Firstborn

175 7 3
                                    

Game: Super Mario Bros.

Genre: Fantasy

***

Nakatayo ako ngayon sa bukana ng isang luntiang tunnel. Alam kong wala ng atrasan sa oras na pumasok ako rito. Batid kong sa aking pagtawid, marami akong kakaharaping pagsubok, ngunit ito lang ang tanging paraan upang maligtas ko sila.

Sa huling pagkakataon ay nilingon ko ang aming palasyo na lubhang napinsala dahil sa pagsalakay ng aking mortal na kaaway na si Bowser. Siya ay isang halimaw na anyong pagong. Malaki at matigas ang bao niya na kahit ang pinakamatalim na espada ay hindi ito kayang tibagin. Maging ang katawan niya ay puno ng mga malaking tinik kaya mahihirapan ang sinumang lalaban sa kanya ng malapitan, ngunit dahil sa taglay kong lakas at talino, hindi niya napagtagumpayang sakupin ang kaharian kaya tinangay niya ang aking nakababatang kapatid na si Prinsipe Luigi at ang sinisinta kong si Prinsesa Peach upang gawing sandata laban sa'kin.

Huminga ako nang malalim at inayos ang suot kong pulang sombrero na may nakaukit na malaking titik M. Kailangan kong marating ang templo ni Bowser sa loob ng isang araw dahil kung hindi, tiyak na may mangyayaring hindi maganda sa kanila, at ang tanging daan upang marating ko ang templo ay ang tawirin ang lagusang ito.

Kinuha ko mula sa aking bulsa ang isang hourglass at mataman iyong pinagmasdan. Isang araw... isang araw lang ang mayroon ako upang mailigtas sila. Inihanda ko na ang aking sarili at humakbang na ako papasok sa loob ng lagusan. Madilim at makipot ang pasilyo ngunit pinanatili kong alerto ang aking diwa, ngunit agad akong napahinto nang marinig ko ang isang tinig.

"Prinsipe Mario, hindi mo mapupuksa si Bowser kapag iyang lakas mo lamang ang iyong gagamitin. Kailangan mo ng sandata," makahulugang wika ng boses.

"Sino ka?" maawtoridad kong tanong. "Bakit mo ako kilala?"

"Kailangan mong mahanap ang Fire Flower, Prinsipe Mario. Nagtataglay ito ng kakaibang kapangyarihan na makakatulong sa'yo upang matalo si Bowser."

"Fire Flower? Sino ka ba talaga? Sapat na ang taglay kong lakas upang mapuksa si Bowser. Hindi ko na kailangan ng sandata."

"Maniwala ka sa'kin, Prinsipe Mario. Sa mga panahong ito, mas lalong lumalakas ang kapangyarihan ni Bowser kaya kailangan mong mahanap ang Fire Flower."

Sa pagkakataong iyon, tila papalayo na ang boses at hindi ko alam pero pakiramdam ko'y kakampi ko ang misteryosong tinig na iyon. "Ngunit saan ko matatagpuan ang sinasabi mong Fire Flower?" nangangamba kong tanong sapagkat humihina na ang boses na iyon.

"Sa mga laryo." Ang sagot na iyon ay tila isang bulang na lang.

"Laryo? Anong laryo?" Ngunit wala na akong natanggap na kasagutan kaya nagpatuloy na ako sa paglalakad hanggang sa makita ko na ang liwanag. Tumakbo ako at sa paglabas ko, tumambad sa'kin ang mga nakalutang na laryo, mga kulay pulang bloke na hugis parisukat. Tila mga hagdan sa himpapawid, ngunit karamihan sa mga ito ay magkakalayo sa isa't isa.

"Ito ba ang laryong tinutukoy ng boses?" tanong ko sa aking sarili.

Pinagmasdan ko ang buong paligid. May mga nakausling tunnel sa daan na nagsisilbing mga balikid upang harangan ang aking paglalakbay. Kailangan ko pang tumalon upang malampasan ang mga ito o 'di kaya'y sa mga laryo na lang ako dadaan.

Namataan kong papalapit sakin ang dalawang Goomba. Ang mga ito ay tiyak na mga kampon ni Bowser. Mabilis akong lumundag at bumagsak ako sa ulo ng mga ito. Nayupi ang mga ito at mabilis na naglaho. Ang mga Goomba ay mga kulay kahel na kabute na may malambot na ulo kaya hindi sila mahirap gapiin.

Incogni2 Fifth Strike: Game OverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon