HINDI na lumilingon si Donya Corazon habang tumatakbo siya nang mabilis. Halos magkasabay na sila nina Kulasa at Marta habang si Conchita ay ilang metro ang layo mula sa likuran nila. Paano naman ito makakahabol sa kanila kung hindi nito hinuhubad ang sapatos nito. Silang tatlo, mas pinili nilang maghubad ng sapatos para mas mabilis silang makatakbo.
Ayon kay Conchita, hinding-hindi nito huhubarin ang sapatos nito dahil mahal ang bili roon ng asawa nitong si Lijun. Sa tingin niya rin kaya mabagal tumakbo si Conchita ay dahil sa napakaraming kuwintas na suot nito. Malamang, nabibigatan ito. Ngunit hindi na niya pinapansin pa si Conchita. Ang tanging nasa utak niya ng sandaling iyon ay ang makauwi sa kaniyang bahay. Doon ay ligtas sila.
Sa pagliko nila sa pasilyo ay nagulat sila nang may nakita silang lalaking nakatayo ilang metro ang layo mula sa kanila. Nakatalikod ito at palinga-linga na akala mo ay naliligaw. Agad niyang naramdaman na isa iyong halimaw sapagkat naririnig niya ang mahina nitong pag-angil.
Kinabahan si Donya Corazon. Iyon lamang kasi ang daan na maaari nilang daanin pauwi sa kaniyang bahay.
Sa pagkakataong iyon, naabutan na sila ni Conchita. Napahawak pa ito sa braso niya dahil muntik na itong matumba. "Hay! Nakakapagod! Magpahinga muna tayo. Maaari ba?" Humihingal nitong turan.
"Hindi kami huminto dahil nais naming magpahinga, Conchita..."
"E, bakit? Ano'ng dahilan?"
"Dahil sa kaniya." Nanginginig ang daliri na itinuro niya rito ang lalaking nasa unahan nila.
Tiningnan ni Conchita ang lalaki. Humakbang pa ito ng isa at tiningnan nang mabuti ang lalaki. Naniningkit pa ang mga mata ni Conchita. "Kilala ko ang lalaking iyan. Ang aking si Lijun! Mi esposo!" Malakas nitong sigaw.
Sa lakas ng sigaw ni Conchita ay nakuha niyon ang atensiyon ng lalaki. Lumingon ito sa kanila at nakumpirma niya na isa itong halimaw base sa hitsura nito. Tama nga si Conchita—si Lijun ang lalaki.
"Lijun! Mahal ko!!!" Malakas na sigaw ni Conchita at tumakbo ito papalapit kay Lijun.
Nanlaki ang mga mata ni Donya Corazon sa ginawa ni Conchita. Hindi niya alam kung hindi ba nito napansin na isa nang halimaw si Lijun o sadyang tanga lamang ito.
"Conchita! 'Wag kang lalapit sa kaniya! Isa na siyang halimaw!" Pigil ni Donya Corazon ngunit hindi siya pinakinggan nito.
"Diyos ko! Wala talagang pinipiling oras ang katangahan ng aking amo!" bulalas ni Kulasa.
Kahit alam ni Donya Corazon na palaging nakikipag-kumpetensiya si Conchita sa kaniya at hindi talaga kaibigan ang turing nito sa kaniya ay kaibigan pa rin ito para sa kaniya. Bata pa lang ay magkakilala na sila. Magkasama na sila noong parehas pa silang uhugin at nagbubungkal ng lupa sa bundok. Hindi niya ito maaaring pabayaan.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa payong. Sinundan niya si Conchita at mas binilisan niya ang pagtakbo.
"Donya Corazon!" sigaw ni Marta sa kaniya ngunit hindi siya nagpapigil dito.
Patuloy lamang siya sa pagtakbo. Nakatiim ang tingin niya kay Lijun na sumusugod na rin pasalubong kay Conchita. Nakanganga ito at may umaagos na malapot na laway mula sa bibig. Naunahan na niya si Conchita. Nang abot-kamay na ni Lijun si Conchita ay pikit-mata niyang itinarak ang dulo ng payong sa bunganga nito. Buong pwersa niya iyong ginawa at lumagpas ang dulo ng payong sa likod ni Lijun.
Natigilan silang lahat. Lahat ay nabigla sa ginawa niya. Kahit siya ay nabigla rin. Ang tanging nasa isip niya ng oras na iyon ay ang mailigtas si Conchita.
BINABASA MO ANG
YEAR 1876: Tales of the Dead
HorrorIn the year 2026, a zombie virus spread throughout the Philippines and its neighboring countries. To escape this chaos, an engineer and scientist named Stephen conceived the idea of using his time machine. It transported him to the year 1876. Howeve...