"PAKASAL!" Napataas ang tinig ni Mrs. Ratilla sa sinabi ng anak na si Rico. At pagkuwa'y inilipat ang matalim nitong tingin sa nobya nitong si Nicole. Lumalim ang kunot ng noo. "Tatlong buwan pa lang kayong magkasintahan, di ba? Ano at pagpapakasal na kaagad iyang naisip ninyo?"
Nagyuko ng ulo ang dalaga sa disgusto ng tinig ng ina ng kasintahan. Akmang saságot at sabihing ideya ng anak nito ang madaliang pagpapakasal. Subalit nagbago ang isip dahil sa animosity na ipinakikita ng matandang babae. Kung sabagay, mula nang malaman nitong magkasintahan na sila ni Rico ay nararamdaman na niyang hindi kumporme sa kanya ang matandang babae bagaman hindi nito hantarang sinasabi iyon.
"Bakit naman kailangang patagalin pa namin ang pag-iisang dibdib, Mama?" si Rico na matapos tapunan ng sandaling tingin ang ina'y ibinalik kay Nicole ang tingin. Masuyong nginitian ito at pinisil ang mga kamay niya bilang assurance.
"Natural lamang na maghintay pa kayo ng ilang panahon, Rico," nasa tinig nito ang awtoidad. Tuloy ito sapaglalabas mula sa basket ng mga pinamalengke. "Dapat nakilalanin n'yo munang higit ang isa't isa bago kayo sumuong sa mas seryosong relasyon. Ano ang malay ninyo kung-"
"Anim na buwan akong nanuyo kay Nicky, Mama," putol nito sa sinasabi ng ina. "At tatlong buwan na kaming magkasintahan. Sa palagay ba ninyo'y hindi pa sapat ang siyam na buwan upang hindi namin makilala ang isa't isa?"
"Mahigit isang taong nanligaw sa akin ang ama mo, Rico, subalit-"
"Subalit naghiwalay pa rin kayo," muling putol ni Rico sa sinasabi ng ina. Nakita ni Nicky ang kapaitan at galit sa mga mata ng matandang babae sa sinabi ng anak. Gusto niyang sikuhin si Rico sa pagiging brutal nito pero tila ordinaryo na lang sa mag-ina ang ganoong pasaringan ng masakit na salita.
"Kaya hindi batayan ang matagal na pagkakilala upang maging matagumpay ang pagsasama ng dalawang tao, Mama. Nasa pagmamahalan nila iyon."
Napasinghot ng may iritasyon si Mrs. Ratilla. Isinara ang refigerator door nang may kalakasan. Kung hindi sa mga kamay ni Rico na nakahawak ng mahigpit sa mga kamay ni Nicky ay tila gusto nang tumalikod ng dalaga at lumabas sa bahay na iyon.
Si Mr. Ratilla ay nakipaghiwalay sa asawa noong nasa elementarya pa lamang si Rico. At ayon na rin sa kuwento ni Rico sa kanya'y may sariling pamilya na ang ama nito at wala na itong balita kung saan na naroroOn ang ama.
"Huwag mong intindihin ang Mama, honey," bulong ni Rico sakanya."Sa ayaw at sa gusto niya'y pakakasal tayo. Pag-uwi ng Daddy mo'y magsasabi na ako sa kanya."
Subalit bago pa makasagot ang dalaga'y muling nagsalita si Mrs. Ratilla. Siya ang kinakausap. "Bakit hindi mo sabihin diyan sa nobyo mo, Nicky, na hindi naman masama kung sa Junio kayo pakasal. That's four months from now. Bukod sa June bride ka'y makapaghahanda kayo nang husto." naroon ang pagmamando sa tinig nito.
"Mama.."
"Actually ay wala pa naman po kaming napag-uusapang takdang araw ng aming pagpapakasal, Ma'am," inagapan niya ang sasabihin ng nobyo. "Isa pa'y kailangan pa rin naming kausapin ang Daddy at-"
"Isa pa iyang ama mo," agap ng mtandang babae sa sinasabi niya, ang tinig ay marahan lang ng bahagya sa singhal. "Hindi ko maintindihan kungbakit hinahayaan kang naniniahang mag-isa sa paupahang bahay gayong ka-dalaga mong tao. At hayun, nagpapakasarap sa bagong asawa.."
"Mama, ano ba!" si Rico na tumaas na ang tinig na kahit si Nicky ay napapitlag. She was shocked by the mother's statement at gulat sa singhal ng anak sa ina.
Muling napasinghot ng may pagkaiita si Mrs. Ratilla bagaman tumigil na sa pagsasalita. Alam nito kung kailan hihinto. Iyon ay pag ganoong tumataas na ang boses ng anak. Humakbang patungo sa hagdan upang pumanhik sa itaas.
BINABASA MO ANG
My Love, My Hero: Mitch 1-2 (1999)
RomanceNakaplano ang pagpapakasal ni Nicole sa kasintahang si Rico. At kuntento siya sa relasyon niya sa kasintahan. Then out of the blue, dumating sa eksena ang pinsan ni Rico, si Mitch Salvatierra, a farmer. Namumula ang balat sa pagtatrabaho sa arawan...