KABANATA IV: Ang Pagkalat

1.3K 71 6
                                    




HINDI makapaniwala si Stephen sa nakita niya mula sa labas ng laboratory. May malaking glass window roon kaya nakikita niya ang nasa loob. Dalawang tao na akala mo ay mga mababangis na hayop sa kagubatan. Naglalaway, umaangil. Ang mga mata ay kasing-puti ng ulap sa kalangitan. Maputla ang balat at bahagyang nakikita ang kulay ube na ugat.

Nang makita siya ng dalawa ay nagpaunahan ang mga ito sa paglapit sa glass window. Nagulat siya at napaatras nang bahagya nang pinagbabayo ng dalawang iyon ang glass window. Kahit nagdudugo na ang mga kamay ng mga ito ay hindi huminto ang mga ito sa pagsubok na basagin ang salamin. Tila ba gusto siyang kainin ng mga ito. Ubusin ang kaniyang dugo at kainin ang kaniyang lamang-loob! Napangisi siya imbes na matakot.

Nabasag na nang tuluyan ang kamay ng isa at umusli na ang buto ay hindi pa rin ito huminto sa pagbayo sa salamin. Tila hindi ito nakakaramdam ng sakit.

"Ito na pala ang resulta ng matagal mo nang tinutuklas, Lawrence. Ito ba ang sinasabi mong sagot para hindi mamatay ang mga tao? Binuhay mo ang patay pero ginawa mo silang uhaw sa laman at dugo! Kagaya ko ay nabigo ka rin. Tapos ang kapal ng mukha ninyong alisin ako sa laboratory na 'to." Pigil ang galit na wika niya.

Inilabas ni Stephen ang dalang cellphone at inumpisahang kunan ng video ang dalawang tao na nasa loob ng laboratory. Habang kinukunan niya iyon ng video ay ipinapaliwanag niya na si Lawrence ang may kagagawan niyon. Maging ang pagkuha ng mga ito sa isang bangkay sa kuweba sa Calamba ay sinabi rin niya. Pati na rin ang ginawang proseso ng mga ito. Sa pagkuha ng parasitic worm na acaris sa bangkay at paglipat niyon sa isang patay.

"Sino ka?! Stop filming!" Mula sa kung saan ay isang boses ng lalaki ang umalingawngaw.

Sa paglingon niya sa kaniyang kanan ay naroon si Lawrence at malalaki ang mga hakbang na papalapit sa kaniya. Akmang aagawin nito ang cellphone niya pero mabilis niya iyong nailayo rito.

"Bawal ang ginagawa mo! Bumalik ka sa office mo! Who are you?!" Galit na dinuro pa siya ng sikat na scientist.

Sumilakbo ang galit sa puso ni Stephen sa muli nilang paghaharap ni Lawrence. Alam niya na may basbas nito ang pagpapatalsik sa kaniya. Ito ang dapat na sisihin kung bakit siya nawala sa grupo nito. Marami pa siyang dapat na patunayan ngunit tinanggalan siya nito ng pagkakataong gawin iyon.

"Give me your phone! I have to delete the video that you took! And take off your mask! Gusto kong makita kung sino kang tarantado ka!" Inilahad ni Lawrence ang isa nitong kamay.

Napatingin siya sa kamay nito. Humakbang siya palapit. Imbes na sundin ang utos nito ay mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Lawrence at hinila niya ito palapit sa pinto. Mabilis niya binuksan ang pinto at dahil sa mas matanda ito sa kaniya ay walang kahirap-hirap niya itong naitulak papasok sa loob ng laboratory room kung saan naroon ang dalawang infected ng parasitic worm. Natumba si Lawrence sa malamig na sahig at bago pa man ito makatayo ay sinunggaban na ito ng dalawang infected at kinagat sa leeg.

Malakas na sumigaw si Lawrence. Kitang-kita niya kung paano hiniklas ng mga ito ang balat nito sa leeg at kasunod niyon ay ang pagsirit ng dugo.

Kinunan niya ng video ang nagaganap na pag-atake.

Itinaas ni Lawrence ang isang kamay habang nakatingin sa kaniya. "T-tulungan mo ako—" Muli itong napasigaw nang sunggaban ng isa ang braso nito.

Sa pagkakataong iyon ay inalis na niya ang suot na facemask. Gusto niyang malaman ni Lawrence kung sino siya bago ito mamatay. "Iyan ang dapat sa iyo, Lawrence. Ngayon, patas na tayo dahil ikaw ang pumatay sa pangarap ko!" Puno ng poot niyang wika.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon