Narda's POV
"Kumusta ka? Ayos ka na ba?" tanong ni Brian nang makapasok ako ng sasakyan niya. Katatapos pa lang ng shift ko at may usapan kami na magkita nang palihim dahil sa nangyari sa'kin kagabi. Nangako siyang tutulungan akong mahanap kung ano o sino man 'yung nakaharap ko.
"Ayos naman, pagod lang. Hindi talaga ako makatulog kagabi at medyo masakit pa rin 'tong braso at likod ko."
Ang totoo, pinilit ko lang ang sarili ko na pumasok sa trabaho ngayon dahil kung mananatili lang ako sa bahay, baka lalo lang akong mabaliw kaiisip sa nangyari.
Ayaw ko rin namang mag-alala sa akin sina lola at Ding.
Tulog na sila nu'ng hinatid ako ni Brian kagabi, medyo matagal din kaming nagsama dahil iyak lang ako nang iyak sa kanya sa sobrang takot ko. Mabuti na nga lang at hindi na ako kinulit nina lola kaninang umaga kung may nangyari ba sa'kin.
Sasabihin ko rin naman pero 'wag na muna siguro lalo pa't may gulo rin na nangyari kanina sa may amin.
May isa kasing lalaki na nagwawala at pinagkakalat na pinatay daw ang isa sa mga kasamahan niya sa West Point Street. Nakikiusap siyang itago siya dahil daw baka siya na ang isunod ng killer. Pero wala namang natagpuang bangkay, sinasabihan tuloy siyang baliw at gumagawa lang ng kwento.
Pero sa West Point Street din kasi kami nagkaharap ng bampira kaya mahirap para sa akin na hindi paniwalaan ang sinasabi niya. Iyon din ang rason kung bakit kami magkasama ni Brian ngayon, gusto kong malinawan kung ano na ba talaga ang nangyayari.
"Pasing Castillo. Oo, siya nga 'yun." sabi ni Brian habang pinapakita sa akin ang letrato ng babae na kumpirmadong pinatay nga sa West Point Street kagabi, matapos kong ikwento sa kanya ang pagwawala ng lalaki at ang sinasabi niyang kasamahan niya.
Halos maduwal ako dahil sa letratong pinakita ni Brian. May kagat sa leeg at mukhang kinawawa ng salarin ang isang street sweeper dahil halos sipsipin ang lahat ng dugo nito. Agad kong binalik kay Brian ang letrato.
Huminga ako nang malalim.
Kung tutuusin ako dapat 'yun, pinaglalamayan na dapat ako ngayon. Umiwas ako sa tingin ni Brian habang pinipigilan ko ang pagtulo ng luha ko.
Naiinis ako sa sarili ko. Pakiramdam ko, kasalanan ko kung bakit wala na siya ngayon.
"Ang problema, pinaligpit ni Colonel Malabanan at nag-order sa amin ng news blackout. Tsk. Hindi namin alam na may nakakita pala ng bangkay niya. Street sweeper si Aling Pasing tapos 'yung nakakita sa katawan niya ay si Mang Karding na kasamahan niya. Nagwawala rin siya sa presinto kanina, pinipilit niya na sigurado siya sa nakita niya. Pero sa ngayon, kailangan na muna namin itago ang katotohanan."
"Pinagkakamalan nga siyang baliw kanina, eh. Kawawa 'yung tao." muli akong tumingin kay Brian.
"Alam ko Narda, kaso hindi lang si Mang Karding ang dapat nating isipin. Maliban sa nangyari kay Aling Pasing, may leads pa kami sa nangyaring pag-atake sa'yo kagabi. Ang totoo, hindi ko nga rin masabi na leads dahil kakaiba ang mga nangyayari. Una, may anonymous na babaeng nag-report sa'min na may umatake raw sa kanya kagabi. Kagabi mismo siya nag-report, pagkatapos kita ihatid sa inyo. 'Yung mga kwento niya, parehas ng sinabi mo sa'kin. Sa playground nangyari ang insidente at ang sabi niya, may pangil daw ang sumugod sa kanya. Papatayin daw siya. Sinubukan namin i-check 'yung CCTV sa area, pero saktong nasira bago 'yung oras ng insidente. May mga naretrieve kami pero wala na 'yung sa mga oras na pinangyarihan ng insidente kaya hindi mapatunayan ang statement ni anonymous."
BINABASA MO ANG
The Dark of You
VampireOne wanted nothing but to live a simple and ordinary life while the other aims to become powerful even if it meant betraying her own race. One encounter will give them a twist of their fate, finding themselves at a crossroads. They get to choose: a...