Laban ng Magkapatid

266 7 2
                                    

Game: Contra

Genre: Action

***

Nanlilisik ang mga matang seryoso, habang abala naman ang mga daliri ko sa pagkalkula kung anong galaw ang nararapat para sa karakter ko sa laro naming Contra.

"Oh, tanga!" bulalas ko matapos tamaan ng bala 'yong kinokontrol ng kapatid ko. "Ano ka ba naman, Jonas! Hindi pa nga tayo nangangalahati, patay ka na naman!"

"Sorry na, Kuya, kinakabahan kasi ako e. Pakiramdam ko, ako talaga 'yong naglalaro," mahinahon niyang pagpapaliwanag na siya namang dumagdag sa pagkainis ko.

"E, ikaw naman talaga 'yong naglalaro, 'di ba? Sabihin mo, bayot ka lang!" sermon ko sa kanya na halos araw-araw na lang, nakakasawa na. "Badtrip naman oh, ako na naman tuloy mag-isa ang tatapos nito."

Kung bakit ba naman kasi hindi niya makuha. Makailang ulit ko na nga siyang tinuruan sa dapat niyang gawin, pero parang labas pasok lang ito sa tainga niya, nakakapikon kaya. Sa inis ko, madiin ko nang pinipindot ang kontrol na hawak ko. "Tingnan mo kasing mabuti, walo na nga lang 'yang pindutan hindi mo pa alam! Kainis na batang 'to!" Nang tingnan ko naman siya'y parang iiyak na.

Hindi ko lang maintindihan, bakit ang iba, limang taon pa lang ay kaya na ang mga ganitong bagay, samantalang siya na pito... magkaroon ka nga naman ng kapatid na bobo.

Napabuntong hininga na lamang ako't hinayaan siyang magmukmok sa tabi ko nang marinig namin ang boses ni Mama. "Bumaba na kayo't kakain na." Mabilis pa sa kidlat ang ginawang pagtakbo ng kapatid ko, na tila hinihintay lang ang pagkakataong iyon para siya'y makalayo. Napailing na lamang ako.

Tumayo na rin naman ako matapos ang ilang segundo dahil paniguradong maririndi lang ako kapag hindi ko ginawa 'yon. Hawak ko na ang seradura para buksan ang pinto, nang biglang magliwanag ang buong silid. Napapikit ako ng mata dahil sa sobrang liwanag at sa ginawa kong pagmulat, isang pamilyar na tanawin ang aking nakita.

Matataas ang mga punong pumaligid sa kabuuan ng lugar, maririnig din ang palitan ng huni ng mga ibong nagkakantahan sa bawat sangang kanilang kinabibilangan. Sariwa ang hangin na nakapagbibigay ginhawa sa sistemang sabik sa ganitong klase ng pakiramdam. Pumikit ako para damhin ang paligid, ngunit agad din naman akong napamulat nang makarinig ako ng isang malakas na putok ng baril.

Napalingon ako sa direksyong pinanggalingan niyon at nagulat ako dahil ako pala ang target ng balang 'yon. "Tangina! Totoo nga!" manghang turan ng lokong estranghero, kasabay ang pagpapakawala ng nakakalokong ngiti at nilapitan ako.

"Pare, kamusta?" Halos mapikon naman ako sa bati niya. Matapos niya akong barilin, ang lakas ng loob niyang ako'y batiin. Teka, binaril niya ako, hindi ba?

Ininspeksyon ko ang sarili ko para kumpirmahin kung may tama ako, saka ko lang napagtantong nag-iba ang itsura ko. Parang tinubuan ng bato ang patpatin kong katawan na siyang ngayon ay nakalantad sa paningin ng kung sino man. At ang kanina kong suot na pambahay ay napalitan ng isang kulay asul na pantalon. Nilingon ko naman ang ngayo'y kasama ko, at tulad ko, banat din ang katawan niyang suot lang ay pulang pang ibaba.

Hindi pa man ganap na nakukuha ng isipan ko ang mga nangyayari, nang maramdaman kong parang nagkukusang gumalaw ang katawan ko, hawak ang isang malaking baril na hindi ko alam kung saan nanggaling. Nagulat naman ako nang biglang magpakita ang isang orasan, na animo'y nagsasabing marapat lang na aming bilisan.

"Mukhang masaya 'to!" anunsyo ng estrangherong bumaril sa akin kanina, na siyang napagtanto kong kakampi ko pala. Paano kaya ako napunta sa loob ng larong ito?

Incogni2 Fifth Strike: Game OverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon