VIII. Hindi lahat ng tumatawa ay masaya

3 2 0
                                    

"Goodmorning, Ma'am! Sorry I am late!"

Napatingin kaming lahat sa kapapasok lang na si Arnold.

Nakuha niya paring ngumiti kahit late na siya bago umupo sa kan'yang upuan.

"Pre, ayos ka lang?"

Nagulat ako ng bigla ako nitong tinanong. Tumango lang ako bilang tugon.

"Ayos lang 'yan, lahat ng problema may solusyon." Tapik nito sa balikat ko bago nakinig sa sinasabi ng guro namin. Napaiwas nalang ako ng tingin.

"Hoy, Luke! Nakita kita kaninang umiiyak huwag kang tumawa tawa d'yan!"

Napatingin ako kila Arnold ng bigla itong sumigaw. Nakaakbay na ito ngayon kay Luke na biglang natahimik.

"Nandito lang ako kapag kailangan mo ng kausap ah," saad ni Arnold saka hinayaang mag k'wento si Luke sakan'ya.

Si Arnold, siya ang kaklase naming pati problema ng mga kaklase namin ay pinoproblema niya. Lagi niyang pinapaalala sa'min na handa siyang makinig sa mga hinaing namin sa buhay kahit anong oras. Ni isang beses ay hindi ko siya nakitang malungkot at umiiyak. Lagi siyang nakangiti at tumatawa. Minsan napapaisip ako kung ano kayang feeling ng walang problema katulad niya?

"Dave, ayos ka lang?"

Nandito kami ngayon sa Cafeteria. Kasama ko sila Arnold, Dave at Luke. Hinila nalang ako bigla dito ni Arnold dahil parang may problema daw si Dave. Isang buwan na din ang nakakalipas noong nag k'wento si Luke ng problema kay Arnold. Ang bilis talaga ng panahon.

"Wala na kami, dre," napatitig ako kay Dave dahil sa sagot nito. Nakangiti man ito pero halatang-halata sa mukha niya na gusto niyang umiyak. Nag break pala sila ng girlfriend niya.

"Ayos lang 'yan dre. Gan'yan talaga ang buhay. Umiyak ka lang, huwag mong pigilan para gumaan ang pakiramdam mo. Hindi nakakabakla ang umiyak, huwag mong isipin ang iba." Tinapik ito sa balikat ni Arnold.

Napatingin ako kay Luke na katulad ko'y hindi rin alam ang gagawin.

"Masakit dre, masakit." Paulit-ulit na banggit ni Dave.

"Uuwi na'ko dre," paalam bigla ni Luke.

"Hoy anong uuwi! Tapos namana klase natin, punta muna tayong–saan ba? Basta uminom tayo, samahan natin si Dave baka maglaslas 'to!" Sigaw niya bago kami hinila papunta sa bahay nila.

Napatingin ako sa kabuuan ng bahay nila Arnold, walang tao dito maliban sakan'ya. Maliit lang din ang bahay, sakto lang sakan'ya.

"Ito redhorse, hindi naman 'to nakakalasing masyado. Sakto lang para makalimutan mo kahit saglit sakit na nararamdaman mo," saad ni Arnold saka binigyan ng isang baso si Dave na hindi niya naman tinanggihan.

Naka tatlong bote palang kami nang lasing na silang tatlo, ang lakas mag-aya ni Arnold na uminom mahina naman pala tolerance sa alcohol.

"Pre, tama na 'yan." Agaw ko sa bote.

"Anong t-tama? Ang hina mo naman, D-dave!" Sigaw nito sa'kin.

"Hindi ako si Dave, si Roger ako."

"Ay gano'n ba? Hahahaha alam mo ba pre-" napatigil ito sa pagsasalita kaya napatingin ako sakan'ya.

Nakatingin ito kay Luke at Dave na nakahiga na sa sofa ngayon. Know down na.

"Amp-ta ang hihina naman ng mga 'to," turo niya sa dalawa. Mahina rin naman siya.

Mabilis kong niligpit ang mga kalat ng marinig ko itong umiyak bigla. Matagal akong nakatitig sakan'ya. Hindi makapaniwalang iiyak siya, si Arnold umiiyak?

"May–may problema ka ba dre?" Nag-aalangang tanong ko.

"Problema? Problema? Marami ako n'yan! Gusto mo bigyan kita? Hahaha!" Lasing nitong sagot.

"Ayos lang 'yan, lahat ng problema may sulosyon," tapik ko sa balikat nito pero mas lalo lang itong umiyak. G-go, mali ba ginawa ko? Ginaya ko lang naman ginawa niya sa'kin dati?

"Last month..." Tumigil ito para punasan ang luha niya sa Mata.

"Last month, namatay Mama ko. Alam mo 'yun pre? Sobrang sakit g-go, sobrang bigat! Dito, dito..." Sinuntok-suntok nito ang dibdib niya. Hindi ko man lang nabalitaan 'yun.

"Ang sakit dre, pero alam mo yung mas masakit? Sumunod si Papa dalawang linggo ang nakakaraan. T-ngina, dre ayaw ba nila sa'kin? B-bakit ang aga nilang kinuha mula sa'kin? Silang dalawa ang lakas ko pre para magsumikap sa pag-aaral pero sa isang iglap bigla silang nawala!" Halos tumulo ang mga luha sa mata ko ng marinig ang k'wento nito.

Hindi ko akalaing ang Arnold na kilala kong masayahin at laging tumatawa ay may napaka sakit at nakaka durog na pinagdaraanan sa buhay.

"Kung wala siguro sa tabi ko ang girlfriend ko noong mga panahon 'yun siguro ay sumunod na'ko sa kanila..." Mahina itong tumawa saka umiling.

"Mabuti nalang at nandoon ang girlfriend mo pre, hindi ka nag kk'wento sa'min." Saad ko, tumawa ito ulit bago nagsalita.

"Ayokong dumagdag sa mga problema at iisipin n'yo pre, ano ka ba. Saka 'yun na nga, e! Iniwan din ako ng girlfriend ko last week, saklap 'di ba?"

Mas lalo akong naawa kay Arnold dahil sa narinig ko. Lahat ng taong mahal niya sa buhay ay unti-unting nawawala sakan'ya at ngayon ay wala ng natira. Kung ako siguro 'yun, baka hindi ko kayanin.

"Pre..."

"Ayos lang ako dre! Ano ba 'to, lasing na ba ako? Ikaw pre lasing ka na siguro, d'yan ka nalang matulog din!" Saad nito bago tumayo at uminom ng tubig.

"Kapag kailangan mo ng kausap dre, nandito lang ako!" Napatawa ako bigla sa sinabi nito saka siya tinulak ng pabiro.

"Ikaw na nga 'tong may mabigat na dinadala, ikaw pa may ganang sabihin 'yan. Kapag may problema ka, makikinig kami sa'yo dre. Huwag mong isarili lahat, baka hindi mo kayanin." Seryosong saad ko.

"Oo, oo. S-salamat dre," mahina nitong saad. Nakita ko pang nagpunas ito ng luha bago pumasok sa k'warto niya.

Napaupo ako sa panghihina. Hindi dahil sa alak na nainom ko kundi dahil sa nalaman ko tungkol kay Arnold. Hindi ko alam kung paano niyang nakuhang ngumiti at tumawa sa kabila ng bigat at sakit dinadala niya sa kan'yang puso.

Kung sa'kin nangyari ang pinagdaanan niya'y baka nalunod na'ko sa sakit na nararamdaman ko at tuluyan ng mawala sa katinuan.

Napatitig ako sa kawalan. Totoo nga, hindi lahat ng nakangiti ay masaya. Hindi lahat ng tumatawa ay walang problema at masakit na dinadala. Kung sino pa 'yung laging masaya sa harapan mo, siya pa yung may pinakamasakit na nakaraan.

LESSON: Hindi lahat ng nakangiti sa harapan natin ay totoong masaya at walang problema. Sa panahon kasi ngayon, halos lahat ng tao ay kaya nang takpan ang sakit na nadarama sa pamamagitan ng pagngiti at pagtawa. Akala mo kung maka ngiti at makatawa ay hindi durog sa kanilang kaloob-looban. Kaya ikaw, kung may kaibigan kang ganito, palangiti at laging tumatawa. Huwag na huwag kang mag-alinlangan na tanungin kung ayos lang ba sila, kung kumusta sila at iparamdam mo sakanila na nand'yan ka lang lagi kapag kailangan ka nila.

Blues (ONE-SHOT STORIES COMPILATION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon