SINIKAP niyang burahin sa isip ang tungkol kay Vince, maging ang tungkol kay Gio.
Itinuon niya ang lahat ng pansin sa paghahanap ng panibagong trabaho.
Pero bakit makulit ang alaala ni Vince? Mas makulit pa sa alaala ni Gio. Nagiging mahirap na sa kanya ang makatulog sa gabi. Para bang kahit saan siya pumaling, ang guwapong mukha nitong may nakakalokong ngiti sa mga labi ang kanyang nakikita.
Damn you, Vince! Patahimikin mo na ako!
HINDI pala ganoon kadaling maghanap ng bagong trabahong akma sa nalalaman mo at magiging convenient para sa iyo. Iyon ang nadiskubre ni Avon matapos maikot ang halos buong Metro Manila.
Magdadalawang-linggo na siyang naghahanap pero wala pa ring positibong resulta.
"May pumalit na sa puwesto mo, Avon," pagbabalita sa kanya ng dating kaopisinang si Mia sa government office na pinasukan niya. Tinawagan niya ito para alamin kung puwede pa siyang bumalik doon.
"Kahit hindi na ro'n sa dating department. Wala na bang opening?" tanong niya sa kausap sa telepono.
"Wala, eh. Alam mo naman ang buhay ngayon, Avon. Sa dami ng walang trabaho, kapag nagkaroon ng opening, sandali lang at mapupunan kaagad," sagot ni Mia.
Napabuntong-hininga siya.
"Eh, teka, ano ba'ng nangyari sa bago mong trabaho? Sabi mo, mas maganda ang magiging posisyon mo ro'n kaya ka nag-resign dito," ani Mia ulit.
"Huwag mo nang itanong. Nadidismaya lang akong lalo."
"Bakit nga?"
"Mia, trabaho ang kailangan ko."
"Wala ka bang nakita man lang sa ibang kompanya? 'Yang ganda mong 'yan, madali kang mapapasok. Diba sabi nga namin, puwede ka kahit artista? May direktor pa ngang nagbigay sa iyo ng calling card. Kung pinatulan mo 'yong offer na 'yon sa iyo na sumubok sa show business, de sana, ikaw ang nasa posisyon ni Ara Mina ngayon."
"Puwede ba, Mia, wala akong panahon sa mga gano'n? Matinong trabaho ang hanap ko kahit karaniwan lang ang suweldo. Meron akong nakitang mga open pero kung hindi receptionist sa karaoke bar ay saleslady sa shopping mall."
"Ang hirap pa naman ng walang trabaho ngayon."
"Sinabi mo pa. Alam mo namang breadwinner ako at may pinag-aaral pa. Mabuti na nga lang at hindi kami umuupa ng bahay."
"Hayaan mo, kapag nagkabakante rito, I'll let you know," pagbibigay-assurance ni Mia bago nila tinapos ang pag-uusap.
Malapit nang mapudpod ang suwelas ng sapatos ni Avon nang may magandang balitang ihatid si Shayne sa kanya.
"May nakapaskil na job opening diyan sa poste sa may sakayan ng tricycle, Ate."
"Anong trabaho raw?" interesadong tanong niya.
"Front desk officer sa isang hotel and resort. Kaya lang, sa Laguna pa. Kung interesado ka, tawagan mo. Heto ang number. Immediate employment daw. Malay mo, malaki ang suweldo."
Ora mismo ay tinawagan ni Avon ang numerong ibinigay ni Shayne. At maganda naman ang naging resulta.
"Pumunta ka rito sa opisina namin sa Makati para personal kang ma-interview, Miss Eusebio," sabi ng very accommodating na babaing nakausap niya.
Dali-dali siyang gumayak para magpunta sa address na ibinigay ng kausap niya sa telepono.
Anim silang aplikante nang araw na iyon. Pagkatapos ng kaunting interview, tinanggap siya sa trabaho.
"DOON ako mag-i-stay, 'Nay. Uuwi na lang ako rito twice a week. Kahit malayo, okay na rin dahil malaki ang suweldo. At maraming benefits. Mukhang mabait pa 'yong employer ko."
BINABASA MO ANG
PHR Man of My Dreams - The Passionate Devil
RomanceA Novel by Cora Clemente PHR "Ako, I'll give up everything just to make you mine." VINCE ZOBEL III-a gorgeous hunk of a millionaire at thirty-three. What he wants, he gets. Pero bakit hindi niya nagawang paamuhin si Avon-ang babaing kung tutuusi'y m...