Chapter 7

39 13 2
                                    

NAUNANG MATAPOS ANG klase namin kaya naman um-order na ako ng pagkain sa canteen at dinala iyon sa kiosk kung saan lagi kaming kumakain at doon nagpasyang hintayin ang mga kaibigan ko. Kinuha ko ang libro ko sa bag at nagbasa. Ito na lang muna ang gagawin ko pampalipas oras lang habang hinihintay ko silang dumating.

      "Hi, Vina!" Umupo si Jerica sa tabi ko habang sa lamesa naman umupo si Jeric at kumuha ng fries sa plato ko.

      "Kanina ka pa?" tanong ni Jeric.

      Umiling ako. "Hindi naman. Ilang minuto lang bago kayo dumating." Humaba ang leeg ko at hinanap ang lalaking kanina ko pa inaabangan.

      Mukhang napansin iyon ni Jerica dahil nagsalita siya, "si Regan ba? Nakita namin siya kanina kasama yung mga bandmates niya. Sabi niya, baka hindi raw siya makasabay sa atin ngayong lunch."

      Simula nung birthday ko, napanatag na ang pakiramdam ko na hinding-hindi magkakahiwalay ang landas namin ni Regan kahit pa iba ang gusto namin sa buhay at iba ang napagpasyahan naming gawin. Tuwing tumatambay kami sa Alpas Lake tuwing Sabado at Linggo, hindi pwedeng wala siyang naikukwento tungkol sa bandang Sovereign at sa experience niya tuwing gig nila.

      "Ganoon ba?" medyo pinanghinaan ako ng loob. "E, mamayang pag-uwi ba? Sasabay ba siya sa atin?"

      Pinayagan na ulit ako ni tatay na magbisikleta pero siguraduhin ko lang daw na hindi na mauulit yung nangyari nung nakaraan. Ilang beses ko pang pinaliwanag sa kanya na hindi naman mapipigilan ang mga ganoong aksidente pero syempre, dahil papunta palang ako at pabalik na siya—natalo ako sa diskusyon.

     "Hindi ko alam, e. Iyon lang kasi ang sinabi niya."

      Napatango naman ako. "Kain na tayo?"

      Naiintindihan ko ang parte ng buhay na ito ni Regan. Sa pagkakaalam ko kasi ay sunod-sunod na rin ang raket ng banda nila kaya siguro lagi na lang silang magkakasama. Naisip ko nga, simula nung audition, hindi ko na ulit kailanman narinig si Regan na kumanta. At hindi ko pa sila kailanman napanood tumugtog na magkakasama at bilang banda. Sa mga kwento naman ni Regan, halatang madali niya silang nakasundo, e.

      "Uh, excuse me . . ."

      Umangat ang ulo ko nang bumungad sa akin si Leander. Ganoon pa rin siya; kung mukha akong mahinhin—ito mas mukhang malala. Maganda ang humor na meron siya. Pati na rin ang personality. Kung ide-describe siya na naaayon sa mga nababasa ko ay masasabi kong siya ang perpektong halimbawa ng lalaking bida, ang tipo ng Prince Charming na nakakadawit ng Prinsesa sa napaka-random na paraan.

      Halos mapaigik naman ako sa pagkurot ni Jerica sa aking tagiliran. Huwag niyang sabihing interesado siya kay Leander?

      "Yes? May kailangan ka?" si Jerica ang sumagot.

      Gusto kong matawa dahil kambal nga talaga silang maituturing ni Jeric. Kung paano pumostura si Jeric at sa paraan niya kung makikipag-usap sa mga babaeng nakikilala niya ay parehong-pareho kay Jerica.

      Pero napataas ang kilay ko nang nasa akin ang tingin ni Leander. Simula nung senaryo sa Alpas Dam ay hindi na kami ulit nagkalapit ng ganito ni boy band aid. Hindi rin naman ako interesadong makausap siya.

      "Ibibigay ko lang sana sayo 'to, Davina." Inabot niya sa 'kin ang diary ko.

      Nanlaki ang mata ko. "Paano napunta sayo 'to?"

      Buti na lang talaga at may lock itong diary ko kasi kung wala, baka nabasa na niya ang mga kalokohan ko.

      "Uh, naiwanan mo sa classroom, e." Napahawak siya sa batok niya.

      "Magkakilala kayo, Vina?" usisa ni Jeric.

      Kinagat ko ang labi ko. "Kaklase ko siya."

      Hindi na nila pwedeng malaman na hindi ko lang siya basta kaklase kundi siya rin ang muntik nang makabundol sa akin dahil baka paulanan pa siya ng bala ng salita ng mga kaibigan ko.

      "Iyon lang ba, pre?" tanong ni Jeric.

      "Huwag mo muna siyang paalisin!" suway naman ni Jerica. "Bakit hindi ka muna maupo? Kumain ka na ba? Gusto mong sumabay sa amin?"

     Napangiwi ako sa sunod-sunod na tanong ni Jerica sa kanya. Si Leander naman ay mukhang hindi na alam ang gagawin. Pero imbes na siya ang pagtuonan ko ng pansin ay ibinalik ko ang diary sa aking bag.

     Naisip ko, ang tagal na rin nitong bag ko. Maghanap kaya ako ng part-time job para naman makabili ako ng panibago? Para rin makatulong ako kay tatay. Kahit naman kasi sabihing free tuition ang skwelahan namin ay hindi maiiwasan na may bayaran lalo pa't may mga miscellanous fee pa kami.

     "Hindi na," ngumiti siya kay Jerica. At iyon ang klase ng ngiti na kung hindi ka lang loyal at committed sa pagkakagusto sa isang tao ay baka natangay ka na niya. "Inabot ko lang talaga kay Davina yung diary niya."

      "Ay, talaga? Sayang naman," nalungkot ang boses ni Jerica.

     "Baka gusto mo pa siyang masolo, Jerica? Pwede naman. Basta malayong table," pang-aasar ko na ikinatawa ni Jeric.

      "Sira! Nakikipagkaibigan lang, e," muli itong bumaling kay Leander at inabot ang kamay niya. "I'm Jerica. Ikaw?"

      "Jerica Rosales?"

      Natahimik kaming tatlo dahil sa banat na iyon ni Leander at nang akmang babawiin na niya ay sumabog sa kakatawa ang kambal. Sabay pa talaga sila. Napatingin tuloy ako kay Leander at nakita ang tipid na ngiti sa labi niya. Mukhang natural na natural na sa dugo niya ang pagiging palabiro.

      "Okay ka, a?" sabi ni Jeric. "Pero hindi siya papasang Jericho Rosales, pre. Ako pwede pa. Jeric Amper nga pala. Kakambal ni Jerica at kaibigan ni Davina."

      Nakipagkamayan sa kanya si Leander. "Leander Saldivar."

      Tumango si Jeric sa kanya. Mukhang tanggap na niya agad ang pagkatao ni Leander.

      "Sabay ka sa amin sa susunod. Pakilala ka namin sa isa pa naming kaibigan."

      Ngumiti lang si Leander. "Sige, subukan ko. Una na pala ako. Binigay ko lang talaga kay Davina yung gamit niya."

     Kumaway sa kanya si Jerica habang si Jeric ay sumaludo lang. Nang tumingin siya sa akin ay nginitian ko lang siya at nagpasalamat. "See you sa class, Leander. Bye!"

     Nang humarap na sa akin ang kambal ay napapailing na sila at natatawa. Hindi pa rin yata makalimutan ang senaryo kanina.

      "Ayos din siya, e 'no?" wika ni Jeric.

      "Hindi mo naman sinabi na may kaklase kang gwapo, Davina," segunda ni Jerica.

      Marami naman talagang magaganda't gwapo sa Tourism lalo na't iyon ang puhunan nila sa kursong kinuha namin.

      "Ganoon ba talaga siya magpatawa? Ang cute ng sense of humor niya, ha."

      Tumango ako at sumubo na ng pagkain. "Oo, ganoon talaga. May mga professors na paborito siya dahil bukod sa aktibo sa klase, ayon, magaling magpatawa."

     Hindi nga lang ganoon kagaan ang ere sa pagitan naming dalawa kung minsan dahil wala akong naaalala kundi ang muntikan kong pagkabundol sa Alpas Dam dahil sa kanya. Pero kung naiba lang ang situwasyon, hindi ko naman kailangang maging ilag.

      At dahil sa ginawa niyang pagbabalik ng diary ko, natuwa na ako sa kanya. Bawing-bawi ang kung anumang nangyari sa Alpas Dam.

     Ano kayang pwede kong ibigay sa kanya bilang token of appreciation?

Twinkling FirefliesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon