Kabanata 6

41 3 26
                                    

IV: Kaibigang Oso

MALALIM na ang pag-iisip ni Lily nang marinig niya ang mahihinang ungot na tila ba nahihirapan at nasasaktan at naririnig niya rin ang biglaang pag-angil. Napakunot-noo siya nang mapadpad ang paningin sa isang malaking kahoy na may pintuan sa mismong katawan nito. Napapalibutan ito ng mga lambanang nagliliparan.

Alam niyang doon ito nanggagaling. Tumayo siya at pinagpagan ang sarili. Bumaba siya ng hagdan at tumungo sa nasabing kahoy.

Kumatok siya ng tatlong beses, "Tao po? Ayos ka lang po diyan? B-baka ano na po ang nangyari sa inyo?" Nag-aalala na siya. Kakatok pa sana siya nang biglang bumukas ang pintuan. "Ay, hindi pala tao."

"Ano?" Naiinis na bungad ng oso.

"Ah- ikaw pala. Ay! Nangako ako sa'yo na gagamutin ko iyan. May mga gamot ka ba diyan?" Pag-uusisa pa ni Lily. Napansin niya na bumuntong-hininga ang oso at di kalaunay sinenyasan na siyang pumasok.

"Nasa gawing kusina ang mga gamot," Masungit na saad ng oso, "Hindi ko kayang kumuha ng mga bote dahil sa mga kamay kong malalaki. Mahuhulog lamang at mababasag."

Napatango-tango ang dalaga, inilibot niya ang kaniyang paningin sa kabuuan ng kaniyang bahay. May nakalambitin na hagdan na papuntang kwarto nito. May mga lamparang nakasabit na nagsisilbing ilaw. Sa pangkalahatan ay masyadong simple lamang ang tahanan ng oso. Pero ang napansin lamang niya ay wala ni isang salamin.

Napakibit-balikat na lamang siya at agad na tinungo ang kusina. Agad niyang nakita ang mga bote na may lamang mga ugat at mga dahon. Kinuha niya ang mga iyon at naghanap ng bagay na pwedeng makapatanggal sa tinik.

"Nandito lang pala ang bahay mo, akala ko wala kayong bahay. Nga pala, ano ang iyong ngalan?" Pagdadaldal pa niya sa nahihirapang oso. Pagkatapos ay inalapag na sa mesa ang dalawang bote at isang bagay na pang-ipit.

"Ako si Restituto Fruto." Ikling tugon ng oso.

Natigilan si Lily sa pagbubukas ng bote at napatitig sa dambuhala, "Ano?" Nanginginig ang kaniyang labi.

"Restituto Fruto ang aking pangal---" Hindi natuloy ng oso ang sasabihin nang humagalpak sa tawa ang dalaga sa kaniyang harapan. "Bakit?"

"Tae, ang lakas ng amats ni Dimasilaw. Wala na ba siyang magawang matino sa mga karakter sa librong 'to? Hanep!" Ani Lily na tumatawa pa rin na parang wala ng bukas.

Bakas sa mukha ng oso ang pagtataka, "Sino si Dimasilaw?"

"Siya lang naman ang may akda nitong librong 'to-- itong mundong kinagagalawan niyo. Kung hindi Kapitan Tuna, may Maryang Bulaklak, and worst, Restituto, amputek!" Natatawa pa ring saad ng dalaga. Halos mawalan na siya ng lakas dahil sa sakit ng tiyan sa kakatawa.

Napakamot sa batok si Restituto at tumahimik na lamang. Hindi niya maarok ang pinagsasabi ng dalaga.

"Anyway," Pakli ni Lily sabay ayos ng pagkakaupo. Kinakagat niya ang dila para hindi na siya muling matawa, "tatawagin na lamang kitang Tutti Fruti." Tapos humagik-ik pa siya.

"Tutti Fru- ano?"

"Tutti Fruti, huwag ka nang magtanong. Basta 'yan na." Nakangiting saad ng dalaga, "Akin na nga ang paa mo, ang anghit niyo talagang mga oso, dapat ay maligo kayo eh."

The Tale Of MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon