KABANATA XIV: Pagkagat Ng Dilim

810 55 2
                                    




NAGKATINGINAN sina Donya Corazon at Marta nang makarinig sila ng mga babaeng sumisigaw sa ibabang bahagi ng bahay. Sa pagkakatanda nila ay silang dalawa lamang ang tao roon kaya nakakapagtaka na may ganoong sigawan silang naririnig.

"Donya, ano iyon?" Nanlalaki ang matang tanong ni Marta.

"Pamilyar sa akin ang matinis na sigaw ng isang babae ngunit hindi ko maalala kung sino. Ang mabuti, tingnan natin. Baka may nakapasok na mga bayolenteng tao rito sa bahay!"

"N-ngunit, donya, baka tayo ay mapahamak! Mainam na rito na lamang tayo sa silid!"

"Marta, pamamahay ko ito at hindi ako papayag na may makakapasok dito na halimaw! Maghanap ka ng magagamit nating armas para ipagtanggol ang ating mga sarili. Madali!"

Walang nagawa si Marta kundi ang sundin ang kaniyang sinabi. Sinimulan nitong maghanap na bagay na pwede nilang magamit upang lumaban. Sayang nga lamang at nakatabi sa bodega sa ibaba ang mga baril ng kaniyang yumaong asawa. Noong nabubuhay pa ito ay libangan nito ang mangaso at mamaril ng ibon sa kagubatan.

Habang naghahanap ng armas si Marta ay tiningnan ni Donya Corazon ang sugat niya sa braso. Malalim ang pagkakakagat ng lalaki roon. Nararamdaman niya ang sakit at hapdi. Nagdurugo pa rin iyon ngunit hindi na kagaya kanina na bumubulwak.

Mapanganib kung walang takip ang kaniyang sugat dahil baka magkaroon iyon ng impeksyon. Luminga siya at nang makita niya ang puting kumot ay hinila niya iyon mula sa higaan.

"Donya, 'eto lamang ang aking mga nakita!" Hawak ni Marta ang isang gunting at paso kung saan nakalagay ang mahal niyang halaman na felicia.

"Marta, huwag ang aking mga felicia! Maghanap ka pa ng iba! Pero akin na ang gunting!" Hinablot niya ang gunting. Ginupit niya ang kumot nang pahaba at ginamit niya ang nagupit na tela upang ipang-benda sa sugat niya.

"Donya! 'Eto? Pwede ba ito?" Isang kandelabra na yari sa matibay na klase ng bakal ang ipinakita ni Marta.

"Maaari na iyan. Akin itong gunting at sa iyo ang kandelabra. Tara na sa ibaba. Hindi pa rin nahihinto ang sigawan!"

Magkasabay na bumaba ng hagdan sina Donya Corazon at Marta. Ganoon na lamang ang gulat niya nang makita niya ang kaibigang si Conchita at ang kasambahay nitong si Kulasa na magkayakap na nakaupo sa isang sulok ng bahay. Walang hinto ang mga ito habang nakatingin sa gumagalaw na ulo sa sahig. Inilalapat ng ulo ang dila nito sa sahig at inuusog ang sarili palapit sa dalawa.

Malalaki ang hakbang na tinungo niya ang kinaroroonan ng timba at muli niya iyong itinakip sa pugot na ulo na hindi niya alam kung bakit buhay pa rin. "Bakit ninyo inalis ang timba sa ulo?!" Pasigaw na tanong niya kina Conchita.

"H-hindi n-namin a-alam na pugot na u-ulo ang—" Ipinilig ni Conchita ang ulo dahil nabubulol ito sa pagsasalita. "Sandali, Corazon. B-bakit may pugot na ulo sa iyong bahay? At bakit may katawan na walang ulo sa labas? Huwag mong sabihin na... p-pinatay mo ang lalaking iyon?"

"Oo. Pinatay ko siya." Kaswal niyang sagot.

"Dios mio! Ikaw ay nararapat na mapunta sa piitan! Alam mong pinaparusahan ang pumapatay— M-may hawak kang gunting! Iyan ba ang ginamit mo sa pagpaslang sa kaawa-awang lalaki na iyan? Isusunod mo na ba kami?!"

"Donya, huwag mo namang bigyan ng ideya si Donya Corazon!" turan ni Kulasa sa amo.

"Conchita, hindi ko siya pinatay nang may pagkukusa. Aksidente ang nangyari. Nagpupumilit siyang pumasok dito sa aking bahay at naipit ang leeg niya sa pinto. Nang isarado ko iyon ay naputol ang ulo niya. Hindi mo ba alam ang kaguluhan na nangyayari rito sa ating bayan?"

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon