Chapter 2

1.2K 35 6
                                    

LIHIM na ipinagpasalamat ni Avon ang pagdating ng isang pareha, na siyang umagaw sa atensiyon ni Vince.

"Excuse me, nandito na ang favorite cousin kong si Marc with his wife. Just enjoy yourselves. The buffet table is over there, Gio. Ikaw na ang bahala kay Avon," sabi ni Vince na may kasamang tapik sa balikat ng huli, at nag-iwan pa ng nakapapasong tingin sa dalaga.

Ibinilin siya ni Vince sa sarili niyang boyfriend? Bahagya iyong ikinataas ng kilay ni Avon. Natukso tuloy siyang sundan ng tingin ang lalaking tumalikod para salubungin ang mga bagong-dating na bisita.

Pagkuwa'y iginiya na siya ni Gio papunta sa isang table, ipinakilala sa mga kakilala nitong naroon.

"Sweetheart, this is Rico, the jetsetter," anito. "Naging classmate at kaibigan na siya ni Sir Vince since high school."

Nakuro ni Avon na kakilala na ni Gio pati ang circle of friends ni Vince. Iyon ba ang bunga ng pagdikit-dikit ng kanyang nobyo sa boss nito? Ang feeling ba nito,kasintaas at kauri na rin ito ni Vince Zobel? Ang ipinagtataka lang niya sa kanyang sarili ay kung

bakit parang may kung anong kapangyarihang nag-uutos sa kanya na sulyap-sulyapan si Vince sa kinaroroonan nito, gayong naiilang naman siya rito.

Sa obserbasyon naman niya'y hindi sinasadya ni Vince na tumawag ng pansin. May klase ng karisma at pang-akit itong nakakatuliro. Imposibleng hindi humatak ng atraksiyon ng sinumang babae.

Ito rin ang klase ng lalaking maging ang mga kapwa nito lalaki ay tiyak na magbibigay rito ng respeto at mataas na pagtingin. Sa kabilang banda ay tiyak na kaiinggitan.

His striking good looks and powerful personality are enough to drive every woman to insanity, sabi ng isip ni Avon habang walang-kurap na nakamasid kay Vince na nasa table na may kalayuan sa kinaroroonan niya.

Hindi ko naitanong kay Gio kung may girlfriend na si Vince Zobel. Pero nabanggit niya minsan sa akin na madalas itong may kasamang babae. Hmp. hindi nakapagtataka. Kung 'yong iba nga, kahit mukhang butete, basta mataba ang bulsa, maraming pumapatol. Ito pa kayang si Vince na mayaman na guwapo pa?

Bigla yata siyang naging interesado sa pagkatao ng lalaking nagsisilbing pinakamalaking impluwensiya ngayon kay Gio.

Habang nakasulyap siya kay Vince ay hindi niya inaaasahang lilingunin siya nito. Para bang alam na alam nito kung nasaan siya.

Gusto niyang mapahiya dahil nahuli siya ni Vince na nakatingin dito. Napigil niya ang paghinga nang ngumiti ito. Ngiting katulad ng mga mata nito'y makahulugan.

Napaso siya. Binawi niya ang tingin at itinuon ang pansin sa pagkain. Siya rin pala ang hindi makatatagal. Wala kasi siyang makausap. Si Gio ay mas abala sa pakikisalamuha sa kung sinu-sinong mga kakilala.

Pero mayamaya lang ay natukso siyang muli na mag- angat ng tingin. At nahuli niyang nakatutok pa rin ang paningin ni Vince sa kanya. Animo isang salamangkerong hinihipnotismo siya at gustong paamuin.

God! This man is really disturbing...

Muli siyang nagbawi ng tingin. Nangako sa sariling hinding-hindi na titingin kay Vince.

Gusto na niyang mainis kay Gio dahil hindi na ito bumalik sa table nila. Nasa table ito ng isang kasosyo raw ni Vince sa negosyo. Siguro, isa pa rin ito sa pinalalaparan ng papel ng nobyo niyang ambisyoso.

Marami ring bisitang babae sa house blessing na iyon ni Vince pero naaasiwa siyang makihalubilo sa mga ito. Pakiwari niya'y hindi niya kauri ang mga ito. Sa pananamit at pagsasalita pa lamang ay obvious na kabilang ang mga ito sa alta sociedad. Ang iba'y pamilyar sa kanya ang mukha dahil siguro nakikita niya sa mga society pages ng magazines at newspapers, o maging sa TV.

PHR Man of My Dreams - The Passionate DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon