Chapter 12

35 10 21
                                    

"DAVINA, MARAMING SALAMAT!" Dinamba ako ng yakap ni Leander nang makapasok ako ng classroom.

      Kumunot ang noo ko. Simula nang ihatid niya ako sa bahay nang matapos namin ang research ay hindi na ulit kami nagkasama. Tapos na rin kasi naming i-present kay Prof. Carreon at ang nakakatuwa pa, exempted kami sa subject niya para sa darating na finals.

      "Anong nangyari sayo?" natatawang wika ko.

      Kung ikukumpara siya sa unang beses ko siyang nakilala at sa aura niya ngayon, masasabi kong malaki ang naging pagbabago sa kanya. Halata rin naman noong nakaraan ang saya sa mukha niya lalo na kapag natatawa sa kanya ang mga kaklase namin pati na rin ang mga professor namin. Pero iba ngayon, makikita mo ang kakaiba ang sinasabi ng mga mata niya. Na para bang may himalang naganap. At tingin ko, kahit hindi niya sabihin ay alam ko na.

      "Ayos na kayo?" dugtong ko dahil nakangiti lang siya.

      Nang tumango siya ay pumula ang kanyang pisngi at hindi ko mapigilang humagikgik at tusukin ang tagiliran niya. "Ikaw, ha? Nagbibinata ka na."

      Tumawa naman siya at napaatras dahil sa ginawa ko. "Walang ganyanan, Davina."

      "Daig mo pa babae kung kiligin, e," wika ko at nilampasan siya upang makaupo sa upuan ko. Ramdam ko naman ang pagsunod niya sa akin. "Halatang-halata na kinikilig ka."

      Nang makaupo ako ay kumuha naman siya ng monobloc chair at umupo sa harapan ko. Nakahaplos na siya ngayon sa kanyang batok.

      "So, ano nangyari?" nakangiting tanong ko. Sino nga namang mag-aakalang magiging maayos sila agad ni Misha? Lalo na nang makita ko kung paano siya umiyak dahil nakita ko siyang nakasunod pala sa amin ni Leander.

      "No'ng hinatid kita sa inyo, bumalik ako sa Himalaya. Pero hindi pa kami naging maayos no'n dahil sabi niya, tama lang naman daw sa kanya 'yon. Inaasahan na niyang sa pagbabalik niya ay maaaring may mahal na akong iba at hindi na siya," may lungkot sa boses niya.

      Naiintindihan ko si Mishael. Siguro, may parte sa kanya na naging sarado na ang isip tungkol sa kanyang sakit at ayaw nang abalahin pa si Leander dahil pareho nilang alam na walang kasiguraduhan para sa pag-iibigan nilang dalawa. Na sa bawat gabing paghihinagpis ni Mishael sa dinadamdam niya ay siyang pagkadurog naman ng puso ni Leander. Dahil maaaring hindi lang basta simpleng pagpapaalam ang maiwan sa kanya ng pinakamamahal kundi pati ang buhay't puso nito.

     "Pero hindi ako sumuko. Nung ginagawa natin ang research hanggang sa pag-present natin, kada umuuwi ako ay dumederetso ako sa Himalaya. Dahil kilala na nga ako, tumutulong na lang din ako sa kanya kung anong pwedeng gawin. Alam mo bang gustong-gusto niya ang bulaklak na mirasol? Kaya kahit mapapagalitan ay humihingi ako sa hardinero nila at iyon ang pinangsusuyo ko sa kanya," bumuntonghininga siya. "Hindi ko talaga kakayaning mawala siya . . ."

     Napangiti ako. Nakakaramdam ako ng kirot sa puso dahil sa kaisipan na gusto ko ring maramdaman ang pagmamahal at sakripisyo ni Leander para kay Mishael. Tunay ngang walang makatitibag sa totoong pagmamahal.

    "Ikaw ba? Ayos na kayo ni Regan?"

     Dismayado akong umiling. Mag-da-dalawang linggo na niya akong hindi pinapansin. Gustuhin ko mang isipin na baka dahil 'yon sa marami siyang pinagkakaabalahan ay hindi ko maitanggi ang katotohanang nasasaktan na ako. Kilala ko si Regan. Kahit naman gaano siya kaabala sa isang bagay, alam kong hindi siya mawawalan ng oras sa akin. Sa aming mga kaibigan niya.

      "Dahil pa rin ba 'yon sa biglaang pagpunta natin sa Himalaya?" nag-aalala ang tono niya. "Gusto mo bang kauspin ko siya?"

      Gustuhin ko mang patulan ang ideya niya. Ayoko rin namang guluhin ang nananahimik niyang buhay. Hindi niya naman kasalanan ang project namin. Hindi ko lang din maintindihan si Regan. Nagiging isip bata siya sa paningin ko. Kung kakausapin, umiiwas. Kung magkakasalubong kami sa amin, para akong hangin na dinadaanan lang niya.

      Paano kami magiging maayos kung ayaw niyang sabihin yung problema niya?

     "Hindi na, Leander. Problema namin ni Regan 'to. Sinubukan ko naman siyang kausapin pero siya ang umiiwas. Kung 'yon ang gusto niya, edi 'yon ang ibibigay ko. Madali akong kausap."

      "Pero—"

      "Ayoko rin ng may taong nadadamay lalo na't wala ka namang kasalanan. Huwag niyang idadahilan na dahil sa project natin o ang hindi ko pagsama sa Night Market ang problema niya kasi dahil napag-usapan na namin 'yon. At ang project natin na 'yon, hindi naman ako sumama sayo para lang sa wala." Umiinit na ang ulo ko. Alam ni Leander ang tungkol sa pagtatampo ni Regan dahil wala akong mapaglalabasan nung mga panahong 'yon. Abala ang kambal at mukhang mapagkakatiwalaan naman si Leander, sa kanya ko sinabi.

      Natawa siya sabay iling na para bang nakakatuwa ang problema ko. Kinunotan ko siya ng noo.

      "Sinabihan na kita, Davina. Iba na 'yan. Hindi naman magtatampo si Regan kung hindi ako ang kasama mo. Tapos, huli mo pa sinabi sa kanya."

      Tinaasan ko siya ng kilay. Noong nakaraan niya pa rin sinisiksik sa utak ko na may gusto sa akin si Regan, na pareho kami ng nararamdaman. Pero dapat ba akong maniwala? Kung ang pagtatampo lang niya ang ebidensya, gaano katibay 'yon bilang patunay na meron nga?

     "Kung gusto niya ako, hindi niya ako papahulain ng nararamdaman niya," mapait kong wika.

      "At hindi mo rin dapat siya binibitin sa mga ganoong bagay, Davina. Hindi lang kayo nagkaintindihan. Pero kailangan niyong mag-usap."

      Nagkibit-balikat ako. Nagawa ko na ang parte ko. Hindi ko na kasalanan kung hindi man kami magkabati dahil alam ko sinubukan kong ayusin kami kahit na hindi naman dapat pinapalaki ang ganitong bagay.

     Nang dumating ang professor namin ay pumunta na si Leander sa harapan habang nalunod naman ako sa aking kaisipan.

      "Davina!" Kumaway sa akin si Jerica nang makita niya akong pumasok ng garden. Nakita ko sa tapat niya ang dalawang lalaking kaibigan namin. Lumingon sa akin si Jeric nang lumapit ako at umupo sa tabi ni Jerica habang hindi pa rin namamansin si Regan.

      Gusto ko siyang irapan ngunit minabuti kong hindi na lang. Hindi ako namimilit ng taong ayaw sa akin. Ayaw mamansin? E di huwag pansinin.

      "Ano 'yang in-order mo?" usisa ni Jerica sa pagkain ko.

      "Bicol express. Gusto mo?"

      "Himala at kumakain ka ng Bicol Express, e ayaw mo sa maanghang. 'Di ba, Regan?" Siniko ni Jeric si Regan pero hindi naman ito sumagot.

      "Nalaman kong masarap pala. Ito yung order namin ni Leander sa Himalaya—"

      "Mauuna na 'ko. May practice pa kami," putol sa akin ni Regan.

      "Teka, pre. 'Di ka pa tapos—"

       "Hayaan mo siya, Jeric," sabi ko. "Kung ayaw magpapilit, huwag pilitin. Ganoon talaga 'pag nag-iiba na ang ikot ng mundo ng isang tao at ibang bagay na ang mga nagiging priodad niya."

      "May problema ba kayo?" hindi na napigilang tanungin ni Jerica nang makaalis na si Regan.

      "Tanungin mo siya. Kasi siya lang naman ang gumagawa ng ikalalaki ng gulo tapos siya pa ang magagalit." Nagsimula na akong kumain.

      May nilapag na keychain sa harapan ko si Jeric kaya umangat ang tingin ko sa kanya. Ano 'yan?

      "Binili niya sa Night Market. Sabi niya, ibigay ko raw sayo. Nasayo na raw kung tatanggapin mo o kung itatapon mo. Hindi ko alam kung anong problema niyong dalawa pero sana ayusin niyo na. Hindi bagay sa inyo ang magdrama," aniya na inirapan ko.

      Nang kuhanin ko ang keychain ay hindi ko malaman kung matutuwa ba ako o ano dahil keychain lang naman 'yon ng aninipot.

      Paano ko ito itatapon kung ito pa ang may malaking significance sa buhay naming dalawa.

      Humigpit ang hawak ko sa keychain bago iyon isinabit sa bag ko. Ano ibig sabihin no'n, para lagi ko siyang maaalala?

      "Tingin ko, nagselos 'yon kay Leander," bulong ni Jerica kaya siniko ko siya.

      Susubukan ko na lang siya ulit kausapin. Magda-dalawang linggo na at kung paabutin ko pa ito ng buwan ay baka tuluyan nang lumayo ang loob namin sa isa't isa kahit hindi namin gustuhing dalawa.

Twinkling FirefliesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon