Chapter 8

36 14 4
                                    

"ANO BA 'YANG sinusulat mo?" usisa ni Regan dahilan upang ilayo ko sa kanya ang notebook ko.

"Huwag mo ngang silipin," sabi ko sa kanya at umusod pa ng upo.

Araw ng Sabado ngayon, ito lang ang tanging araw na nakakasama ko siya at tumatambay rito sa Alpas Lake upang magpalipas ng araw. Wala naman akong kasama sa bahay dahil pumalaot si tatay kaninang madaling araw. At paniguradong mamayang gabi pa ang uwi no'n.

Nang tingnan ko si Regan ay naniningkit na ang mga mata niya sa akin kaya natawa ako. "Anong problema mo?"

"May tinatago ka na sa akin, a," sabi niya at sinimulan ng magtono ng gitara.

Ang isa sa ikinatutuwa ko sa samahan namin ni Regan ay ang sitwasyon namin na kung saan wala pa ring nagbabago sa samahan namin kahit pa sabihing may iba't ibang bagay na kaming pinagkakaabalahan. Siguro ito na rin ang isa advantage kapag matagal na kayong magkakilala at magkasama. Na kahit gaano katagal pa kayong hindi magkausap, kapag nagkaroon ng panahon na magkakasama ulit kayo ay parang kahapon lang.

"Ano namang itatago ko sayo?" wika ko habang muling nagsusulat sa notebook ko. Isinusulat ko lang naman ang napaginpan ko tungkol sa aming dalawa kaninang madaling araw. At nahihiya ako dahil bukod sa ang manhid niya para hindi maramdaman ang nararamdaman ko para sa kanya ay talagang binalikan ko pa ang panaginip ko madugtungan lang 'yon. Pero wala na talaga.

Sa panaginip ko kasi, sumakay raw kaming dalawa sa bangka at dito mismo sa Alpas Lake, umamin kaming dalawa ng mga nararamdaman namin para sa isa't isa at sa ilalim pa raw iyon ng puting ilaw. At ang pinakamaganda pa ay napapalibutan kami ng mga aninipot. Ang magical nga kasi parang sinagot daw nila ang mga hiling namin.

"Hindi ko alam." Nagkibit balikat siya. "Pero ramdam ko parang meron. Ikaw lang naman ang may alam niyan, e."

Kung meron man akong itinatago sayo, Regan, ang nararamdaman ko lang 'yon. Pero bakit ba kasi hindi mo maramdaman? O, talagang wala ka lang pakialam? Kung sabagay, kahit nga yung hiling mo nung mga bata palang tayo ay tungkol pa rin sa pagkakaibigan natin, e.

"Tingin ko, wala naman," sagot ko na lang.

Hindi naman niya ako sinagot at tinotono pa rin ang gitara niya. Ang tagal na ng panahon simula nung huli niyang dinala ang gitara niya rito sa lake at magkasama pa kami. Ang kaibahan lang, ako naman ang walang dalang libro kaya ayan, ako naman ngayon ang uhaw sa katahimikan.

Pero iniisip ko kung darating pa rin ba sa puntong magkakaroon kami ng pag-asang magkatuluyan? Malalaman niya kaya ang nararamdaman ko para sa kanya? O, katulad lang din kami sa mga nababasa ko sa mga libro na hindi kailanman nagkakatuluyan ang mga matatalik na magkaibigan para sa rason na sayang ang nabuo nilang pagkakaibigan?

Hindi ko tuloy malaman kung dapat ba akong matuwa na tumagal ang pagkakaibigan namin ni Regan kaya ang tingin na lang niya sa akin ay kapatid niya?

Natahimik naman kaming dalawa at tanging tono ng kanyang gitara na lang ang namamayani sa aming mga pandinig. Maya-maya lang ay kumanta na si Regan.

"Loving you was young, wild, and free . . . Loving you was cool, hot, and sweet . . . Loving you was sunshine, safe and sound, a steady place to let down my defenses . . ."

Tumigil ako sa pagsusulat at pinagmasdan siya. Deretso lang siyang nakatingin sa harapan at damang-dama ko ang malalim at pinalamig na boses niya. Madalas kasing buo ang boses ni Regan at normal na may gasgas kaya nagulat akong bagay sa kanya ang kantang Consequence by Camila Cabello.

"But loving you had a consequences . . ."

Napangiti ako. "Broken ka ba? Damang-dama mo yung kanta ah."

Tumingin siya sa akin at ginulo ang buhok ko. Inalis ko naman ang kamay niya sa ulo ko. Hilig niya talagang gawin sa akin 'to.

"Ikaw magsabi sa akin," sabi niya.

Tumaas ang kilay ko. "Ewan ko sayo, Regan."

Humalakhak lang siya kaya sinamaan ko siya ng tingin. Bakit kaya wala na naman dito ang kambal?

"Regan, naisip ko lang . . ."

"Hmm?"

Hindi ako sumagot kaya nilingon niya ako. Nag-iba na ang tinotono niyang kanta sa kanyang gitara.

"Anong iniisip mo?" dagdag pa niya.

"Kailan ulit kayo may practice or gig sa bayan?" tanong ko.

"Bakit?" sagot niya na may kakaibang tono sa boses. 'Yon bang parang may saya at excitement? Halata rin sa kislap ng mga mata niya ang interes sa tanong ko.

"Wala." Umiling pa ako at pinagmasdan ang maaliwalas na kalangitan. Hindi ko alam kung sinuswerte lang ba kami o talagang tuwing tumatambay kaming dalawa rito sa lake ay laging walang nagbabadyang ulan para sa amin. "Naisip ko lang na, hindi pa kita napapanood mag-perform kasama ang Sovereign pagkatapos nung audition."

"Gusto mong manood?"

Lumawak ang ngiti ko nang nilingon ko siya. "Pwede ba?"

Tumawa siya at muling ginulo ang buhok ko. "Oo naman. Sa totoo lang, matagal ko nang hinihintay na sabihin mo sa akin 'yan. Nahihiya naman akong ayain ka kasi baka ayaw mo. Nasabi mo ngang ayaw mo ng ganoong klase ng ingay, 'di ba?"

Kumirot ang puso ko sa sinabi niya. Hindi ko alam na natatandaan niya pala ang mga ayaw't gusto ko. Pero ngayon, gusto ko na. At saka, lagi na lang si Regan ang tumutuklas at pinapanood ako sa mga gusto ko. Kulang pa yung panonood ko sa audition. Kaya gusto kong mapanood siya ngayon.

"Hindi ko pa rin naman gusto," pag-amin ko. "Pero ikaw 'yan, e. Magkaibigan tayo. Best friends. Magkadikit na ang mga bituka natin. At saka, gusto kong mapanood ka naman kung gaano mo ginagalingan at pinag-iigihan ang musika. Malay mo talagang sumikat ka na at makalimutan mo na ako ng tuluyan."

"Iyon ba ang nararamdaman mo?"

Tumingala ako nang maramdamang tutulo ang luha sa mga mata ko. Ano ba 'yan, bakit ganito? Sobra ko na bang namimiss si Regan kahit magkasama naman kami palagi?

Nawala ang tunog ng gitara niya kaya naging malinaw na sa pandinig ko ang mabilis na tibok ng aking puso.

"Bakit ka umiiyak?"

Bakit kailangan niya pang magtanong? Mas lalo tuloy akong naiiyak niyan!

"Hindi ko alam . . ."

Nabitiwan ko ang ballpen na hawak ko nang maramdaman kong hinawakan niya ang palapulsuhan ko at umangat pa ang tingin niya sa mga mata ko. Hindi ko mabasa ang nasa mga mata niya.

"Huwag kang umiyak, Davina," halos bulong niyang wika.

Natigilan ako nang hilahin niya ako upang yakapin. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko at nanigas na ako sa kinauupuan ko.

"Ayokong nakikita kitang umiiyak," bulong niya sa tenga ko.

Mabilis din siyang humiwalay sa pagkakayakap sa akin at pinunasan ang luhang bumasa sa pisngi ko.

Ang sumunod ko na lang na naramdaman ay sinandal niya ang ulo ko sa kanyang balikat at kumanta na naman siya. Sa pagkakataong ito ay tagalog naman ang kinanta niya.

"Kung hindi ikaw ay hindi na lang . . ."

Napalunok ako lalo na sa mensahe ng kanta na kinakanta niya.

"Hindi ako mawawala sa tabi mo, Davina. Hindi ko hahayaang mangyari 'yon."

Twinkling FirefliesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon