KABANATA XII: Mga Halimaw

871 48 4
                                    




ANG dalawang magkasunod na pag-alingawngaw ng putok ng baril ang nagpamulat kay Padre Salazar. Kasabay niyon ay ang pagsambulat ng malapot na dugo sa kaniyang mukha.

Humahangos na lumapit si Pedro at pinunasan nito ang mukha niya gamit ang sarili nitong damit na hinubad nito. "Diyos ko, padre! Puno ng dugo ang iyong mukha!" Natatarantang turan ng sakristan.

Pagbagsak ni Bayani ay wasak ang ulo nito. Nagkalat ang nadurog na utak sa sahig. Napanganga na lang siya. Doon niya nakita ang isang guwardiya sibil sa likuran ni Bayani na may hawak ng baril na siyang bumaril sa indio.

Ang buong akala niya ay katapusan na niya ngunit sadyang mahal siya ng Diyos dahil hindi Niya hinayaan na siya ay masaktan lamang.

"Husto na, Pedro!" Tinabig niya si Pedro at kinuha rito ang damit. Siya na ang nagpunas ng dugo sa mukha.

Nilapitan siya ng guwardiya sibil at tinanong kung ayos lamang siya at kung nasaktan ba siya.

"Ano ba'ng nangyayari? Bakit tila sinasapian ng masamang espiritu ang mga tao?" tanong ni Padre Salazar sa guwardiya habang patuloy pa rin ang kaguluhan sa simbahan.

"Padre, ang mabuti pa ay magtungo na kayo sa kumbento dahil hindi na kayo ligtas dito. Kami na ang bahala sa mga taong nagwawala!"

Sa tingin ni Padre Salazar ay dapat na nga siyang umalis ng simbahan dahil lumalala ang kaguluhan. Parami nang parami ang mga taong nang-aatake. Napansin niya na lahat ng nakakagat ng taong mga sinasapian ay nagiging kagaya ng mga ito.

Nagmamadali silang bumalik ni Pedro sa kumbento. Ikinandado nila ang pinto upang walang makapasok. Sa tingin niya ay kayang kontrolin ng mga guwardiya sibil ang nangyayaring kaguluhan sa simbahan. Nangangamba lamang siya na baka masira ang mga kagamitan doon lalo na iyong mga yari sa ginto na ibinigay pa ng mayayamang Kastila.

"Mga halimaw." Pabulong na sambit ni Padre Salazar habang nakaupo sa upuang gawa sa nara.

"Ano po iyon, padre? May sinasabi ka ba?" usisa ni Pedro na hindi pa rin nawawala ang pagkabahala sa mukha.

"Ang sabi ko... halimaw. Tila isang halimaw ang mga taong nanggugulo. Ang nakakapagtaka, tila naipapasa nila ang pagiging halimaw sa pamamagitan ng pagkagat nila sa ibang normal na tao."

"Iyan din ang napansin ko, padre. Hindi po kaya katapusan na ng mundo?"

"Hindi nasusulat sa Bibliya na sa araw na ito ang katapusan kaya alisin mo ang walang kwentang bagay na iyan sa iyong utak, Pedro! Ang gawin mo, magbantay ka sa pinto ng kumbento at huwag kang magpapapasok ng kahit na sino. Kapag tapos na ang gulo sa simbahan ay sabihin mo sa mga guwardiya na alisin ang mga katawan at pagkatapos ay isarado mo ang simbahan. Hindi na dapat mapasok ng mga halimaw ang sagradong lugar na ito!" Matigas na utos ng padre.

Bahagyang yumukod si Pedro. "Masusunod, padre!"

Nahulog sa malalim na pag-iisip si Padre Salazar. Nahihiwagaan siya sa nangyayari. At may hinala siya na hindi matatapos ang kaguluhan sa araw na iyon. Mukhang magtatagal pa iyon at magiging problema ng buong bansa na kaniyang kinaroroonan.


-----ooo-----


MALAYO pa si Malaya sa kanilang kubo ay natatanaw na niya sa labas ang kaniyang ina na nagdidilig ng halaman sa labas ng kanilang bahay. Mas lalo niyang binilisan ang pagtakbo. Habang tumatakbo ang oras ay alam niya na papunta na sa bayan ang sakit na nakuha nina Ka Bayani mula kay Stephen. Kung totoo ang hinala ni Crisanto na naipapasa ang pagiging bayolente sa pamamagitan ng pagkagat ay malamang mabilis iyong kakalat. Hindi imposible na maging sa lugar nila ay makarating ang naturang mahiwagang sakit.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon