Ang Mahiwagang Setro sa Templo ng Apoy

221 7 3
                                    

Game: Temple Run

Genre: Fantasy and Action

***

Isang malakas na suntok ang iginawad ko sa aking kaharap. "Niloloko mo ba 'ko? Matapos kong patayin 'yung mga halimaw na lobong naghasik ng lagim sa lupain mo, ito lang ang ibabayad mo sa akin?" saad ko habang hawak ang supot ng pilak na iniabot niya.

"Cecilio, pag-usapan natin ito," pakiusap niya. Ngunit nang mapatingin siya sa pintuan ay agad na nagbago ang kanyang ekspresyon. Ang mukha niya kaninang nagmamakaawa ay napalitan ng nakakalokong ngisi. Sa sulok ng aking mga mata ay nakita ko ang pagdating ng kanyang mga tauhan.

Galit ko siyang binigwasan ng suntok, sanhi para bumalandra siya sa dingding. Pagkatapos ay hinarap ko ang mga bagong dating. Agad nila akong pinaligiran. Naunang sumugod ang lalake sa aking kaliwa habang iwinawasiwas ang kanyang espada. Mabuti na lamang at maagap ko itong nailagan matapos ko siyang salubungin ng sipa sa kanyang sikmura. Agad kong pinilipit ang kanyang brasong may hawak ng sandata kaya nabitawan niya ito. Mabilis ko itong dinampot at itinarak sa kanyang puso.

Nang makita nila ang nangyari sa kanilang kasamahan ay sabay-sabay na sumugod sa akin ang iba. Ngunit noong mga oras na iyon ay inaalis ko na ang baluti sa aking kanang kamay sabay sigaw, "bughaw na alab!" At mula doon ay lumabas ang isang bughaw na apoy. Tinangka pa nilang tumakbo ngunit agad silang nahabol ng aking bolang apoy. Dinig na dinig ko ang kanilang pagmamakaawa ngunit nagpatuloy lamang ito sa paglamon sa kanilang katawan hanggang tanging abo na lang ang natira sa kanila.

Muli kong binalot ng baluti ang kanan kong kamay. Oras na para harapin ang manlolokong duke.
Ngunit nang akma ko siyang lalapitan ay muling bumukas ang pinto at mula doon ay pumasok ang mahigit isandaang kalalakihan. Batay sa suot nilang baluti ay mga kawal sila mula sa palasyo.

"Walang kaugnayan ang mahal na hari sa usapan namin ng duke kaya huwag kayong makialam dito!" matigas kong pahayag.

"Pangahas! Lumuhod ka ngayon din at magbigay-galang sa mahal na Prinsesa Elisa," aniya ng pinuno ng mga kawal.

Ilang saglit pa ay nahawi ang mga kawal at tuluyang nakapasok ang isang magandang dalaga. Bukod sa isang korona ay suot-suot din niya ang isang kwintas na kinauukitan ng simbolo ng lupain ng Cassiopeia.

"Mahal na Prinsesa," saad ko sabay luhod.

Isang lalakeng may suot na magarang kasuotan ang kaniyang binalingan. "Ginoong Tagapayo, iwan n'yo muna ako kasama ang lalakeng ito. Isama n'yo na rin ang lahat ng kawal. Gusto ko muna siyang makausap nang masinsinan."

"Pero..." Bumakas ang pagtutol sa mukha ng tagapayo ngunit pinandilatan siya ng prinsesa. "Sundin mo ang utos ko."

Nang ganap na silang nakalabas ay agad niya akong hinila sa isang sulok ng silid. "Ginoo, hindi na ako magpapaligoy-ligoy at wala ng panahon, kailangan ko ang tulong mo."

Bumakas ang kalituhan sa aking mukha. "Ano'ng maipaglilingkod ko sa inyo?"

Nagulat ako nang simulang buksan ng prinsesa ang butones ng kaniyang damit sa bandang dibdib. Agad akong nagtakip ng mga mata. "Mahal na Prinsesa, ano'ng gingawa nyo? Ang bilis n'yo naman. Kakakilala pa lang natin."

Isang malakas na batok ang naramdaman ko. Kaya naimulat ko ang aking mga mata. "Ano ba'ng pinagsasasabi mo riyan? Nasa tapat ng puso ko ang isang balat na hugis mapa. Mula dito'y makikita ang eksaktong kinalalagyan ng Templo ng Apoy."

"Templong ng Apoy?" nagugulumihanan kong pag-uulit sa sinabi niya.

"Isang siglo na ang nakararaan, tinangkang sakupin ng mga Cercopes o taong unggoy ang Cassiopeia pero napigilan sila ng ating mga ninuno. Bilang ganti ay ninakaw nila ang mahiwagang setro ng ating kaharian at itinago sa Templo ng Apoy. Mayroong babala ang mga matatanda na kapag hindi ito naibalik, pagdatal ng hatinggabi ng ika-isang siglo ay lalamunin na ng lupa ang buong Cassiopeia."

Incogni2 Fifth Strike: Game OverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon