibilatan siya ng Ate Vivian niya. "Masyado kang kulang sa pansin, Jewel."

"Gusto ko lang naman-"

"Tumahimik ka!" Pinanlisikan ng mata ni Sonia ang bunsong anak na ikatatahimik naman ni Jewel.

"Mama, nakikipag-unahan pa 'yan sa 'kin," sabi ni Vivian sa himig nagsusumbong. Umupo ito at isinuot ang tsinelas sa mga paa ni Sonia.

"Huwag mo siyang pansinin, anak. May dala ako para sa 'yo."

"Talaga, Mama?" Mabilis na tumayo si Vivian at tuwang-tuwang mabilis na nagpakandong sa ina.

Nakangiting inilabas ni Sonia ang laman ng malaking shopping bag. Isa iyong talking doll na ubod ng ganda.

Isang manikang matagal nang inaasam ni Jewel na sana'y magkaroon siya.

"Wow, ang ganda! Thank you, Mama." Agad na niyapos ni Vivian sa leeg ang ina at hinalikan ito sa pisngi.

"Bukas bibilhan kita ng magagandang damit at sapatos."

"Talaga po? But I want a walking doll."

"Whatever you want, I'll buy it."

"Yippee!"

"Ako po, M-Mama. . . ?" excited na tanong ni Jewel, palibhasa'y bata pa sa edad na anim, kaya't hindi pa gaanong marunong magtanim ng sama ng loob.

"Bakit?" asik ni Sonia. Tinulungan nito si Vivian sa paglalagay ng sapatos ng manika na noon edad siyam.

"Gusto ko rin po ng doll," ungot niya sa ina.

"Bakit sa akin mo sinasabi at hindi sa iyong ama?"

"Mama, bilhan mo rin po ako ng manika," hirit pa niya. Nakita niyang dinilaan siya ng nang-aasar na si Vivian. Iniinggit sa hawak nitong talking doll.

"Umalis ka sa harapan namin ng anak ko. Huwag mong painitin ang ulo ko!"

"P-pero, Ma-"

"Sinabi nang-" ang galit na turan ni Sonia na sinundan mag-angat ng kanang palad upang sa hindi rin mabilang na pagkakataon, sumayad sa murang katawan ni Jewel. Nanginginig na napaurong sa takot ang bata.

"Sonia!" sigaw ni Cesar.

Tumayo ang babae at hinawakan sa kamay si Vivian. "Pagsabihan mo 'yang anak mo, Cesar. Ayokong sinasalubong ang pagod ko. Masyadong makulit!"

"Pero hindi mo dapat sinasaktan si Jewel. Huwag mong sagarin ang pasensya ko, Sonia!" Hinarap ni Cesar ang anak. Awang-awa na kinarga ang bunso. "Halika, samahan mo sa komedor si Papa. Gusto mo ba ng donut, anak?"

"O-opo, Papa," umiiyak na tugon ni Jewel sa ama. Kahit ang totoo'y nais niya ring magkaroon ng laruan.

Binuhat siya ng kanyang ama na lumabas ng sala at nagtungo sa komedor.

"Papa, bakit lagi akong pinapagalitan ni Mama. Hindi niya ba ako mahal?" halos paulit-ulit lang din niyang tinatanong iyon sa ama.

"Mahal ka ng iyong ina. May dinaramdam lang siya," pagtatakip ni Cesar sa anak. Nagtatagis ang mga bagang nito.

"Pero bakit kay Ate Vivian, hindi siya galit. Tapos hinahagkan pa niya. Bakit ako hindi, Papa?"

Hindi na iyon nagawa pang sagutin ni Cesar. Napakahirap ipaliwanag ang katotohanan sa murang isipan ng bunsong anak. Kung gano'n lang kadaling gawin ang lahat, nagawa na sana nito.

"M-mahal ka ng iyong ina, anak. Mahal na mahal. At 'yan ang lagi mong iisipin, ha?" Ginulo ni Cesar ang buhok ng anak at saka niyakap nang mahigpit. Pigil ang sariling mapaiyak.

One Night With A Stranger (Published Under 𝐈𝐦𝐦𝐚𝐜 𝐏𝐏𝐇🦋 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon