V. Dekada Quarenta: Stars Fell on Azcarraga [Pagpapatuloy Pa Rin Naman]

790 31 30
                                    

V. Dekada Quarenta: Stars Fell on Azcarraga [Pagpapatuloy Pa Rin Naman]

"Naghapunan ka na ba?" tanong sa akin ni Rogelio. Magkahawak-kamay naming tinatahak ang kahabaan ng Quezon Boulevard. Marahil ay pasado alas seiz na noon. May kaunting kadiliman na sa paligid at nakasindi na rin ang ilaw ng mga posteng nakahilera sa daan.

"Hindi pa nga, eh." Kinikilig na naman ako dahil sa tono ng boses ni Rogelio; dinig na dinig ko ang bakas ng panlalambing nito. Hirap din akong makatingin nang diretso sa mgamata niya magmula yata ng panghuling pagyakap sa akin ng binatang kasama ko.

"Sige, Ako na ang bahala sa hapunan natin."

"Talaga?"

"Oo ba!" kumpyansang sagot ni Rogelio. Ngunit biglang nagsalubong ang mga kilay niya. "Kaso nga lang, Agatha, medyo nagigipit ako ngayon... Kaya't tuyo't kamatis na muna ang mai-hahain ko sa iyo."

"Walang kaso sa akin 'yon! Sige, tuyo't kamatis na lang ang i-ulam natin." Sinsero ang lahat ng sinabi ko. Natakam pa nga ako dahil sa binanggit ni Rogelio, eh.

Isang malutong ngunit mala-musikang halakhak ang ibinigay sa akin ni Rogelio. At isa na namang mariing kurot sa ilong ko. (Ano bang meron sa ilong ko at napapadalas na ang pagkurot niya dito?!)

"Ikaw naman. Binibiro lang kita."

Sinimangutan ko talaga ang binata. "Ano ba naman 'yan? Akala ko totoo na! Lalu tuloy akong nagutom."

Muling tumawa si Rogelio. "Hindi nga, biro lamang 'yon. Sa isang restawran sa Azcarraga, doon tayo maghahapunan. Ililibre na kita."

"Ganoon ba..." Imbes na matuwa, parang nadismaya pa ako. Yumuko ako at pinagmasdan ang daanan sa paglalakad namin. Napagtanto ko lang din ang tindi ng mga paglalambing sa akin ng binata simula nang muli kaming magkaharap kani-kanina lang. Dapat ay naninibago na talaga ako nito, ngunit nagiging komportable lang ako sa paglipas ng mga sandali.

"Oh, Agatha." Huminto kami sa paglalakad. Hinarap ako ni Rogelio saka hinawakan ang baba ko para iangat ang aking mukha. "Sige, sa susunod, magsasalo tayo na 'yon na ang uulamin natin. Para sa ikakaligaya ng puso mo."

"Kung kailan man ang susunod na 'yon." Nagpigil na ako ng sarili kong hagikgik.

Sa pagtungo namin sa kalye ng Azcarraga, nagpatuloy din ang usapan namin: ukol sa seguridad ng paglalakad namin sa ganoong oras. "Sa ngayon, wala pa namang gaanong mga sundalong Hapones na rumoronda dito, eh. Bihira pa lang. At saka 'yung mga pagpapasabog nila, hindi pa din umaabot dito, sa kabutihang palad. Magkagayun man, kasama mo naman ako. Poprotektahan kita kahit na ano ang mangyari."

"Hmmm. Talaga lang ah!"

"Oo! Ikaw pa, Agatha?"

Nalipat naman ang paksa sa pananalita ni Rogelio. "Ang tatas na ng pananagalog mo ngayon ah? May punto ko pa rin ng Kapampangan ngunit sadyang napakaayos na ng Tagalog mo," puna ko.

"Ito ba? Kinailangan ko nang matuto, eh. Hindi lamang dahil sa pagganap ko, kundi pati na rin sa tuluyang pagpirme ko dito sa siyudad mula nang mag-aral ako dito..."

Walang humpay ang naging usapan namin hanggang sa makarating na kami sa aming destinasyon. Sa restawrang 'yon, nakahanap din kami agad ng bakanteng mesa at umorder kaagad si Rogelio ng makakain.

Ilang minuto pa ang hinintay bago dumating ang hapunan namin. Sa aming paghihintay, nakapagmasid pa ako sa paligid. Malawak ang restawran. May ballroom ito sa gitna. Sa gilid ng ballroom na ito, nakahilera ang grupo ng mga musikerong tumutugtog din sa mga oras na 'yon. Mga chandelier ang nagbibigay ng liwanag at ng tila romantikong aura sa atmospera ng paligid. Marami-rami ang mga okupadong mesa ngunit puro nakakatanda na ang mga naririto sa restawran. May ilang naninigarilyo o nananabako─mabuti na lamang ay hindi kabilang si Rogelio sa iilang 'yon. Tuluy-tuloy din ang mga tunog ng pagtama ng mga kubyertos sa porselanang pinggan, o ng sabay na usapan at tawanan ng mga parokyano. Pakiramdam ko, mula sa mga kilos at gawi ng lahat ng mga naririto, hindi lubusang apektado ng digmaan ang kalagayan ng restawrang ito sa pagkakataong 'yon.

Ang Ligaya Ko'y Ikaw, RLdRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon