SIMULA NUNG ARAW na 'yon, praning na kung praning ngunit hindi ko hinahayaan si Regan na nagpa-practice kasama ang kanyang banda na hindi ako kasama. Lagi akong nasa tabi niya, kulang na lang mag-shift ako ng course pero alam ko sa sarili kong napaka impossible ng bagay na 'yon.
Pabor rin naman para kay Regan dahil gusto niya raw iyong mas nakakasama niya ako at pinapanood ko siya sa ginagawa niya. Napag-usapan din namin ang tungkol sa disgusto ko sa ingay. Nasabi nga niya na baka napipilitan lang ako. At sumagi rin iyon sa isip ko ngunit sa huli, alam kong hindi. Na talagang gusto ko itong ginagawa ko. Na talagang handa na akong maging parte ng mundo niya kagaya ng kung paano niya ginustong maging parte ng mundo ko.
"Ilang set pa kayo?" tanong ko. Katatapos lang nila sa pangalawang set nila ng pag-eensayo. Darating na kasi ang Foundation Day ng eskwelahan kaya mas lalong naging busy ang bawat programs dahil uunahin ang midterm para pagdating ng Foundation Day, wala na kaming iintindihin.
"Hmm, last na lang. Sabi ni Quen, maganda kung ipapahinga ko rin yung boses ko baka kasi raw pagdating ng battle of the bands, whistle na lang matira sa boses ko," sagot niya sabay inom ng juice.
Nasa garahe ng bahay nina Raphael ang banda nila habang kaming dalawa naman ay nandito sa garden. Aniya'y gusto niya raw kaming mapag-isa. Simula kasi nang dumating kami rito kina Raphael ay hindi na kami nakapag-usap pa.
"Ano pala ang mangyayari kung banda niyo ang manalo sa battle of the bands?" tanong ko pa. Sana pala dinala ko na rito yung libro kong hindi ko pa natatapos basahin. Kaso naisip ko rin, kung dadalhin ko nga, madidisturbo pa rin naman ang utak ko dahil puro punk rock ang tinutugtog nina Regan at gustong-gusto kong pakinggan ang boses niya.
"Ipapadala kami sa main campus tapos makakalaban namin ibang banda doon." Sumuntok siya sa hangin kaya natawa ako at hinampas siya sa balikat. Doon bumulusok ang tawa niya.
"Baliw ka talaga!" natatawang wika ko. "Akala mo ba pwede ka ro'n? E lalampa-lampa ka nga nung mga bata pa tayo, e."
Kumunot ang noo niya. "Anong lalampa-lampa, e ako nga prince charming mo, 'di ba? Simula bata pa tayo, hindi kita iniwanan."
Napangiti ako nang sabihin niya 'yon dahil may punto naman. Walang naganap sa buhay ko na iniwan ako ni Regan. Palagi siyang nandiyan. Palagi niya akong inaalalayan. Palagi niya akong binabantayan. Kaya simula pagkabata palang, alam ko na sa sarili kong gusto kong siya na ang makakasama ko hanggang dulo.
"Davina," mahinang tawag ni Regan sa pangalan ko at ipinagsalikop ang mga daliri namin sabay dala niya ng kamay ko sa mga labi niya. "Alam mong mahal na mahal kita, 'di ba?"
Tumango ako. Hindi naman niya kailangang patunayan 'yon dahil alam ko na sa sarili ko. At alam naming dalawa.
"Ganoon din ang nararamdaman ko... hindi ko man laging isinasatinig pagkat mas mahalaga naman na alam nating dalawa, hindi ba? Mas mahalaga na ramdam natin?"
Tumango siya. "Sinasabi ko lang kasi alam ko, na ikaw na ang gusto kong makasama. Hinding-hindi ko na yata mararamdaman ang ganitong pakiramdam sa iba."
Namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa at parang gusto ko na lang lumubog sa kinauupuan ko dahil sa paraan niya kung paano ako titigan. Para kasi niya akong lulunurin sa mga titig niya.
"Bakit ganiyan ka makatingin?" mahinang tanong ko. Napapalunok na rin ako lalo na nang ngumiti siya sabay umiling at umiwas ng tingin.
"Daig mo pa ang mga bidang babae sa mga pinababasa mo sa akin . . . napakaganda. At hindi na malabong mapapasaakin kasi akin ka na."
Sandali akong natigilan at piniling pakinggan ang tibok ng puso ko. Daig pa nito ang kabayo sa sobrang bilis tumibok. At para akong malalagutan ng hininga dahil sa mga salitang binitiwan niya.
Alam kong malabong maging isa sa katangian ko ang mga tulad sa babaeng nababasa ko. At kahit gustuhin ko mang maging katulad nila, hindi naman madali. Kaya ngayong naririnig ko ito mula sa taong gusto kong kilalanin ako bilang ako. Tingin ko, mas ayos na nga sigurong hindi ako maging katulad nila. Basta, tao akong nahahawakan at nakakasama ni Regan.
At hindi ito isa lamang na imahinasyon.
"Regan, isang set tayo," tawag sa kanya ni Raphael kaya nahigit ko ang aking hininga.
Naramdaman kong tiningnan ni Regan si Raphael sa likuran ko dahil gumalaw siya. Hindi ko na kasi siya matingnan nang maayos pagkat para akong naduduling dahil sa kabang nararamdaman.
"Balik na tayo?" tanong niya kaya tumango ako.
"Susunod na lang ako..."
"Bakit? Masama ba pakiramdam mo?" natigilan siya. "May nasabi ba akong masama?"
Umiling ako. Hindi ko maipaliwanag. Pakiramdam ko, nasa dulo ng dila ko lahat ng mga salita. Mga tamang salita. Hindi kailanman makukuntento. Hindi kailanman magiging tama. Hindi kailanman machechempuhan.
"Hihintayin kita," pagtatapos niya.
Akala ko ay iiwanan na niya ako pagkatapos niyang sabihin 'yon ngunit ang ibig sabihin pala niya ay ang sabay pa rin kami babalik sa garahe nina Raphael. Halos ipagdasal ko na na sana bumalik na ang wisyo ko para naman makabalik na kami.
"Tara na," tanging sabi ko makalipas ang ilang segundo.
"Ayos ka na?" paninigurado pa niya kaya tumango naman ako. Baka sabihin pa niyang pwede pa kaming manatili ng ilang segundo, pakiramdam ko, masasakal na ko sa bilis ng tibok ng puso ko.
Ngunit para naman akong tatakasan ng dugo nang makabalik kami sa garahe dahil sa taong matalas ang tingin sa amin. Nananadya. Nananaksak.
"Regan..."
"May kailangan ka?" litong tanong ni Regan. Bumaling pa ito sa akin dahil ramdam ko ang takot sa boses niya. Alam ko, napag-usapan na naming dalawa na lalayuan na niya si Marian.
Masasabihan akong takot. At sigurado iyon. Pero anong magagawa ko? Ito ang unang beses na natakot ako sa buong buhay ko. Pakiramdam ko, malingat lang ako saglit ay maaagaw sa akin si Regan. O, mawawala. Ngayon pa nga lang na magkasama na kaming dalawa at magkahawak ang kamay ay nagagawa pa rin ni Marian na harapin kaming dalawa na para bang hindi niya alam ang tungkol sa aming dalawa ni Regan.
"Mahal kita..."
Umawang ang labi ko. Dinig naman ang singhapan sa paligid namin dahil nakikinig din ang mga kabanda ni Regan.
"Ate!" sigaw ni Raphael at nilapitan si Marian. "Ano bang ginagawa mo? Mahiya ka naman sa girlfriend ni Regan!" Hinaklit niya ito sa braso at inalis sa garahe.
"Davina..."
Napalunok na lang ako. Dahil hindi ko alam ang gagawin. Natatakot ako . . . kinakabahan.
"Hindi ako mawawala," bulong niya sabay yakap sa akin. "Mahal na mahal kita..."
Humigpit ang yakap niya sa akin nang hindi ko siya nagawang yakapin pabalik.
"I love you, Davina... huwag mo sana akong iiwanan. Hindi ko kakayanin. Tatakasan ako ng kaluluwa ko."
BINABASA MO ANG
Twinkling Fireflies
Teen FictionPETERBOROUGH ENCOUNTERS [COMPLETED] Regan has Davina's heart ever since they were little. Inseparable as described by people surrounds them. But how long now that they are about to enter the world where all of their dreams are meant to be fulfilled?