INILIBING si Cesar pagkaraan ng apat na araw. At sa pagpanaw ng ama, pakiramdam ni Jewel lalo siyang nag-isa sa mundo. Naulila. May ina pa, subalit hindi naman ganap na maangking ina. Dahil kahit pumanaw na ang kanyang ama, hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo sa kanya ni Mama Sonia. Hindi pa rin niya maramdaman ang pagmamahal na kay tagal nang inaasam-asam.
May kapatid, subalit ang kalooban nito'y napakalayo sa kanya. At dahil doon, nais na rin hilingin ni Jewel na sana’y tulad ng ama'y namatay na rin siya. Ano pa’t nabubuhay siya sa mundo kung puro paghihirap at pasakit lang ng kanyang kalooban ang nadarama?
Isang mapagpalang kamay ang dumantay sa balikat ng nagdadalamhating dalaga. “Anak, oras na para umuwi ka.”
“Yaya Lourdes,” usal niya nang mag-angat siya ng mukha. Ang butihing matanda na nag-aruga at nagmahal sa kanya.
“Tama na ang pag-iyak at baka makasama sa ‘yo. Halos buong burol ng iyong ama'y umiiyak ka.”
“Wala na si Papa. Wala na akong kasama. Wala nang magtatanggol sa ‘kin. Wala nang magpaparamdam ng pagmamahal sa ‘kin. Wala nang tatawag sa ‘kin na anak.”
“Hindi totoo ‘yan,” wika ni Yaya Lourdes, tigmak ng luha ang mga mata nang magsalita. “Mahal kita, Jewel. Kailangan mong magpakatatag. Marami pang kalbaryo kang mararanasan. Subalit, ‘wag na ‘wag kang susuko. May awa ang Diyos. May mabuting kapalit ang lahat ng iyong pagdurusa.”
Tumatango siyang umiiyak. “Yaya, huwag mo akong iiwan.”
Sandaling natahimik ang matanda. Lalong bumalong ang luha sa mga mata at masuyong hinaplos ang likod ng dalaga. “Gustuhin ko mang manatili sa tabi mo, tulungan at damayan ka. P-pero hindi ko na magagawa.”
Nagtatanong ang luhaang mga mata na tinitigan ni Jewel sa mukha si Yaya Lourdes. At noon lang napuna ng dalaga ang malaking maleta na nasa tabi nito.
“A-aalis ka po?” Hinawakan niya ang mga kamay nito. “Pakiusap, ‘wag mo akong iwan.”
“Ayokong iwanan ka dahil kailangan mo ng karamay sa mga panahon pang darating. Subalit wala akong magagawa. Matapos mailibing ang iyong ama, kinausap ako ng iyong ina. Hindi na kailangan ang serbisyo ko ng mga Buenavista.”
“P-pero paano naman po ako? Kailangan ko kayo!” Umiiyak na niyakap niya ang matanda. “Isama mo na lang ako, Yaya Lourdes. Kung aalis kayo, ayoko nang umuwi. Dito na lang ako sa sementeryo.”
Mapait na napailing si Yaya Lourdes. “Gustuhin ko man, Jewel. Kung ako ang tatanungin mo'y mas gusto kong makasama ka. Pero hindi maaari, anak. Kailangan mong bumalik sa villa. Sa Mama mo at kay Vivian.”
“Ngayon pa kung kailan wala na si Papa? At kailanman hindi naman ako nagkaroon ng ina, 'di ba? Ibang tao ang trato sa akin ng aking ina at kapatid.”
“Marami akong gustong sabihin sa iyo, pero hindi pa sa ngayon dahil baka hindi mo maunawaan. Sa tamang panahon, Jewel. Kailangan mong manatili sa poder ng iyong ina gaya ng gusto ng iyong ama. May karapatan ka. Ikaw lang, Jewel. At kailangan mong ipaglaban ang karapatang ‘yon. Pakatandaan mo ‘yan.” Kumalas ito sa kanyang yakap.
“Y-yaya. . .” usal niyang sumisikdo ang dibdib.
“Umuwi ka na, anak.” Nagpahid ito ng mga mata. Yumuko ito at hinawakan ang maleta.
BINABASA MO ANG
One Night With A Stranger (Published Under 𝐈𝐦𝐦𝐚𝐜 𝐏𝐏𝐇🦋 )
Romance𝒜𝓊𝓉𝒽ℴ𝓇: 𝒮ℴℴ𝓃 𝓉ℴ 𝓅𝓊𝒷𝓁𝒾𝓈𝒽, ℐ𝓂𝓂𝒶𝒸 𝒫𝒫ℋ🦋 "𝐹𝑒𝑒𝑙 𝑡𝒉𝑒 𝑏𝑒𝑎𝑡 𝑜𝑓 𝑚𝑦 𝒉𝑒𝑎𝑟𝑡. 𝐹𝑎𝑙𝑙𝑖𝑛𝑔 𝑖𝑛 𝑙𝑜𝑣𝑒 𝑤𝑖𝑡𝒉 𝑦𝑜𝑢, 𝐼 𝑑𝑖𝑑𝑛'𝑡 𝑒𝑥𝑝𝑒𝑐𝑡. 𝐵𝑢𝑡 𝑏𝑒𝑖𝑛𝑔 𝑖𝑛 𝑙𝑜𝑣𝑒 𝑤𝑖𝑡𝒉 𝑦𝑜𝑢 𝑖𝑠 𝑠𝑜𝑚𝑒𝑡...