Roses 4

1 0 0
                                    

 Noong sumakay sa barko si Marga ay hindi nawala ang kaba sa kanyang dibdib. Pero bigla iyong naglaho ng makasama niya ang magkapatid na Sebastian at Lancelot. Madaldal kasi si Lancelot, hindi ito nauubusan ng mga sasabihin at kabaliktaran naman nito si Sebastian. Tahimik lang ang binata pero kapag kinakausap naman ay sumasagot. Hindi tulad ng iba na hindi talaga namamansin, tipid lang talaga ito magsalita.

Natawa siya ng maalala na pinagalitan siya ni Sebastian kanina, hindi man lang siya nakaramdam ng takot. Ang sabi kasi nito, Ashley Margarette, Sebastian ang pangalan ko pero itigil mo na ang pagtawag sa akin ng kuya, Baste na lang, isa pang kuya magagalit na ako, iiwan ka namin dito. Hindi mawala ang ngiti sa kanyang mga labi sa tuwing maiisip ang mga sinabi nito. Pakiramdam niya ay may lumilipad na paru-paro, kinikilig ba siya? Iyon kasi ang sabi ng iba niyang kaklase kapag nakikita nila ang crush nila. Teka, crush? May crush ba siya kay Sebastian?

Tama kaya ang hinala niya na kaya ayaw nitong magpatawag na kuya dahil ayaw nitong ituring niya na kapatid? Bakit bigla yatang nag-init ang mga mukha niya? Naku Marga, nangarap ka na naman! Bigla siyang nahiya, natakpan niya ang mukha ng mga kamay niya. Matanda ito sa kanya kaya tama lang na kuya ang itawag niya rito.

"Anak, anong nginingiti mo diyan?" Nalimutan niyang kasama niya pala ang mga magulang. Pagkatapos kasi nilang kumain ay naglibot lang sila saglit at binalikan na ang mga magulang nila. Hindi rin nagtagal ay nagpaalam na sina Adelaida sa kanila. Hinintay lang pala sila ng mga ito makabalik.

"Mama, ano pong sinasabi niyo? Hindi naman po ako ngumingiti eh. Imbento ka na naman Mama."

Lumapit ang kanyang ina at naupo sa tabi niya. "Hay naku, anak! Hindi mo ako maloloko. Kahapon ang tamlay mo, tapos kanina ramdam ko na kinakabahan ka noong umalis na ang barko. Tapos para kang nahihiya sa anak ng tita Adelaida mo. Kumain lang kayo, pagbalik mo iba na ang ngiti sa labi mo. Hanggang sa makabalik tayo dito hindi na nawala ang ngiti mo sa labi."

Napansin pa iyon ng Mama niya? Pumasok sa cabin ang kanyang ama at pinuntahan sila, sinenyasan siya nitong umusog para makaupo ito sa gitna nila. Ngayon niya lang napansin ang clingy side ng Papa niya, sabagay, lagi tiong nasa trabaho at siya naman ay nasa eskwelahan. Sa gabi naman kapag umuwi ito ay busy siya sa paggawa ng homeworks. Sa hapagkainan niya lang nakakasabay ang ama. "Tigilan mo nga ang anak mo, mahal. Siyempre nakangiti 'yan kasi nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan. Ikaw talaga laging binibigyang malisya ang maliit na bagay."

"Hindi ko binibigyang malisya. Dalaga na ang anak mo at sa tingin ko ay may gusto 'yan isa sa anak ni Adel." singhal ng kanyang ina.

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Ganoon ba siya kahalata? Hindi naman siguro, baka binibiro lang siya ng ina. Mahilig kasi mang-asar ang Mama niya, kaso minsan ay pikon-talo ito. Aangal pa sana siya subalit naunahan na siya ng kanyang ama. "Anong bang pinagsasabi mo mahal? Bata pa ang anak natin at hindi ako papayag na magkaroon agad ng nobyo si Marga. Dadaan muna sa butas ng karayom ang magtatangkang manligaw o magkagusto sa anak ko."

Pinagpapalo ng Mama niya sa braso ang asawa. Natutuwa siyang pagmasdan ang mga ito. Kung magkakaroon siya ng asawa sa future, gusto niya ay katulad ng Papa niya. Iyong ipaparamdam kung gaano siya kamahal nito at ipagtatanggol mula sa mga gustong manakit sa kanya. Kasi ganoon ang nakikita niyang ginagawa ng mga magulang. "Ang O.A. mo naman Abelardo. Panahon pa ng mga ninuno natin ang ganyang mga dadaan sa butas ng karayom. Ikaw nga hindi ka naman dumaan sa butas ng karayom!"

"Eh mahal, iba naman iyong atin. Syempre ang gusto ko ay matinong lalaki ang mamahalin ng anak natin.

Humalukipkip ang kanyang ina. "Tigilan mo nga ako sa mga dahilan mo. Takot ka lang habulin ng sarili mong multo, kaya bantay sarado ka sa anak mo. Hayaan mo anak ako ang bahala sa Papa mo kapag nanligaw sa 'yo si Sebastian."

Resurgence of the Black RoseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon