VII. Dekada Cincuenta: Dahil Sa Iyo, Ako'y Lumigaya

682 26 4
                                    

VII. Dekada Cincuenta: Dahil Sa Iyo, Ako'y Lumigaya

Oh, tabi-tabi lang diyan. Huwag ngang marurumi ang mga isip ninyo.

Walang Himala ng Birhen (sa Antipolo, 1947) na nangyari.

Este: walang ibang "kababalaghang" naganap sa pagitan namin ni Rogelio noong gabing 'yon. Kahit na ba, sa panahong 'yon, maituturing nang matinding "kababalaghan" ang matulog sa iisang higaan ang babae at lalaking hindi naman mag-asawa.

Basta, inuulit ko. Walang himalang naganap sa kabila ng mga posibilidad na mangyari ang mga hindi na dapat mangyari.

Sa kabila ng matinding pagka-antok ko, naalala ko pa rin ang huling pinag-usapan namin. Sigurado akong hindi panaginip 'yon; damang-dama ko ang yakap ni Rogelio.

"Agatha, gising ka pa, hindi ba?"

"Oo, kahit na nakaidlip na talaga ako." Pikit pa rin ang mga mata ko pero dama ko kasi ang bawat pag-ahon at pagpintig ng dibdib ni Rogelio. Ngayong naalala ko ang puntong 'yon, nasagi na naman ang kalooban ko noong kakaibang damdamin.

"May nais akong sabihin sa iyo," bulong niya. Ini-angat niya ang aking mukha para iharap sa kanya.

"Ano?" Napakurap ako nang ilang ulit. "Dalian mo, bago pa ako makatulog."

"Heto na." Hininaan pa niya ang kanyang boses; tiningnan niya ako nang diretso sa mga mata. "Iniibig kita nang husto, Agatha. Matagal na matagal na kitang iniibig. Kung alam mo lang. Ang akala ko nung umpisa'y lilipas din ang lahat ng ito. Ngunit lalu lang palang titindi sa paglipas ng panahon. Nag-uumapaw sa kaligayahan ang aking puso kapag nariyan ka na, samantalang lubus-lubos ang pangungulila ko sa mga panahong wala ka na sa aking paningin."

Pakiramdam ko, parang nasa pelikula lang kami─ako ang leading lady, at siya ang leading man. Subalit, hindi scripted ang mga eksena. Ows.

"Sinubukan kong limutin ka, ngunit nabigo pa rin ako. Saka ko na lang napagtantong napakatindi na pala talaga ng pag-ibig na nadarama ko para sa iyo."

Dahil sa kanyang pananalita at tingin, panandalian akong nilisan ng kagustuhang tumuloy sa pagtulog.

"Talaga?" Madaling dumaloy ang aking mga luha.

"Oo. Totoo ang lahat ng 'yon. Pagkatapos ng labing-pitong taon, nananatiling totoo at wagas ang damdamin kong ito." Muli niya akong ginawaran ng halik sa noo. Pinunasan din niya ang mga luha ko, saka paulit-ulit niyang idinampit ang mga labi niya sa dinaluyan ng mga luhang 'yon.

Wala nang umimik pa. Naging sapat na ang mga kilos namin para magkaintindihan kami. Nakakulong sa kanya-kanyang mga bisig, parehas na kaming nakahambing. Nakasandig pa rin ako sa kanyang dibdib; nakasandal ang kanyang ulo sa akin.

Ako ang naunang nagising.  Maingat akong kumalas sa pagkakayakap niya at mula sa kanya. Kahit na mahirap siyang isaayos, ginawa ko pa rin 'yon nang sa ganoon ay huwag siyang makadama ng pangangawit sa paggising niya.

Pinatay ko na ang ilaw na naiwang nakasindi buong magdamag. Pagkatapos, sumilip ako sa bintana. Halos hindi pa sumisikat ang araw, bagaman nagliliwanag na ang mga kalangitan. May hatid na lamig ang simoy ng hangin, dulot ng hamog at ng bakas ng magdamagang pag-ulan. Hinayaan ko nang nakabukas ang bintana upang pumasok ang ihip na 'yon.

Umupo na akong muli sa gilid ng papag, sa tabi ng nahihimbing pa ring si Rogelio. Pinagmasdan kong maigi ang napakagandang mukha ng binata. Napahaplos ako dito...

Sa pang-ilang beses, masasabi ko na namang hindi ako lubusang makapaniwala sa mga nangyari. Sa kung anu mang paraan, naganap ang mga bagay na malayong maganap sa realidad, at siya namang dinaranas ko ang mga ito. Ayoko nang problemahin pa kung saan nagmula ang mga detalyeng inilahad ko sa binata. Wala rin akong intensyong intindihin ang biglaang pagbilis ng mga kaganapan at ang pagkapadpad ko sa samu't saring mga dekada.

Kakaiba talaga... Kahindik-hindik... Imposible, sa isang banda.

Kaya lang, habang dinarama ng aking mga daliri ang kaunting init ng balat ni Rogelio, saka ang banayad na pintig ng pulso sa sentido niya, nakumbinse akong tunay na tunay ngang nagaganap ang mga pangyayaring 'yon.

'Yon ang nakaraan. Ngunit naroon ako, kaya 'yon ang nagsilbing kasalukuyan ko.Sa puntong 'yon, malayo sa kalooban at kaisipan ko ang pagnanais na makabalik pa sa totoong kasalukuyan: ang panahon ko. Ayoko din munang isipin kung makakabalik pa ba ako, at kung mangyari man 'yon ay sa paanong paraan.

Napalawig ang pagninilay ko. Ang tanging pangarap ko lamang ay makaharap si Rogelio, sa kabila ng humihiyaw na katotohanang wala na siya sa mundong ibabaw ─kaya nga nangangarap na lang! Pagkatapos, ngayong nakaharap ko na siya, nagtapat pa siya ng wagas na pag-ibig para sa akin.

Eh, kung manatili na lang kaya ako sa panahong ito?

Pupwede kayang mangyari 'yon?

Para makapagsama na kami ni Rogelio...

Hinalikan ko ang pisngi ng natutulog pa ring binata. Nangilid ang aking mga luha nang muli kong pinagmasdan ang kanyang mukha... Nakakalungkot. Walang sapat na dahilan para manatili ako sa panahong ito at baguhin ang mga nangyari na dati. Alam koong sa kaibuturan ng puso ko, kakailanganin ko pa ring bumalik sa totong kapanahunan ko, sa kung anu mang paraan.

Para bang lumakas na rin ang pakiramdam kong napipinto na ang pagbabalik kong 'yon.

Naalimpungatan yata ang binata. Nagmulat ito ng mga mata, tahimik na pinagmasdan akong nasa harapan niya.

"Agatha." Inilahad niya ang kanyang mga bisig. Humilig naman ako upang magpakulong sa mga ito. Ginantihan ko din ang yakap niya matapos kong balikan ang aking puwesto. Bago siya muling makatulog, nagawa pa niyang halikan ako sa bumbunan, samyuin ang aking buhok, at hagud-hagurin ang likod ko na tila pinapalubag ang kalooban ko.

Doon ko lang napagtantong ganap na bumagsak ang mga luha ko. Pinabayaan ko lang ang pagpatak  ng mga ito sa dibdib ni Rogelio.

"Mahal na mahal din kita, Rogelio." 'Yon  na lamang ang nai-usal ko.

Batid kong paminsan-minsan, sinasakop pa rin ako ng identity crisis, o kung anu man ang mas wastong tawag para sa mga kawirduhang pinagdaraanan ko.

PERO...

Nakakasigurado akong ang sinabi ko lamang─na mahal na mahal ko siya─ay bukal na bukal mula sa puso't balun-balunan ko. Sadyang tunay ang mga katagang 'yon, maging ang mga damdaming karugtong noon; walang kinalaman ang identity crisis; labas sa usapan ang may-saping Agatha. Isa ito sa mga bilang na pagkakataong siguradung-sigurado ako sa takbo ng damdamin ko, na 'yon talaga ang saloobin ko.

Sa tahimik na pagluha ko, ako'y nakatulog na naman.

"Mararamdaman mo na 'yung oras kapag babalik ka na..."

(Itutuloy.)

Ang Ligaya Ko'y Ikaw, RLdRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon