The Last Hope

186 5 3
                                    

Game: Temple Run

Genre: Sci-Fi

***

"Nahihibang ka na ba, Greg? Paano mo gagawin 'yun?" Nakakunot ang noong turan sa akin ni Marie.

"Iyon lang ang nakikita kong paraan, Marie. Kung gusto mo pang isalba ang sangkatauhan kailangan nating gawin iyon." Ngumisi ako at hinawakan siya sa pisngi. "Mahal, hindi mo ba naisip na kaya nangyari ang lahat ng ito dahil ito na ang pagkakataon upang makilala tayo? Tayo ang bubuong muli sa sangkatauhan. Tayo ang mag-aahong muli sa mundong ito."

Tatlong buwan na ang nakararaan nang bumagsak ang isang malaking asteroyd sa mundo. Halos buong mundo ay nawasak. Maraming isla ang lumubog at ang buong paligid ay napalibutan ng tubig. Kaming mag-asawa, kasama ng iilang taong mapalad na nakaligtas ang nananatiling buhay sa mundo. Nagkataon kasing nasa kalawakan kami ng aking asawa noong mga oras na iyon at sinubukan ang rocket ship na aking inimbento.

"Greg, pwede naman tayo, kasama ng ibang tao dito ang magsalba ng sangkatauhan. Pwede nating gawin iyon nang dahan-dahan."

"Ikaw ang nahihibang, Marie. Paano natin mapaparami agad ang sangkatauhan kung iilan lang kayong babae ang nandito. Isipin mo Marie, mas madali nating maiaahon ang mundo kung gagamitin natin ang mga unggoy na iyon para rumami." Bukod sa aming mga tao ay natuklasan namin na maraming hayop din ang nakaligtas. Isa roon ang mga gorilla. Ayon sa pag-aaral, ang mga unggoy o gorilla ang species na may pinakamalapit na gene structure sa tao kaya nakaisip ako ng paraan upang mas mapabilis ang aking plano. Ayon kay Charles Darwin, lahat tayo ay nanggaling sa unggoy at naniniwala ako roon. At ngayong nasa bingit na nang pagkawala ang sangkatauhan ay magagamit ko sila upang kilalanin ang pangalan ko sa susunod na henerasyon.

"Greg, mga hayop pa rin sila. Tingin mo kapag ginawa natin iyon ibibigay nila sa atin ang mga bata?"

Napangisi ako. "Marie, ikaw na ang nagsabi, mga hayop sila. Mga makikitid ang utak at sa atin lang umaasa."

"Pero, Greg-" pinutol ko ang sasabihin niya.

"Wala nang pero pero. Itutuloy ko 'to at ang gagawin mo lang ay suportahan ako." Hindi na siya nagsalita at agad kong tinalikuran upang pumunta sa aking laboratoryo.

Ilang buwan pa ang lumipas, ginugol ko ang aking oras sa pag-eeksperimento. Gumawa ako ng kapsula kung saan inilagay ko sa loob ang sperm ng mga humigit kumulang na isandaang lalaking nakaligtas mula sa pagkagunaw ng mundo kasama na rin ng akin. Nagtataglay ang kapsula ng isang kemikal kung saan hindi basta-basta madaling mamamatay ang sperm cell at mananatili itong buhay at handa sa magiging fertilization na magaganap. Isa rin sa tinataglay ng kapsulang ito ang imbensyon kong gene dominator, ito ay isang pulbos na inihalo sa sperm ng lalaki kung saan magagawa nitong palakasin ang genes ng lalaki kaya walang dudang hindi magiging mukhang unggoy ang mga batang iluluwal ng mga gorilla na iyon.

Isang taon pa ang lumipas, pagkatapos ng masusing pag-aaral ay pumunta na kami sa isang templo sa isang bundok kung saan ay nakita namin ang kumpol ng mga gorilla na nananatiling mga buhay. Mas marami pa sila kaysa sa inaasahan ko.

Inilabas naming ang isang trak ng saging na dala namin. Ang mga saging na ito ay produkto ng genetic engineering. Gamit ang aking kaalaman sa bayolohiya, gumamit ako ng genetic engineering upang maparami ang mga saging na bihira na lang makita dahil sa pagkasira ng kalikasan. Ginamit ko ang proseso ng cloning upang maparami ang mga ito, ang cloning ang paraan upang makagawa ng nilalang o halaman na may mga kaparehong gene structure. Inilagay ko sa loob ng saging ang mga kapsula na aking inimbento. Kapag nakain ng mga babaeng unggoy ito ay siyam na buwan silang magbubuntis at pagkatapos ng siyam na buwan na iyon ay lahat ng bata ay kukunin namin mula sa kanila.

Sarap na sarap sila sa pagkain. Marahil ay talagang gutom na gutom ang mga ito dahil halos wala nang makuhang mga pagkain sa kagubatan.

"Nararamdaman ko na, Marie. Malapit nang magtagumpay ang plano ko."

"Kinakabahan pa rin talaga ako, Greg. Paano kung hindi nila ibigay 'yung mga bata? Hayop sila Greg pero hindi naman mawawala sa kanila ang pagkananay. Beterinaryo ako kaya alam ko 'yun."

"'Wag kang mag-alala, Mahal. May plano ako. Sinisigurado ko sa'yo magtatagumpay 'to. Isipin mo na lang nailigtas na natin ang sangkatauhan, makikilala pa tayong bayani ng mga susunod na henerasyon." Hindi pa rin siya ngumingiti kaya niyakap ko na lang siya. "Pag-aawayan pa ba natin 'to, Mahal?"

"Greg, hindi naman sa gano'n. Basta ang sabi ko sa'yo kahit mga hayop sila may nararamdaman din sila. Nakakaramdam sila ng sakit at kapag alam nilang naaagrabyado sila o ang mga mahal nila, nakahanda silang lumaban ng patayan para rito." Hindi ko na siya sinagot dahil alam ko hindi matatapos ang pagtatalo naming ito.

Ipinagpatuloy ko ang pag-oobserba. Araw-araw ay nagrarasyon kami sa kanila ng mga saging, nakalagay sa loob nito ang mga nutrisyon na kailangan ng mga bata para sa sinapupunan nila. Lumipas ang siyam na buwan at sabay na sabay nanganak ang mga babaeng unggoy. Kitang-kita ko mula sa monitor ng computer ko mula sa camerang nakasabit sa puno kung gaano katagumpay ang ginawa ko. Malulusog na mga taong bata ang iniluwal nila kaya hindi na ako nag-aksaya ng panahon pa.

Inihanda ko na agad ang mga armas na gagamitin para makuha ang mga bata. Alam ko hindi magiging madali ito. Tinipon ko ang lahat ng lalaki at isa-isang binigyan ng mga baril na may lamang tranquilizer.

"Kapag nanlaban, tirahin niyo niyan," utos ko sa kanila.

Naiwan ang lahat ng mga babae at kaming mga lalaki lang ang umakyat ng bundok. Pagsapit namin sa kinaroroonan ng mga gorilla ay hindi nga ako nagkamali. Hinang-hina pa silang lahat at karga-karga nila ang mga sanggol na ebidensya ng tagumpay ng aking pagsisikap. Hindi ko maiwasang mapangiti.

"Kunin na ang mga bata." Isa-isang lumapit ang mga kasama ko sa bawat babaeng gorilla at kinuha ang mga bata. Ang iba ay nanlalaban pero hindi sila umuubra dahil kapag nanlaban ay binabaril nila ito ng tranquilizer para sila ay lalo pang manghina at kumalma.

Halos nakuha na ang lahat at ako na ang kumuha sa huling bata, tiningnan ko nang mabuti ang bata at hindi maikakaila na ako ang ama ng batang ito. Ang nanay nito ay kasalukuyang natutulog at walang alam sa mga nangyayari. Mabilis ko itong kinuha pero pagsapit ko sa sasakyan na aming dala ay nakita ko ang mga kasama kong duguan na at wala nang mga buhay.

Nakalimutan ko, ang mga babae lang pala ang mahihina at hindi kasama doon ang mga lalaki. Humigpit ang hawak ko sa bata at niyakap ito sabay takbo papasok sa masukal na kagubatan.

Hinahabol nila ako. Marami silang mga gorilla na humahabol sa akin. Tinalon ko ang tangkay ng mga puno na nagkalat sa daan. Nagpadulas pailalim sa mga trosong nakaharang sa daan hanggang sa napatid ako sa parang bubong ng isang bahay at tuluyan nang nawalan ng balanse at patalikod na natumba sa matigas na lupa. Sinigurado ko kung ligtas ang bata pero bigla na lang may kumuha nito sa akin at kasunod no'n ay ang pagdaing ko sa sobrang sakit dahil sa kalmot na naramdaman ko sa aking mukha.

Ang mga gorilla, naabutan nila ako. Nakalabas ang mga matutulis nilang mga ngipin at halata ang galit sa kanilang mga mukha. Muli ay naramdaman ko na naman ang kalmot na halos pumunit sa aking katawan. Nagkalat na ang aking dugo sa paligid hanggang sa tumigil sila sa tangkang pagpatay sa akin.

Isang naghihinang gorilla ang dumating. Siya ang nanay ng bata, halata pa ang panghihina sa kanyang galaw. Kinuha niya mula sa isang lalaking gorilla ang bata. Malabo na ang paningin ko no'n pero nakita ko kung paano niyakap ng babae ang bata. Umiiyak ito at tumalikod upang bumalik kung saan sila nakatira.

Iyon na ang huli kong nakita hanggang sa pagpiyestahan na ng mga lalaking gorilla ang aking katawan.

Kung nakinig lang sana ako sa'yo, Mahal ko.

Incogni2 Fifth Strike: Game OverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon