[9] Mahal Kita, Pero Ako Muna: Contest Entry (TAGALOG)

14 4 0
                                    

FEBRUARY 2023 Write-a-Thon Challenge
Participation Award
Ambassadorsph
Theme: Jopay, love on You
Prompt: Si Jopay na nang-iwan

***

"Ano ba'ng nagawa kong mali, ha?!" Umalingawngaw ang boses ni Aden sa espasyo ng kanilang silid-aralan. Bakas sa mukha nito ang magkahalong sakit at pagkalito sapagkat hindi niya alam kung bakit bigla-bigla nalang nakikipaghiwalay ang nobya.

Hindi sumagot ang dalaga; nanatili itong nakatingin sa paanan ng nobyo nang hindi nakikitaan ng kahit ano mang emosyon.

"Utang na loob naman, Jopay! Sumagot ka," unti-unting nababasag ang boses nito habang pilit na pinipigilan ang sariling huwag mapahagulgol. "Kailangan ko lang ng dahilan; kahit hindi ko maintindihan. Kailangan ko lang nang may mapanghahawakan para sa gano'n ay hindi ako mahirapang tanggapin kung ano man ang magiging kahihinatnan natin."

Numipis lamang ang mapupulang labi ni Jopay. Alam niyang may gusto siyang sabihin, ngunit bago paman makalabas ang mga salitang iyon sa kanyang bibig ay parang naglalaho na ito sa dulo ng kanyang dila.

Sa bawat paglipas ng mga segundo ay kasabay ng unti-unti niyang pagkalito sa reaksyon ng nobyo, sapagkat hindi iyon ang kanyang inaasahan.

"Sinungaling," bulong niya nalang; rinig at ramdam niya ang paggaralgal ng kanyang boses. Nagbabadya na rin'g pumatak ang mga luhang mabilis na namuo sa kanyang mapupungay na mga mata.

"Ano'ng klaseng arte na naman 'to, Aden?!" Sa wakas ay nabitawan niya na ang hininga'ng hindi niya alam na kanina niya pa pala pinipigilan.

Saglit na tumaas ang kilay ni Aden sa naging tanong ni Jopay. Alam niyang alam na nito ang kanyang ginawa pero kailangan niya paring ipagpatuloy ang kanyang pag-arte kung hindi, sa panahong 'to, panigurado'ng hindi na siya nito papapatawarin.

"B-Bakit? Ano ba kasi'ng-."

"Manahimik ka!" Pagputol niya sa sana'y sasabihin pa ni Aden. Lumapit ito ng ilang hakbang sa nobyo hanggang sa halos ay magtagis na ang kanilang mga tingin.

"I-Ilang beses kitang p-pinatawad, 'di ba?" Utal niyang tanong; kinailangan niya pang iyukom ang mga kamao para pigilan ang kanyang galit. "Ilang beses din akong nagpakatanga, 'di ba?!"

Ramdam ni Aden ang gigil sa bawat salitang binibitawan ni Jopay kaya naman ay napaatras ito.

"Ano?! Ilang beses mo na naman ba akong niloko, ha?! Maliban kay Alice, sino pa?!"

"Ano ba'ng pinagsasasabi mo, mahal?" Tanong pa ni Aden na akala mo'y malinis ang konsensya. "Mag lilimang taon na tayo, oh! Lumipat pa nga ako ng paaralan para magkasama tayo; sa tingin mo magagawa ko pa'ng magtaksil?!"

"Hindi ko rin alam, pero baka magka-ideya ako kapag naipaliwanag mo ito!"

Parang may sino'ng nagbuhos ng nagyeyelong tubig kay Aden at hindi ito nakagalaw nang ipinakita ni Jopay ang mga litrato nilang dalawa ni Alice nang magkasama sa isang bahay-bakasyonan; magkahawak ang kamay, magkahalikan.

Animo'y naging estatuwa si Aden. Sa panahong 'to ay wala na siyang maisip na pwedeng maging dahilan. Naging blangko ang utak niyang puro kasinungalingan lang ang alam.

"M-Mahal... m-magpapaliwanag ako," ang tanging lumabas na lamang sa kanyang bibig; maski siya ay hindi na naintindihan ang kanyang mga sinabi't halos mabingi na siya sa sobrang lakas ng pagkabog ng kanyang dibdib.

"Wala na; tapos na," bulong nalang ni Jopay. Humugot ito ng napakalalim na hininga habang dahan-dahang ibinalik sa kanyang bulsa ang telepono.

"M-Mahal naman," aligagang nilapitan ni Aden ang ngayo'y nawawalan na ng ganang si Jopay. Hinawakan niya agad ang kamay nito. Bagama't hinayaan lang siya ni Jopay ay ramdam niya sa awra nito na handa na itong bitawan ang kung ano man ang mayroon sila.

"Mahal, p-pakiusap! P-Patawarin mo ako. Pangako-pangako, hinding-hindi ko na gagawin ulit. Hihiwalayan ko na si Alice. Iiwasan ko na siya. Lahat! Lahat gagawin ko para mapatawad mo lang ako," isa-isang nagsipatakan ang mga luha ni Aden.

Oo, nakakaawa; nakakadala-nakakatuksong patawarin kasi kita sa mga mata nito ang sinseridad sa mga salitang kanyang binibitawan, ngunit hindi na iyon ang kaso para kay Jopay; sapagkat ilang ulit at paulit-ulit niya na itong narinig mula sa binata.

Muling humugot ng napakalalim na hininga si Jopay. "Alam mo," panimula niya nang kalmado saka tinignan si Aden sa mga mata nito. "Minahal kita, eh. Minahal kita ng sobrang-sobra. Binigay ko sayo lahat-lahat nang kaya kong ibigay. Dinamayan kita; ako ang lagi mong kakampi-sandalan kapag napapagod ka. Ako 'yong tumulong na ihulma ka kung ano ka ngayon; hindi ko lang inaasahang hinanda lang pala kita para rito-para lokohin ako't pagmukhaing tanga. Nakakadismaya," ngumiti ito ng mapakla.

"E-Eh, mahal mo naman ako; bakit mo ako hihiwalayan? P-Pwede pa naman natin 'tong pag-usapan, eh. Alam mo namang may pag-asa pa akong magbago, hindi ba? Sabihin mo lang. Gagawin ko para sayo," nakakatangang sabi ni Aden; natawa nalang tuloy si Jopay. Hindi ito makapaniwala sa kanyang naririnig; parang hindi niya rin halos maisip kung paano sila nagtagal ng halos limang taon ng lalaking nasa kanyang harapan ngayon.

"Kung gusto mo talagang magbago, gagawin mo kahit hindi ko sabihin. At oo, mahal kita, pero hindi ko sinabing pwede mo akong gawing tanga," patapon niyang tinanggal ang pagkakahawak sa kanya ni Aden. "Sa sobrang pagmamahal ko sayo, nakalimutan ko nang mahalin ang sarili ko, kaya ayaw ko na."

"P-Pero paano ako?" Mabilis na nagsipatakan ang mga luha ni Aden dahilan kung bakit agad na umiwas ng tingin si Jopay; alam na alam niyang kahit buo na ang kanyang desisyon, pwede parin itong mabago ng natitira niyang pagmamahal sa binata.

"Malaki ka na; alam mo na kung ano'ng dapat mong gawin at sana sinimulan mo 'yon sa hindi pagloko sa akin at pagwasak sa relasyon natin," muling ngumiti si Jopay; 'yong ngiting alam mong nahanap na ang kapayapaan sa sarili. "Mahal kita-mahal na mahal, pero ngayon, ako na muna."

Iyon lang ang huli niyang sinabi bago ito humakbang ng dalawang beses paatras saka tuluyang tumalikod at iwan ang lalaking kailangan niya nang kalimutan.

OneShot CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon