Roses 6

1 0 0
                                    

"Apo? Sigurado ka na ba na kaya mo?" Tumango siya.

Pumasok sila sa isang gate na napapalibutan ng mga anghel sa gilid at mababasa sa taas ang, Divine Light Cemetery. Nagulat ang kanyang Lolo at Lola ng sabihin niya na gusto niyang makita sina mama at papa. Alam niyang nag-aalala lang ang mga ito dahil kalalabas niya pa lang sa ospital, hindi pa siya ganoon kagaling. Subalit kahit labag sa loob ng mga ito wala itong nnagaa kundi samahan siya pumunta sa sementeryo kung saan inilibing ang kanyang mga magulang.

Hinawakan niya ang marmol. Malamig ito at ang kinis pa. Halatang bagong lagay lang doon. Soledad Dominguez. Abelardo Dominguez. Naupo siya sa harapan ng puntod ng mga magulang. Bumagsak na ang mga luhang kanina niya pa pinipigilan. Mama, Papa, sorry po ngayon ko lang kayo napuntahan. Kagigising ko lang po kasi noong isang araw, ngayon lang po ako pinayagan lumabas ng doctor. Mama, Papa, maganda ba diyan sa kung nasaan kayo? Wala na ba kayong nararamdamang sakit? Bakit niyo po ako iniwan mag-isa, sana sinama niyo na lang po ako. Gustong-gusto ko na po kayong makita, mayakap ulit. Miss na miss ko na po kayo.

Naramdaman niyang nilapitan siya ng Lola niya at hinimas ang kanyang likod. "Apo, nandito lang kami ng Lolo mo. Aalagaan ka namin at mamahalin tulad ng pagmamahal sa 'yo ng mama at papa mo."

"Marga, hindi pa patay ang mama at papa mo." sambit ng kanyang Lolo ng maupo ito sa tabi niya. "Buhay sila apo, kasi nandito sila sa puso natin at hinding-hindi sila mawawala rito. Lagi mong tatandaan na kahit hindi natin sila nakikita ay lagi pa rin nila tayong binabantayan."

Muli niyang binalik ang tingin sa lapida nasa kanyang harapan. Mama, papa, mahal na mahal ko po kayo. Pangako po tulad ng sinabi ko kay kuya Baste, tutuparin ko ang mga pangarap niyo sa akin. Mag-aaral po akong mabuti at magtatapos para sa inyo.

"Magandang tanghali sa 'yo Marga," bati ni Mang Marlon, isa ito sa kasama ng kanyang Lolo sa bukid. "Marga, sasabay ka ba ulit managhalian sa amin?" tanong ni Aling Nessa, asawa ito ni Mang Marlon. Naghahatid rin ito ng pananghalian ng asawa.

Tinanguan niya ito at ngumiti. Bumalik na ang mga ito sa ginagawa kaya pumasok na siya sa kubo. Nilalatag na ng Lola niya ang mga pagkain na niluto sa lamesa. Tinulungan niya itong ilabas ang plato at kubyertos. Nang matapos ay naghugas na siya ng kamay sa poso. Nagtatanim pa rin ng binhi ng palay ang kanyang Lolo, patapos na rin naman ito.

Ilang linggo na rin ang nakalipas mula noong nagising siya sa hospital. Hanggang ngayon ay hirap pa rin siya makapagsalita ng tuloy-tuloy. Lagi niyang dala ang whiteboard na regalo sa kanya ni Aling Nessa noong inuwi siya sa bahay ng kanyang Lolo at Lola, kapitbahay kasi nila ito. Sinamahan pa nito ng limang piraso ng whiteboard marker, para raw may extra kapag naubos ang tinta ng isa, sa palengke pa sila makakabili ulit ng marker, medyo malayo ito sa bahay nila. Binigyan din siya nito ng bag, pinaglumaan iyon ng anak nito. Hindi na rin naman ginagamit kaya binigay sa kanya para hindi siya mahirapan magdala noong whiteboard at marker.

Noong una ay iniiwan lang siya sa bahay para makapagpahinga siya, bilin kasi ng doktor kailangan niya ng total bed rest ng isang linggo para tuluyan ng manumbalik ang kanyang lakas. Bago maghatid ng pagkain ang Lola niya sa bukid ay pinapakain muna siya nito. Bumabalik rin naman ito agad kapag natapos na kumain ng tanghalian ang kanyang Lolo.

Tapos na ang isang linggong pahinga na utos ng doktor pero ayaw pa siya palabasin ng bahay ng Lola niya, gusto pa nito na magpahinga siya. Mabuti na lang at nakumbinsi ito ni Aling Nessa na isama siya sa bukid para may kasabay naman siyang kumain. Ayon pa rito ay mas makakatulong ito sa mabilis niyang paggaling dahil makakalanghap siya ng sariwang hangin. Napansin din kasi ng ginang na medyo namumutla na siya, kaya sinabi nitong sa umaga ay hayaan akong lumabas para makapagbilad sa ilalim ng araw. At dahil tungkol naman sa kalusugan niya ang suhestyon nito ay napapayag nito agad ang Lola niya.

Resurgence of the Black RoseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon