HINDI. Hindi ko siya kayang pabayaan. Nararapat lamang na tulungan ko siya! Sigaw ng utak ni Crisanto. Hindi na niya pinakinggan si Tonyo. Mabilis siyang kumilos upang alisin si Donya Isabel mula sa aparador na nakadagan sa mga paa nito. Sinubukan niyang iangat ang mabigat na aparador ngunit hindi sapat ang lakas niya upang tuluyan iyong maiangat.
"Tonyo! Halika! Tulungan mo ako!" utos ni Crisanto.
"Ngunit, ginoo—"
"Mas makakaalis tayo rito nang mabilis kung tutulungan mo ako rito!"
Nagdadalawang-isip man ay wala nang nagawa pa si Tonyo kundi ang sundin siya. Lumapit na rin ito upang tulungan siyang maiangat ang aparador. Halos nakangiwi na silang dalawa sa sobrang bigat ng bagay na iyon. Ngunit dahil sa pagtulong ni Tonyo ay mas naiangat pa nila ang aparador kaya nagkaroon na ng kakayahan si Donya Isabel na ialis ang paa nito mula sa pagkakaipit.
Mabilis na inalis ni Donya Isabel ang mga paa at umiiyak itong napasiksik sa isang sulok.
Saka lang nila binitawan ni Tonyo ang aparador nang makaalis na si Donya Isabel.
"Ligtas na kayo, Donya Isabel. Aalis na kami," ani Crisanto.
"H-hindi! Huwag ninyo akong iwanan dito! Baka may mga halimaw pang dumating kagaya ng isang iyan!" Natatakot nitong itinuro ang walang buhay na halimaw.
Mabilis na naikwento ng donya na ang buong akala niya ay si Alvaro ang tila kumakatok sa pinto ng kaniyang bahay kaya pinagbuksan niya ito. Laking gulat nito nang isang halimaw pala na inuumpog ang ulo nito sa pinto ang inaakala niyang kumakatok. Mabilis na nakapasok ang halimaw at hinabol nito si Donya Isabel hanggang sa silid kung saan nila ito natagpuan. Doon ay nabagsakan na ng aparador ang donya. Mabuti na lang at may hawak itong naputol na yantok at iyon ang ginamit nito upang itarak iyon sa noo ng halimaw.
"Ginoo, hindi natin siya maaaring isama. Alam mo iyan," bulong ni Tonyo sa kaniya.
Tama si Tonyo. Kapag isinama niya si Donya Isabel ay malalaman nito ang kuta ng mga rebelde. Baligtarin man niya ang mundo, asawa pa rin ito ng gobernador-heneral. Kahit sabihin na mabuti ito ay hindi pa rin iyon masasabing dahilan para hindi sila nito isuplong sa asawa nito.
Yumukod si Crisanto upang kahit paano ay magpantay ang mukha niya sa mukha ni Donya Isabel. "Ikinalulungkot ko, Donya Isabel, pero hindi ka namin maaaring isama—"
"Matagal ko nang alam na isa ka sa mga rebelde, Crisanto. Ikaw at si Hulyo ngunit hindi ko iyon sinasabi sa aking esposo. N-naniniwala ako sa ipinaglalaban ninyo!" putol nito sa kaniyang pagsasalita.
Natigalgal si Crisanto. Nanlamig siya.
"Ginoo, maaaring hindi siya nagsasabi ng totoo. Hindi natin pwedeng ilagay sa alanganin ang iba nating kasamahan na nasa kuta." Bulong pa ni Tonyo.
"Kahit anong sabihin mo, Donya Isabel, hindi ka maaaring sumama sa amin ngunit pwede ka naming dalhin sa isang ligtas na lugar. Sa iyong asawa. Alam mo ba kung nasaan siya?"
"Oo! Nasa simbahan. Doon siya huling nagtungo!" anito na may kasabay na mabilis na pagtango.
Napatiim-bagang si Crisanto nang maalala niya kung paano tinalikuran ni Alvara at Padre Salazar ang mga tao nang sumugod doon ang mga halimaw. Hinding-hindi niya makakalimutan kung paano sumamo ang mga tao ngunit parang bingi na hindi pinakinggan nina Alvaro ang mga ito. Ganoon kasama ang ugali ni Alvaro.
Nagkasundo sila na dadalhin lamang nila si Donya Isabel sa labas ng simbahan. Hanggang doon lamang ang kaya nilang itulong. Ito na ang bahala na pumasok sa simbahan upang puntahan ang asawa nito sa loob. Pumayag si Donya Isabel. Mukhang ayaw talaga na nito sa bahay nito dahil sa takot na baka may halimaw na muling pumasok doon.
BINABASA MO ANG
YEAR 1876: Tales of the Dead
HorrorIn the year 2026, a zombie virus spread throughout the Philippines and its neighboring countries. To escape this chaos, an engineer and scientist named Stephen conceived the idea of using his time machine. It transported him to the year 1876. Howeve...