𝓚𝓪𝓫𝓪𝓷𝓪𝓽𝓪 2

119 4 2
                                    

MAHAL”–nag-iisang salita, subalit lubhang napakahirap sa ina na ipadama sa kanya, subalit hindi kay Vivian. Sa musmos na edad, ramdam niyang magkaiba ang tingin nito sa kanilang magkapatid.

   Kahit na anong paraan ay ginawa na niya maramdaman lang na mahal siya ng ina. Nag-aral nang mabuti si Jewel dahil sa kagustuhang ipagmalaki siya nito. At kahit halos lahat ng medalya sa baitang inakyat na niya sa kanilang tahanan, hindi pa rin natutuwa sa kanya ang ina.

   Samantalang si Vivian, kahit puro palakol ang grado sa school ay wala siyang narinig na kahit ano mula sa ina.

   “Hindi ko kailangan ang mga medalyang ito!” Binato ni Sonia kay Jewel ang medalya. “Kahit anong gawin mo, hindi mababago ang katotohanang isa kang pagkakamali!”

   Pagkakamali? Naisip niya noon, baka isang pagkakamali nang siya'y isilang. Sana nga'y hindi na. . . kung ganito lang din naman ang pakikitungo sa kanya ng ina.

   Ni minsan, hindi siya magawang ipagmalaki sa mga kasamahan nito sa trabaho at mga kaibigan. Ni hindi siya ipinakilalang anak. Para bang isa siyang kahihiyan sa kanilang pamilya.

   At dahil sa magkaibang trato sa kanilang magkapatid, sumibol ang napakaraming katanungan sa isipan ni Jewel. At hindi napigilan ang sarili na hindi itanong sa ama, noon siya'y edad katorse. Kung siya ba'y tunay na anak ng mga magulang.

   “O-oo naman, anak. Ano ba namang tanong ‘yan?” sagot ng kanyang ama habang tinutulungan siyang ihanda ang lunchbox niya.

   Silang mag-ama lamang malimit magkasabay sa almusal. Tulad ng kanyang nakalakihan, ang ina at kapatid niya ang laging magkasabay sa hapag-kainan. Kapag nasa trabaho ang kanyang ama, kasabay niyang kumain si Yaya Lourdes at Aking Pilar.

   “I’m sorry, Pa. P-pero hindi ko maramdaman ang pagmamahal ni Mama Sonia na malimit mong sinasabi sa ‘kin,” umiiyak na wika niya. “Pati sa school, tinutukso ako. Ipinangangalandakan ni Ate Vivian sa school na trying hard akong makuha ang atensyon ng aming ina. Kapag may espesyal na okasyon, o kapag concern kay Ate Vivian, hindi nawawala si Mama. P-pero kapag ako, ni anino niya'y hindi ko makita. Hindi rin siya natutuwa sa mga natatanggap kong parangal sa school.”

   Awang-awang hinaplos ni Cesar ang buhok ng anak. “Mahal na mahal kita, anak. Lagi mong tatandaan ‘yan, ha? Lagi mo rin iisipin, lagi kitang ipinagmamalaki.” Kahit hindi nasagot ng ama ang kanyang tanong, hindi na niya iyon pinilit. Kung hindi man niya maramdaman ang pagmamahal mula sa ina, busog naman siya sa pagmamahal ng kanyang ama. Naging ina't ama ito sa kanya.

   Uhaw sa kalinga at pagtingin si Jewel ng sariling ina. Karapatan din niyang mag-ani ng pagmamahal tulad ng kay Vivian. Dahil anak din siya. Kaya sinusunod niya ang payo ng ama, hindi siya sumuko. Lahat gagawin niya makaamot lang ng pagmamahal mula sa ina.

   Kung kayang magtiis ni Jewel, hindi si Cesar. Hindi na kinaya ng lalaki ang nakikitang maling pagtrato ng asawa sa bunsong anak.

   Tandang-tanda pa ni Jewel ang mapait na pangyayari sa buhay niya, ‘yon ay nang dumating ang araw ng kanyang pagtatapos sa high school.

   “I’m so proud of you, anak.” Hinalikan siya sa noo ng ama. Siya kasi ang valedictorian. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang kasiyahan. Ngunit kabaliktaran ‘yon sa nakikita niya sa ina. Walang emosyon. “Ingatan mo ang bagay na ito.”

   “Ano po ito, Papa?” Sumilip sa mga mata niya ang tuwa nang inabot nito sa kanya ang maliit na kahon. Kasalukuyang naroon sila sa kanyang sariling silid.

   “Open it.”

   Napalatak siya sa tuwa sa nakita. Isang gold necklace. May mga jewelry naman siya pero kakaiba ang kuwintas na regalo sa kanya ng ama.

   “Ang ganda!” Hindi niya maiwasang mamangha. “Binili mo ‘to, Papa?”

   Nakangiting umiling si Cesar.

   “Sa kapatid ko,” sabi nito. “Si Amethyst.”

   Napansin naman ni Jewel ang gumuhit na lungkot sa mga mata ng ama. “Kapatid? Bakit hindi mo nabanggit sa ‘min ang tungkol sa kanya?”

   “Dahil patay na siya.”

   “Ho?” reaksyon niyang nagimbal sa nalaman. “Paano?”

   “Sa takdang panahon malalaman mo rin, anak. Sa ngayon, 'wag na muna natin pag-usapan,” pag-iwas ni Cesar. Isinuot nito sa leeg ng anak ang kuwintas. “Family heirloom ito kaya ingatan mo, sweetheart. At kapag nagkaroon ka ng anak na babae, siya naman ang magmamana at magsusuot nito.”

   Tiningnan niya ang kuwintas na nakasabit sa kanyang leeg. Pinalamutian iyon ng sari-saring mamahaling “bato”.

   Nangingilid ang luha nang yakapin ng dalaga ang ama. Kahit nagtataka kung bakit sa kanya ibinigay ang kuwintas, hindi na siya nag-usisa. Hindi maitatanggi, mahal na mahal siya ni Papa Cesar.

   “Pangako, iingatan ko ang bagay na ito, Papa.”

***

NASA kalagitnaan nang kasiyahan sa malawak na bakuran ng mga Buenavista.

   Nag-uumapaw ang kagalakan sa dibdib ni Jewel sa napakahalagang araw na ‘yon sa kanyang buhay.

   Kasalukuyan siyang isinasayaw ng kanyang nag-iisang ‘crush’ na hindi lingid sa matalik na kaibigang si Rochelle. At dahil sa pagnanais ng kaibigan na i-surprise siya, hindi niya inaasahan na darating si Tristan Madrid–ang varsity player ng basketball sa school kung saan nag-aaral si Vivian.

   Kilala niya si Tristan Madrid. Kaklase niya ang nakababata nitong kapatid na si Fatima. Malimit niyang makita ang binata kapag sinusundo sa school ang kapatid.

   Ang sarap sa feeling. Ang pakiramdam niya'y dinuduyan siya sa ibabaw ng ulap sa labis na kaligayahang nadarama nang gabing ‘yon.

   “Maganda ka, Jewel. Pero mas lalo kang gumanda ngayon. Talagang hindi kita nakilala.”

   Simpleng komento, subalit ibayong katuwaan ang hatid niyon sa kanyang puso.

   “T-thank you, Tristan. And I’m thankful, dahil nandito ka.”

   Malagkit siyang tinitigan ng lalaki. Gusto niyang umiwas ng tingin, subalit namamagneto siya sa mga mata nitong tila nag-uutos sa kanyang huwag gawin ‘yon.

   “I should thank Rochelle, she invited me. When I found out you were going to celebrate your graduation, I didn’t hesitate to come here. I've been waiting a long time to get close to you, Jewel.”

   Oh, God! Talagang ikinagulat niya ang inamin nito. Nais niyang isipin na tulad niya’y may lihim na pagtatangi sa kanya si Tristan. Jusme, gusto na yata niyang himatayin sa labis na kilig.

One Night With A Stranger (Published Under 𝐈𝐦𝐦𝐚𝐜 𝐏𝐏𝐇🦋 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon