"Marga, baby? Bakit hindi ka pa nag-aayos ng mga damit at gamit na dadalhin mo? Hindi ba masaya ang baby ko na narito si Mama sa kwarto mo? May problema ka ba anak?"
Sunod-sunod na tanong ng nanay ni Marga pagkatapos nitong makapasok sa kuwarto niya. Naabutan siya nitong nakaupo lang sa kama at hindi pa ginagalaw ang maleta kung saan ilalagay ang mga damit at gamit niya na dadalhin.
Hindi niya kasi maintindihan kung bakit wala siya sa mood na ayusin ang mga gamit niya na dadalhin. Noong nakaraang araw naman ay ramdam na ramdam niya pa ang excitement ng malaman ang balita na magbabakasyon sila sa probinsya ng Papa niya, kung saan nakatira ang kanyang lolo Dodong at lola Fely. Ang tagal na noong huling punta niya roon, hindi niya na nga maalala kung hindi nababanggit ng mga magulang na napadpad na siya roon. Kaya sabik na sabik siya ng malaman na ito ang regalo ng mga magulang sa kanya dahil mataas ang nakuha niyang marka sa unang taon niya sa sekundarya.
Bukas na ang alis nilang mag-anak patungo sa probinsya. Simula ng magising siya kaninang umaga ay wala na siya sa mood. Parang wala siyang gana kumilos. Sinubukan niya naman sukatin ang kanyang temperatura pero wala naman siyang lagnat o maski sinat. Wala naman ibang masakit sa kanya. Wala rin siyang kakaibang nararamdaman sa kanyang sarili. Kaya kahit siya ay nagtataka sa nangyayari sa kanya ngayon.
"Wala naman Mama. Okay lang po ako. Baka nakulangan lang ako sa tulog," tanging wika niya. Panigurado ay mag-aalala pa ang mga ito kapag nalaman ang tunay niyang nararamdaman.
"Kung ganoon, mamaya ay magpahinga ka at bumawi ng tulog para may lakas ka para sa pag-alis natin bukas. Ano ba ang ginawa mo kagabi at mukhang napuyat ka. Gusto mo bang tulungan na kitang mag-impake ng mga dadalhin mo?" Tumango siya bilang sang-ayon sa suhestyon ng kanyang ina.
"Ilang bestida dadalhin mo anak?" Kinuha ng kanyang ina ang mga bestida sa damitan. Sumenyas siya ng limang bestida ang kuhanin nito. Nginitian naman siya ng kanyang ina at ito na ang pumili kung alin doon ang dadalhin. Nakahiligan na niya ang pagbebestida dahil simula ng bata siya ay bestida na ang kinalakihan niyang kasuotan. Iyon ang madalas na bilhin ng kanyang ina sa tuwing pumupunta sila sa palengke. Nagsusuot pa rin naman siya ng ibang uri ng damit subalit mas nakasanayan na niya ang bestida.
"Mama tayo lang ba ni Papa ang uuwi ng probinsiya?"
Hinihiwalay nito ang damit na dadalhin niya at aksabay na rin na inaayos ang mga maiiwan. Natigil ang kanyang ina sa pagtutupi ng damit at nilingon siya. Medyo magulo na rin kasi, nawalan na siya ng oras sa pag-aayos dahil natuon ang atensyon niya sa final exam at projects sa school. "Oo anak, wala naman tayong kasama na iba."
"Hindi po ba magbabakasyon sina Laura at Tita Magda?" Mukhang natigilan ito sa tinanong niya.
Hindi naman bago sa kanya na hindi nila kasama magbakasyon sina Laura. Pero kahit na ganoon ay hindi pa rin siya sanay, lalo na at ang pupuntahan nila ngayon ay ang lolo at lola nila ni Laura. Naalala niya pa noong mga bata sila ay sobrang close nila ni Laura pero hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang itong lumayo sa kanya. Hindi niya alam kung may nagawa ba siyang mali na ikinagalit nito, dahil hindi naman nito sinabi ang dahilan ng paglayo nito sa kanya ng minsang tanungin ito, tigilan mo na nga ako Marga, layuan mo na ako dahil ayaw na kitang makausap, anito. Simula noon ay dinistansya niya na lang ang sarili at binantayan ito ng palihim. Kahit na ganoon ang nangyari ay nakababata niya pa rin itong pinsan.
"Hindi anak, busy ang tita mo kaya hindi sila makakasama. Sige na mag-ayos ka na riyan para makapagpahinga ka pa bago tayo mananghalian," tugon ng kanyang ina. Hindi siya kumbinsido sa sinabi nito pero nararamdaman niya rin na ayaw nitong pag-usapan ang tungkol sa tita Magda niya.
Gusto niyang tanungin ang ina kung bakit hindi na pumupunta sa bahay nila ang kanyang tita Magda at Laura pero natatakot siya na baka magalit ito. Hindi man nito sabihin pero malakas ang pakiramdam ni Marga na may tinatago sa kanya ang kanyang ina. Sa tingin niya ay may pinag-awayan ang mga ito. Kung ano man iyon ay sana magkaayos na ang mga ito, ang kanyang hiling. Subalit sa tingin niya ay malabo dahil ilang taon ng hindi nag-uusap ang dalawa.
BINABASA MO ANG
Resurgence of the Black Rose
RomanceMarga's childhood memories is like a cinderella story in a fairy tale. Maagang naulila sa mga magulang kaya napunta siya sa poder ng kanyang lolo at lola. Hindi rin nagtagal ay binawian na rin ng buhay ang kanyang lolo at lola. At dahil sa wala pa s...