HINDI MATATANGGAL ANG takot kung hindi mo ito magagawang harapin. Isa iyon sa natutunan ko nang dumating sa buhay namin si Marian at natakot ako sa posibleng mangyari sa relasyon namin ni Regan kapag nasa larawan siya. Mababaw man noong una, pero naintindihan ko rin sa huli. Na kaya ko palang hindi matakot. Basta't magagawa ko lang magtiwala. At iyon ang naging susi ko upang hanapin at kilalanin ang taong pinagmulan ng takot ko na mawalan ng mahalagang tao sa buhay — si Eos.
Matapos mawala sa amin si mama na hindi man lang siya nakakapiling dahil kinailangan niyang magtrabaho sa pamilya Hilder, iyon na rin ang nanalaytay na takot sa pagkatao ko — ang mawalan ng isa pang mahalagang tao sa buhay — si Regan.
"Ayos ka na?" tanong sa akin ni Leander dahil siya ang hinila ko upang samahan ako rito sa banyo. Simula nang aminin sa amin nang harapan ni Marian ang nararamdaman niya para kay Regan, nilamon ako ng takot na nagawa ko siyang takbuhan. Dumagdag pa ang katotohanang hindi ko kabisado ang daan pauwi sa amin. Mabuti na lang at may taong nadaanan ako.
Pagkatapos ng linggong 'yon ay pinilit ko si papa na samahan ako sa La Douleur. Sabado nang umalis kami at linggo nang bumalik. Para akong mababaliw habang nasa byahe no'n ngunit nang makaharap ko si Eos Hilder, pakiramdam ko, napahiya ko lang ang sarili ko.
"Oo, tara na. Nagsimula na ba?" tanong ko sa kanya.
Ngayong araw ang battle of the bands ni Regan. At wala na akong balita sa kaniya simula noong araw na 'yon dahil hindi siya umuwi sa kanila. Hindi ko rin alam kung tutugtog din ba siya ngayon. Ngunit gusto ko pa rin siyang mapanood kahit walang kasiguraduhan na makikita ko siya.
Marami na ang tao nang makarating kami sa Music Hall. Isa kasi sa pinakainaabangan ang battle of the bands sa events ng Foundation Day. Mabuti na lang din talaga at nasanay na ako sa ingay ng paligid. Lagi namang maingay ang paligid ko ngunit naiiba ito pagkat may magaganap na event. Hindi nga ako pamilyar sa mga taong nakakasalubong ko. Pagkat binuksan din para sa mga taong hindi nag-aaral dito ang DAMDEF.
"Ayun yung mga kabanda ni Regan!" Tinuro ni Leander ang gilid ng stage at nakita ko nga sila doon. Hindi ko alam kung nakapagperform na ba sila o magpi-perform palang pero dahil sa mga reaksyon nila na mukhang aligaga, mukhang hindi pa.
"Lapitan natin," dagdag pa ni Leander kaya iyon ang ginawa namin.
Ngunit natigilan ako nang makita si Marian na kasama nila. Nasa gilid niya si Raphael na siyang unang nakakita sa amin. Tinanguan niya lamang ako sabay binalingan ang kapatid na mukhang tatalian pa niya kung sakaling may gawin ito.
"Nasaan si Regan?" tanong ko nang mapagtantong siya lang ang wala doon.
"Hindi kayo magkasama?" gulat na gulat na tanong ni Quentin. Hindi pa kami kailanman nagkausap ni Quentin kaya medyo nahihiya ako sa kanya. "Kanina pa siya wala at kami na ang susunod na tutugtog!"
Umawang ang labi ko. Kung ganoon... hindi sumipot si Regan? Napatingin ako kay Marian nang lumapit siya sa akin. Dahil magkalebel lang naman ang taas naming dalawa ay hindi ko na kailangan siyang tingalain pa.
"Ate," tawag sa kanya ni Raphael. Mukhang kinakabahan din ang kapatid niya sa maaaring gawin niya.
Ngunit mas nagulat ako sa sumunod niyang ginawa. Yinakap niya ako nang mahigpit. Hanggang sa nagsimulang yumugyog ang balikat niya.
"I'm sorry... I'm really sorry for what I did, Davina. Regan left the band. He told me the day you left him in our house..."
Hindi ako nakagalaw. Bumagal ang proseso ng sinabi niya sa utak ko. Anong sinasabi niya? Bakit aalis si Regan kung passion niya ang pagkanta? Bakit niya iiwan ang banda?
BINABASA MO ANG
Twinkling Fireflies
Novela JuvenilPETERBOROUGH ENCOUNTERS [COMPLETED] Regan has Davina's heart ever since they were little. Inseparable as described by people surrounds them. But how long now that they are about to enter the world where all of their dreams are meant to be fulfilled?