The Devil's Temple

170 6 2
                                    

Game: Temple Run

Genre: Horror

***

"Ibabalik ko lang si Scarlett 'nay, pag-uwi ko kasama ko na s'ya." Niyakap ko nang mahigpit ang aking ina at hinagkan s'ya sa noo.

"Mag-iingat ka anak. Delikado roon, 'wag mong kalilimutan na magdasal ha?" maluha-luha n'yang paalala. Napatawa na lamang ako habang umiiling at muling nagpaalam.

Sa totoo lang, isa akong Ateo o Atheist. Maging si Scarlett na asawa ko ay kapareho ko rin ng paniniwala. Paniniwala kung saan alam namin na wala talagang D'yos at mga demonyo. Kathang-isip lamang sila para sa amin. Tanging agham ang aming pinaniniwalaan dahil kaya nitong maipaliwanag ang lahat. Ang lahat-lahat.

Habang naglalakad ako ay may humarang sa akin na matandang babae na naka-itim. Mahaba, kulot at puti ang kanyang buhok na umabot sa kanyang bewang habang kulubot naman ang mukha nito.

"'Wag ka nang pumunta roon, 'wag ka nang tumuloy." Agad kong iniwas ang aking braso mula sa pagkakahablot ng matandang babae na ngayon ay pinanlilisikan ako ng mga mata.

"Sino ka ba?" inis kong tanong sa matanda, pero imbis na sagutin n'ya ang aking tanong ay iba ang mga salitang kanyang naging tugon.

"Madali mong matutunton ang templo, pero oras na makapasok ka rito, hindi ka na muling makakalabas pa." Sandali akong nanigas sa aking kinatatayuan. Paano n'ya nalaman na sa templo ako pupunta?

Kunot ang aking noo habang pinagmamasdan ang likod ng matandang 'yon na ngayon ay naglalakad palayo. Mukhang marami s'yang nalalaman tungkol sa templo na aking pupuntahan. Ipinilig ko ang aking ulo at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Kahit na ano pa ang sinabi n'ya pupunta pa rin ako roon, dahil kailangan kong maiuwi si Scarlett.

Tatlong buwan na s'yang nawawala simula nang magpunta s'yang mag-isa sa nasabing templo. Ayon kasi sa karamihan ay pugad daw iyon ng mga masasamang elemento tulad ng diwende, kapre, halimaw at doon din daw nagtatago ang mga sinasabi nilang...mga demonyo. Pero bilang isang Ateo at mananaliksik, minabuti ni Scarlett na patunayan sa lahat ng tao na nagkakamali sila tungkol sa templo na 'yon. 'Yun nga lang ay simula ng magpunta s'ya roon ay hindi na namin s'ya muling nakita pa. Nag-aalala na kami ng aking ina.

Ang usap-usapan pa ng ilang mamamayan ay ginagawa raw alipin ng mga demonyo ang mga nangahas na pumasok dito, ang sabi naman ng iba ay ginagawa raw nilang halimaw ang mga tao, may nagsasabi rin na inaalay at pinapatay raw nila ang mga tao para sa kanilang pinuno. Kahit na anong kwento pa 'yon ay wala akong paniniwalaan, dahil alam kong hindi naman sila totoo. Ang importante lang para sa'kin ay ang mahanap si Scarlett.

Nang maakyat ko na ang isang masukal na gubat ay nakakita agad ako ng isang makinang na bagay sa hindi kalayuan, mabilis ko itong tinakbo at nang marating ko ito ay tumambad sa aking harapan ang malaking gintong pinto ng templo. Akala ko ay mahihirapan pa akong mahanap ito. Lumawak ang aking mga ngiti at akmang papasok na ako sa loob nang para bang kusa kong narinig ang boses ng matanda kanina.

"Madali mong matutunton ang templo, pero oras na makapasok ka rito, hindi ka na muling makakalabas pa."

Huminga ako nang malalim at pumikit nang mariin.

"Kailangan kong hanapin si Scarlett, walang mangyayari sa akin kung magpapadala ako sa mga walang kwenta nilang pananakot," bulong ko sa aking sarili.

Buong lakas kong tinulak ang mabigat na gintong pintuan. Hinihingal akong pumasok sa loob ng templo at tanging kadiliman lamang ang sumalubong sa akin. Wala akong makita kahit konting liwanag man lang. Binuksan ko ang dala kong flashlight upang ito ang magsilbi sa'king tanglaw. Saktong binuksan ko ito nang may marinig akong malakas na kalabog mula sa aking likuran kaya't itinapat ko agad dito ang flashlight na aking hawak.

Incogni2 Fifth Strike: Game OverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon