Prologue

310 23 11
                                    

July 9, 2012

Pawis na tumatakbo si Narda habang nakasabit sa katawan niya ang may kalakihan niyang bag na ang laman ay tuwalya at t-shirt at iba pang gamit niya sa paglalaro ng basketball.

Sa pagmamadali niya papunta sa library ay napatingin tuloy ang ibang estudyante sa kanya lalo na ang ibang miyembro ng fans club niya na nasa vicinity lang.

Nang makarating siya harap ng pintuan ay agad silang nagkatinginan ng guro na bantay doon. "Miss Custodio, why in rush?"

Nagawa pa nitong taasan ng kilay si Narda na ikinangiti lang ng isa. Naasar tuloy ang guro. "Mukhang hindi naman pag-aaral ang habol mo dito, Miss Custodio."

"Pwedeng oo o pwede ding hindi. Pero ho alam ko na mayroon akong kalayaan na pumasok sa lugar na ito basta may ipakita akong school ID kaya labas na doon kung ano nga bang rason ko sa pagpasok," nakangiting sagot ni Narda.

Napa-eye roll naman ang guro na para bang naasar na ewan ito. Kung tutuusin ito ang nauna pero ito ang nairita.

Pinagtataka na talaga ni Narda kung bakit siya pinag-iinitan ng partikular na guro na ito. Wala naman kasi siyang naalala na may ginawa siya dito na pwedeng maging dahilan para makatanggap siya ng ganoong pagtrato. Ito rin ang dahilan kaya pinapatulan niya na lang ito kapag may pagkakataon.

Para iwas irita na lang rin sa nasabing guro ay inabot na lang kaagad ni Narda ang ID niya tsaka hinintay na ma-verify iyon.

Nang pahintulutan na siya nito ay agad niyang kinuha ang ID niyang inabot nito pabalik tsaka inayos ang bag niya sa pagkakasabit nito sa balikat niya bago tuluyang pumasok sa library.

Takaw-pansin si Narda pagpasok niya dahil sa ayos niya. Naka-training attire pa kasi ang dalaga, iba sa mga estudyante na maayos na nakasuot ng mga uniform nila.

Pero sanay na si Narda sa mga ganoon. Ang tingnan ng napakaraming tao kaya dedma na lang sa kanya.

Papunta na sana siya sa pinakalikod na parte ng library ng makabunguan niya ang isang kapwa mag-aaral niya. Sa lakas ay malapit nang natumba ito kung hindi lang agad nahawakan ni Narda ang braso nito at tinulungan ito sa pag-balanse.

"Okay ka lang?" Nag-aalalang tanong ni Narda. Huli na ng pumasok sa utak niya kung sino ang estudyanteng nakabungguan niya.

"I'm okay. Kung hindi mo ako nahawakan ay baka nga tuluyan na akong natumba."

Dahil nakilala na ni Narda kung sino ang nasa harap niya ng mga oras na iyon kaya naman awkward niyang binitiwan ang braso ng dalaga na kanina ay hawak-hawak niya.

"Pasensiya ka na talaga. Hindi ko sinasadya na mabangga ka." Sinserong paghingi niya ng tawad dito.

"Yeah, right. Kung hindi ka ba naman kasi parang makikipagkarera habang naglalakad sa loob ng library eh."

Wait. Napakunot ang noo ni Narda. Rinig niya sa tinig nito ang pagkairita at sa kadahilanang hindi niya alam. Bakit ito aakto ng ganoon bigla-bigla gayong okay pa naman ito kanina? Maayos pa ang mood nito nung una!

At parang bulalakaw na bumagsak sa isipan niya ang ideya kung bakit nga ba. This is Regina Vanguardia. Anak ng isa sa pinakamayamang tao sa Nueva Esperanza. Ang SSG president ng Nueva Esperanza National High School at ang indirektang karibal niya sa paaralan.

Indirekta? Dahil sa paaralan nila, may dalawang klase ng mag-aaral. Ang mga estudyanteng nasa ilalim ng Science Program at ang mga estudyanteng nasa Regular Class. At sa batch nila, si Regina ang top one sa Science class habang siya, si Narda, ang top one sa Regular class.

Ano ang problema kung magkaiba naman pala sila ng section? Matagal ng issue ito sa school nila. Once na hindi ka nakapag-take ng examination para sa science program nila ay hindi ka maa-admit sa science section kahit gaano ka pa katalino. At iyon ang case ni Narda na isang transferee nung second year high school sila.

At dahil kaya niyang sabayan si Regina sa kahit ano'ng academic events kaya naman parang ginawa pa silang mukha ng respective programs na kinabibilangan nila. Para silang mga manok na pinagsabong kahit hindi naman dapat.

Simula noon tuwing mababanggit ang pangalan ni Regina ay paniguradong susunod ang pangalan ni Narda. At ganoon din kay Narda.

Tuloy dahil sa ganitong issue naging indirektang magkalaban sila kahit hindi naman kailangan dahil hindi sila magkaklase. May kaibahan din kasi talaga ang mga subjects na kinukuha ng mga nasa science section kumpara sa kanila na nasa regular class kaya ito ang rason kung bakit hindi siya gaanong apektado sa 'rivalry' kuno nila.

Pero iba ang kwento kung si Regina ang pag-uusapan at alam iyon ni Narda. Dahil sino nga ba naman ang hindi maaiinis kung biglang may dumating sa paaralan niyo at biglang nakihati sa spotlight na sana kanya lang?  Hindi madaling maging estudyante sa ilalim ng science program dahil mas mahigpit sa kanila ang mga guro. Mas mataas ang expectations sa kanila kumpara sa mga etsudyante sa regular class.

"Nag-sorry  na nga tapos nagawa mo pa akong tarayan," sagot naman ni Narda. Hindi narin maganda ang ekspresyon sa mukha niya dahil sa inasta ni Regina.

Kahit na madalas silang magkasama sa mga contest ay hindi sila naging malapit sa isa't isa dahil sa huli ay magkalaban parin naman ang bagsak nilang dalawa. Kaya hindi na nagtataka si Narda kung bakit ganito ang interaksiyon nila. Hindi din naman ito ang unang beses.

"Ewan ko sayo."

Naglakad muli si Regina at iniwas nito ang sarili sa pwesto ni Narda tsaka siya nito nilagpasan. Maang na napalingon si Narda sa dalaga at sinundan ito ng tingin hanggang makalayo ito at mawala sa paningin niya.

"Weirdo din talaga ang babaeng iyon minsan. Tama nga ang bali-balita na konti lang ang taong nakakaintindi sa kanya. Kahit ako parang hindi ko alam kung paano ko ii-interpret ang sinabi niya," napapailing na saad ni Narda.

Humarap uli siya sa direksyong pupuntahan at naglakad na. Nang makarating siya sa likod at pinakagilid na section sa kanan parte ng library ay agad niyang hinanap ang librong naglalaman ng isa sa pinakasikat na akda ni Jose Rizal, ang El Filibusterismo.

Nang mahanap ng mga mata niya ang posisyon ng lumang libro ay agad niya iyong inabot at kinuha. Tiningnan niya ang gilid ng libro at nang makita niya ang maliit na puwang sa pagitan ng mga pahina ay agad siyang napangiti.

"Sa wakas nakasagot ka rin, Val."

Abot hanggang langit ang tuwa ni Narda ng mga oras na iyon dahil lagpas isang linggo bago siya nakatanggap ng liham mula sa ka-penpal niya.



The Letters I Sent (Darlentina AU) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon