𝓚𝓪𝓫𝓪𝓷𝓪𝓽𝓪 3

101 5 0
                                    

PUMAILANLANG ang romantikong tugtugin. Kinabig siya ni Tristan para magkalapit pa lalo ang kanilang katawan. Uminit ang mukha ni Jewel nang mapasandal ang kanyang mukha sa dibdib ng binata. Naririnig niya ang mabilis na tibok ng puso nito.

   “May nais akong ipagtapat, Jewel. Paniwalaan mo kaya ang sasabihin ko sa 'yo?”

   Nag-angat siya ng mukha. Nakita niya ang paggalaw ng lalagukan nito. “A-ano ba'ng sasabihin mo, Tristan?”

   “Gusto kita, Jewel.”

   Totoo ba ang narinig niya? Baka naman ilusyon pag-ibig lang niya ‘yon?

   “T-totoo ba ang sinasabi mo?”

   “Yes. Gusto kita. M-mahal na nga yata kita.” Masuyo nitong hinahaplos ang kanyang pisngi.

   Ang kaligayahang nararamdaman niya nang gabing iyon ay nasa pinakamataas na antas. Ika nga, walang katumbas. Kaligayahang pinutol ng galit na tinig ng kanyang ina na biglang lumitaw sa gitna ng kanilang malawak na bakuran.

   Nabitiwan siya ni Tristan nang biglang may humalbot sa buhok niya mula sa kanyang likuran. Nasaktan siya. Pakiramdam niya'y matatanggal ang kanyang anit sa ulo.

   “Ate Vivian, bitiwan mo ang buhok ko. Nasasaktan ako!” Sinubukan niyang hiklasin ang kamay nito na mahigpit ang pagkakakapit sa kanyang buhok.

   Nakita naman ni Rochelle ang ginawa ni Vivian sa kaibigan. Mabilis na sinaklolohan nito si Jewel. “Kahit kailan talaga, bruha ka!”

   Nabitiwan ni Vivian ang buhok ni Jewel nang kagatin ito sa kamay ni Rochelle.

   “How dare you! Bakit mo ako kinagat, ha?”

   Hindi sumagot si Rochelle, mahigpit na niyakap si Jewel.

   “Sino ang nagbigay ng karapatan sa iyo na mag-party sa pamamahay ko?”

   “M-ma. . .” Nangatal ang mga labi niya sa nakikitang galit sa mukha nito. Lalo siyang nagsusumiksik sa katawan ng kaibigan.

   Hindi lang iyon ang unang beses na ginawang pagpapahiya sa kanya ng ina at Vivian. Nagsimula nang mag-panic at mag-usyoso ang mga tao na imbitado, karamihan mga dating classmates niya.

   “Ma,” singit ni Vivian. Naniningkit sa galit ang mga mata nito na dinuro si Jewel. “Imagine, mukhang balak pa yatang landiin ang manliligaw kong si Tristan ng babaeng 'yan!”

   “What?” maang na reaksyon naman ni Tristan. Nabigla rin ito sa nangyari. Mabilis na umiwas ang binata nang subukan yakapin ni Vivian.

   Nagpalipat-lipat ang tingin ni Jewel kay Vivian at sa lalaki na kanina lang ay nagtatapat ng pag-ibig sa kanya. Nasaktan siya sa kanyang nalaman. May balak pa yata si Tristan na tuhugin silang magkapatid.

   “She’s lying, Jewel,” paliwanag ni Tristan.

   “Hindi ako sinungaling, Tristan. Kahapon lang nabasa ko ang love letter mo. Binigay sa ‘kin ng mga kaibigan mo.”

   “Nagkakamali ka,” patuloy pa rin sa pagtanggi ang binata.

   “Hoy, lalaki!” Hinarap ito ni Sonia. “Umalis ka na. Ayaw ko nang makitang muli ang pagmumukha mo rito sa aking pamamahay!”

   Napalunok si Jewel. Hiyang-hiyang siya sa inasal ng ina. Nakita niyang gusto siyang lapitan ni Tristan pero nagpasya na ring tumalikod para umalis.

   “Ang kapal talaga ng mukha mong gawin pa ang selebrasyon sa pamamahay ko,” patuloy ni Sonia na pagigil pang hinawakan ang braso ng nabiglang si Jewel. Hinila siya nito palayo sa kaibigan niya at galit na hinarap ang kanyang mga bisita. “Tapos na ang kasiyahang ito. Maaari na kayong umuwing lahat!”

   Isa-isang tumayo ang mga panauhin. Nagbubulungan habang paalis sa malawak na bakuran ng mga Buenavista.

   “M-Ma, nagtapos po ako ng high school with high honors.” Nangilid sa luha ang kanyang mga mata. Naniniwala kasi siyang ang pagtatapos ng high school ay isang achievement na dapat ipagpasalamat.

   “Ano ngayon, aber?” si Vivian. Humalukipkip ito at tinaasan siya ng kilay. “Wala naman pakialam si Mama kahit mapuno pa ng medalya ang leeg mo. Ang isyu rito, hindi ka binigyan karapatan gawin sa bakuran ang inuungot mong selebrasyon. Pero ano, ha? Nagpatuloy ka pa rin. Ingrata!”

   “Watch your words kung ayaw mong ipakain ko sa ‘yo, Vivian!” pasigaw na babala ni Cesar. Mabilis itong lumabas ng kabahayan nang sabihin ng kasambahay na nagkagulo sa bakuran.

   “Pa?” Namutla si Vivian. Mabilis na sumiksik sa katawan ng ina. Natakot ito sa nakikitang galit sa mukha ng ama.

   “Ano’ng kaguluhan ito, Sonia?” tanong ni Cesar nang harapin ang asawa.

   “Ito kasing anak mo, matigas ang alimpatakan! Pinagbawalan ko na'y nagpa-party pa rin sa bakuran ng pamamahay ko. Wala siyang karapatan gawin ‘yon.” Nag-aapoy sa galit ang mga mata ng kanyang ina nang sulyapan siya.

   Pagak na tumawa si Cesar. Masama ang loob na tinignan sa mukha ang asawa. “Karapatan din naman ng anak kong magdiwang sa loob ng tahanan na ito, Sonia. At kung pag-uusapan ang karapatan, mas higit na may karapatan si Jewel kaysa sa inyong mag-ina!”

   “C-Cesar?” Namutla si Sonia. May laman ang salitang binitiwan ng asawa. “Kung magsalita ka parang hindi mo anak si Vivian!”

   “Handa sana akong patawarin ka dahil mahal kita. Pero hindi na makatarungan ang trato mo–” Mabilis na sinapo ng lalaki ang tapat ng dibdib sa pakiramdam na nagsikip iyon.

   “P-Papa?” hintakot na sambit ni Jewel. Nakita niyang nagusot ang mukha ng ama. Hawak nito ang dibdib at nahihirapang huminga.

   “C-Cesar?” Kinabahan si Sonia nang makitang namumutla ang mukha ng asawa.

   Mabilis na nilapitan ni Jewel ang ama. Inalalayan niya ito sa likod at braso. “Ano'ng nangyari sa inyo, Papa?”

   “J-Jewel… patawarin mo ako, anak. B-balang araw may magandang kapalit ang lahat ng mga paghihirap ng kalooban mo. Huwag mong pairalin ang galit sa iyong puso. Palagi kang handang magpatawad. M-mahal na mahal kita–” hindi na natapos ni Cesar ang sana'y sasabihin pa. Lupaypay na bumagsak ito sa mga braso ni Jewel.

   “Paaaaa!”

   “Cesar!” sigaw ni Sonia. Histerikal itong sumigaw sa malawak na bakuran. Hindi malaman ang gagawin.

   Samantala, si Vivian nama'y nakatulala sa likuran ng kanilang ina. Hindi malaman kung lalapitan ang amang nawalan ng malay.

   “Papa!” Sinubukan gisingin ni Jewel ang lupaypay na ama. “Ma, dalhin natin sa ospital si Papa!” humahagulgol na pakiusap niya habang yakap ang katawan ng ama.

   Dinala sa ospital si Cesar. Umiiyak si Jewel habang umusal ng dasal sa non-denominational chapels sa loob ng ospital. Hinihiling niya sa Diyos na ‘wag munang bawiin ang binigay na buhay sa kanyang ama.

   Mahal na mahal niya ang ama. Ito lang ang nagpakita sa kanya ng pag-aalala at pagmamahal na ipinagdadamot sa kanya ng inang si Sonia. Ito ang tanging kakampi niya sa tuwing pakiramdam niya’y inaapi siya ng ina’t kapatid.

   Ngunit hindi naging sapat ang mga dasal niya. Kahit lumuha siya ng dugo, hindi na magbabago ang katotohanang wala na ang kanyang ama.

One Night With A Stranger (Published Under 𝐈𝐦𝐦𝐚𝐜 𝐏𝐏𝐇🦋 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon