CHAPTER 7: Secret
Ilang araw na ang nakalipas mula nang sabihin sa akin ni Sir Isaac na siya ang nagbigay ng kulay blue na dress. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na binili niya iyon para sa akin.Sa kabila noon ay napansin ko na rin ang pagiging malapit ni Israel sa ama niya. Hindi man niya sabihin pero alam ko na palagi niyang hinihintay ang Papa niya sa pag-uwi galing sa trabaho.
Ang paborito niyang laruan din ngayon ay iyong bili ni Sir Isaac sa kanya.
Nakakatuwa silang dalawa dahil kahit papaano ay nagiging magaan na ang loob nila sa isa't isa.
"I have a secret." bulong sa akin ni Israel habang binibihisan ko siya ng damit.
Wala siya ngayong pasok dahil holiday. Natawa na lang ako nang sabihin niya sa akin na malungkot daw siya dahil walang pasok.
Noong bata ako ay ganun din ako. Malungkot din ako kapag walang pasok pero nang tumanda na ag halos hilingin ko na sana ay walang pasok.
"Mister Isaac and I have a secret." paguulit niya.
Simula noong mag day-off ako ay wala itong ibang binabanggit sa akin kundi ang sekreto nilang dalawang mag-ama.
Hindi ko alam kung pinapainggitan ba ako or tinutukso na alamin ang sekreto nila.
"Ano ba 'yung sekreto niyo?" tanong ko sa kanya.
"Secret. Bawal sabihin." makulit niyang sabi. "Pero sasabihin ko sa iyo pag ni-gawan mo ako ng chocolate brownies."
Aba! Ang batang ito maruno nang makipag-deal. Ginamit pa talaga sa akin ang sekreto nila ng ama niya para lang gawan ko siya ng chocolate brownies.
"Oh sige. Gagawa tayo ng chocolate brownies." sabi ko sa kanya.
Tumalon talon si Israel habang pumapalakpak ito.
"Love kita Mama Jane." sabi nito at hinalikan ako sa pisngi.0
Magkahawak kami ng kamay nang bumaba. Pagdating sa kusina ay binati niya ang mga kapwa ko katulong. Nagpa-cute pa ito at napailing na lang ako sa kabibuhan niya.
Inihanda ko ang mga sangkap para sa paggawa ng chocolate brownies. Si Israel naman ay nakaupo lang sa tapat ko at pinapanood ko.
Nagsimula akong gumawa ng chocolate brownies at sandali pa ay nagpaalam sa akin si Israel na may kukunin lang daw siya.
Ang sabi ko ay sasamahan ko siya pero wag na daw dahil mabilis lang siya. Pagbalik niya ay may hawak itong cellphone. Cellphone iyon ni Madam Ivana.
"Pipicturan po kita." sabi ni Israel sa akin.
"Smile Mama Jane." sabi niya pa at ginawa ko naman.
Sa bawat kilos ay pinicturan ako ni Israel dahil rinig ko ang tunog nang pag-click ng camera. Kung minsan naman ay vinivideohan niya ako.
"Ang ganda mo Mama Jane." puri sa akin ni Israel sabay kindat.
Ang dami na talaga niyang nalalaman. Ewan ko na lang kung maging babaero ito nang wala sa oras. Baka maraming babae siyang mapaiyak.
"Lola Lita." tawag ni Israel sa kakadating na si Manang Lita. Nag-bless siya dito at ibinigay ang cellphone ni Madam Ivana sa kanya.
"Tutulungan ko po si Mama Jane. Picturan at videohan niyo po kami."
Kumuha si Israel ng upuan at tumuntong doon. Sinabihan ko siya mag-ingat dahil baka mahulog. Pinaupo ko siya sa kitchen table dahil nagaalala ako na baka mahulog siya kapag nakatayo siya sa upuan.