Chapter 14

38 8 16
                                    

PAANO MO nga ba masasabing may aral kang napulot sa isang pangyayari kung hindi mo pa naman ito nararanasan? Paanong pagtanggap ang gagawin mo sa isang situwasyon na kailanman ay hindi mo pa naramdaman?

      "Bakit ganiyan ka makatitig? Mamaya, matunaw na ako niyan," wika niya habang nakangiti.

      Umiling ako sa kanya at tiningala ang madilim na ulap. Puting-puti ang buwan. At sobrang liwanag kaysa sa normal na ilaw nito sa tuwing tinitingala ko ang sinasabi nilang kalangitan.

     "Ang ganda ng buwan..." mahinang wika ko.

     "Oo, kasing ganda mo," sabi ni Regan. Dama ko ang pagpula ng pisngi ko ngunit hindi ko naman alam ang tamang sasabihin. Simula nang makapag-usap kami sa Music Hall kahapon ay nakakaramdam na ako ng hiya sa kaniya.

     "Regan..."

      "Bakit?" tanong niya habang nakatitig na rin sa buwan.

      Namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Nawawalan ako ng salitang sasabihin pero alam ko sa sarili kong marami akong baon. Hindi ko lang mahanap ang tamang salita para doon. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala na nagawa niyang umamin sa akin ng nararamdaman niya.

     At hindi ko rin inaasahan na darating kami sa ganitong punto. Na yung panaginip ko lang, nagkatotoo...

      Tumikhim ako at tumingin na rin sa buwan. "Si Leander... kaibigan ko lang siya. Noong pumunta kami ng Himalaya, doon ko nakilala yung babaeng pangarap niyang makasama. Yung babaeng matagal na niyang hinihintay.

      "Gusto ko lang malaman mo na hindi ako 'yon at hindi namin kailanman gugustuhin ni Leander na magkatuluyan. Pero inaamin ko rin na inakala niyang gusto niya rin ako. Pero hindi... lahat ng naramdaman niya, pampagising lang 'yon sa kaniya para malaman niya kung sino ba ang totoo niyang mahal," paliwanag ko. Ramdam ko ang titig niya sa akin pagkabanggit ko palang ng pangalan ni Leander.

      Kilala ko naman si Regan. Hindi man siya palasalita tungkol sa totoo niyang nararamdaman ay mababasa mo naman iyon sa mga kilos niya. Hindi siya seloso at hindi siya madamot pero lahat ng bagay na para sa kaniya, napupunta sa kaniya. At kahit hindi ako ang gusto niya sa mga panahong 'to, kung hindi siya umamin sa akin, sisiguraduhin ko namang sa akin ang bagsak niya. Hindi ko nga lang inaasahan na ganito kaaga. Hindi ko inaasahan na siya ang mauunang bumigay sa amin.

      "Takot pa rin ako, Davina. Ang katotohanang umamin pa rin siya sayo na minsan siyang nagkaroon ng nararamdaman para sayo, e hindi nakabawas sa takot na naramdaman ko. Pero anong magagawa ko? Mahal kita. Ikaw lang ang meron ako. Hindi ko kakayaning panoorin kang agawin ng iba."

      Nang magtitigan kami ay halos tunawin ako ng titig niya. Malalim at mahirap basahin ang titig ni Regan pero nagsusumigaw ang kalaliman na iyon ng katotohanan na mas marami siyang kayang sabihin kaysa sa akin. Hindi ko tuloy alam kung paano ko papawiin ang mga takot na iyon.

     Kinuha niya ang kamay ko at dinala iyon sa mga labi niya. Hindi ako nakagalaw at naramdaman ko ang panginginig sa sobrang lakas ng hampas ng puso ko.  "Davina, maaaring natakot man ako noon na umamin dahil baka hindi naman parehas ang tinitibok ng damdamin natin. Tumagal man o hindi, at kung manatili man akong kaibigan mo, hinding-hindi nito mapapawi ang takot ko. Ang makasarili man pakinggan pero gusto kong ako lang ang titingnan mo. Sa akin lang ang atensyon mo. Na sa gitna ng napakatahimik mong mundo ay gugustuhin kong hanapin mo ang napakaingay kong teritoryo kahit malabong magsalubong ang mundo nating dalawa."

      Napangiti na lang ako lalo na nang maramdaman kong tumulo ang luha sa aking pisngi. Kung tutuusin, sobrang labo naming dalawa. Walang kasiguraduhan lalo pa't magkaiba ang mundo namin. At magkaibang direksyon ang gusto naming tahakin. Pero totoo nga ang sabi nila. Na kung para sa iyo ang isang bagay ay para sa iyo talaga iyon. At wala kang ibang gagawin sa huli kundi ang yakapin ang katotohanang 'yon.

Twinkling FirefliesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon