Chapter Seven

82 10 5
                                    

Pagkabalik nila Narda ay naabutan nila si Lexi at Elise na nakahiga na at parehong tutok sa kanilang mga cellphone. Pero ang nakakuha talaga ng atensyon ni Narda ay ang comforter niyang nakalatag na at sa tabi pa ng higaan ni Regina.

"Oh, andito na kayo," napabangon pa si Elise pagkatapos nitong makita sina Narda. Kinalabit pa nito si Lexi para ipaalam na nakabalik na ang dalawa dahil hindi nito napansin dahil sa pagiging busy nito sa sariling cellphone.

"Tara, chikahan muna tayo bago matulog," dagdag pa ni Elise.

Pareho nilang tinabi ni Lexi ang mga phone nila at inayos ang pagkakaupo sa kanya-kanyang higaan. Dahil mukhang ready na ready naman na sila sa 'chikahan' kaya naman hindi na tumanggi sina Narda at Regina.

Inayos nila ang mga ginamit at itinabi bago silang dalawa pumunta sa mga pwesto nila.

"Ano ba balak niyo pag-usapan?"

"Kami lang, Narda?" dramatic na tanong ni Lexi.

"Kayo nag-aya eh. Makikinig lang ako. Ano ba tingin mong pwede kong iambag sa 'chikahan' na gusto niyo?"

"Mga magagaan lang naman na tanong eh. Like sino crush mo? o taga-saang section yung crush mo," sagot naman ni Lexi kay Narda.

"Ang ibig sabihin tungkol sa crush pag-uusapan natin? Di wala nga akong maiaambag kasi wala naman ako nun."

Napatingin hindi lang si Lexi kundi pati narin si Elise kay Narda na inosente namang nakatingin sa dalawa.

"Ikaw walang crush? Imposible! Ang daming guwapo sa eskwelahan natin. Di ba kaklase mo yung anak ni Mayor? Si Noah. Yummy-licious nun, di mo bet?" hindi makapaniwalang saad ni Lexi.

"Hindi porke guwapo crush ko na kaagad. Tsaka tropa kami ng isang iyon kaya imposibleng magkagusto ako sa kanya," paliwanag ni Narda.

Si Noah ay malapit na kaibigan lang ni Narda. Hindi siya nakaramdam ng higit pa doon tungo sa lalaki. Tsaka kahit mula sa kilalang angkan si Noah ay hindi iyon naging dahilan para hindi sila magkalapit at maging magkaibigan. Kung tutuusin ay ito pa nga ang unang lumapit sa kanya at nag-alok ng pakikipagkaibigan. At simula nun, maliban kay Mara, si Noah ang taong madalas na kasama ni Narda sa paaralan. Para silang magkapatid na sanggang-dikit at di mapaghihiwalay.

"Ang tanong tropa din ba ang tingin sayo?" mapanuksong tanong ni Lexi na parang ayaw lubayan si Narda sa topic na pinag-uusapan nila.

"Huy, gawa-gawa kwento ka, Lexi. Tsaka narinig ko mismo sa bibig ng kaibigan ko na may gusto siya mula sa ibang section. Ayaw nga lang sabihin kung ano'ng section."

"Syempre hindi aamin yun sayo ng harapan kung torpe-"

"Lexi, tama na. Baka nga naman hindi gusto ni Noah si Narda. Ano'ng malay natin ibang babae nga naman pala ang gusto nung tao. Di ba, Regina?" Tsaka tiningnan ni Elise si Regina na kanina pa nanahimik sa gilid.

"Bakit ka sa akin nagtatanong?" clueless naman na usisa nung isa.

"Malamang. Eh ikaw tong kilala si Noah simula pa nung mga bata pa kayo. Mula kindergarten to high school iisang paaralan lang kayo oh," at tumawa pa sa dulo si Elise. Sa tuno nito at sa tingin na ibinibigay nito parang may alam ito pero hindi nito gustong malaman ng iba. Na mas nakakatuwa para dito na walang alam ang tatlo habang siya alam niya.

Pero hindi naman tanga si Narda para hindi makuha ang pasimpleng panunudyo ni Elise kung saan ang biktima ay ang manhid na si Regina.

Hindi niya akalain na ang taong matagal ng nagugustuhan ng kaibigan niya ay walang iba kundi Regina Vanguardia.

"Enough with Noah. Anyways, meron naman tayong Brian sa classroom. Ang crush ng bayan. Kung si Noah yung hunk-type na lalaki, si Brian naman yung boy-next-door type. Mala-John Llyod Cruz ang datingan," kinikilig pang saad ni Lexi na hindi ata napapagod kakasalita.

"Tama ka naman. Crush ko din dati yan eh. Matangkad, maputi at baby boy ang ngitian. Sa pagkakaalam ko halos lahat ng babae sa Science section kung hindi nagkagusto ay may gusto sa kanya," dagdag pa ni Elise.

"Yeah."

Sing bilis ng kidlat na napatingin ang tatlo sa sumagot na iyon. Kahit si Regina nagulat bakit biglang tumingin sa kanya ang mga kasama na para bang may kung ano sa naging tugon niya.

"May gusto ka din kay Brian?"

Biglang kumunot ang noo ni Regina at ito naman ngayon ang tumingin sa kanila na para bang may mali sa iniisip nila ng mga oras na iyon.

"Sana okay lang kayo. Tsaka sumang-ayon lang ako sa sinabi mo na 'halos lahat', syempre maliban sa akin. Guwapo nga hindi naman marunong sumagot ng simpleng tanong tungkol kay Dr. Jose Rizal."

Sa paraan ng pananalita ni Regina para bang kasumpa-sumpa si Brian dahil hindi lang nito nasagutan ang tanong tungkol kay Rizal na nangyari pa isang taon na ang nakakalipas. Matalino din naman si Brian, sadyang hindi lang nito gusto ang history kaya lagapak talaga ito pagdating sa ganoong tanungan.

"Hindi mo naman masisisi si Brian. Kahinaan niya ang subject na iyon. Tsaka gusto mo pa atang itulad siya sayo eh ikaw itong malala. Yung Florante at Laura, Noli Me Tangere tsaka El Filibusterismo, sa succeeding years pa iyon iti-take up pero first year palang ubos mo ng basahin. Yung totoo? Mag-a-abogado ka ba talaga? Kasi sa lagay na iyan parang ibang kukunin mo na career sa hinaharap."

Tiningnan muna ni Regina si Lexi bago sumagot sa tanong nito. Habang si Elise at Narda ay naghihintay lang na marinig kung ano mang sasabihin nito.

"Bawal ba? Tsaka kasalanan ko ba kung hindi niyo ma-appreciate ang mga gawa ng mga manunulat na mismong dito pinanganak sa atin? Ang galing lang ni Dr. Jose Rizal para baliwalain ang mga akda niya."

"Gusto mo din pala ang mga akda ni Jose Rizal?"

Bigla atang kuminang ang mga mata ni Narda nang mapagtantong may karamay siya pagdating sa topic na iyon.

At na OP sina Elise at Lexi ng bigla ba namang mag-chikahan si Narda at si Regina kung saan tungkol kay Rizal at sa mga akda nito ang paksa.

"Hindi ko akalain na dadating ang araw na masasaksihan kung makipag-usap ng ganyan si Regina. Parang chismosa lang ang dating kaso pang-iskolar parin yung topic," iyon ang bulong ni Lexi sa katabi niyang si Elise. Hindi alam ng dalawang babae kung ano'ng iisipin ng mga oras na iyon.

"Kung may crush man siguro ang dalawang iyan, panigurado si Jose Rizal yun. Yung kamandag ng international playboy hindi pinaligtas kahit sina Narda at Regina," segunda naman ni Elise. 

The Letters I Sent (Darlentina AU) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon