Kabanata 12

68 3 23
                                    

XII: Lungga ng mga Palaka

"INUMIN mo itong tsaa, binibini." Saad ni Kapitan Moro-moro sa dalaga. "Alam kong may mga katanungan na pumapaloob ngayon sa iyong isipan." Dagdag niya pa sabay abot ng tasang gawa sa kabibe.

Napahinga nang malalim si Lily at tinanggap ang tasa, "S-salamat." pero nakatulala pa rin siya dahil hindi niya maarok ang nakita. Paano nakapunta ang kaluluwa ng kaniyang ina sa mundong ito?

Nangulila siya nang lubos sa ina, ngayong nakita niya ito ay hindi niya magawang hawakan o yakapin. Hindi takot ang nanaig sa kaniya kundi lungkot.

"Maiwan ko muna kayo ni Lauro, kailangan kong ayusin ang timon." Ani Kapitan pagkatapos ay naglakad na ito sa patutunguhan.

Naging tahimik ang pagitan ni Lauro at ng dalaga. Tanging tunog lamang ng mga yapak ng mga bahurang abala sa paghahanap ng mga nawalang parte sa kanilang katawan ang naririnig.

Hinigop ni Lily ang tsaa at napakunot ang kaniyang noo sa nalasahang pait, "Pasensya na kung wala ako sa kalooban ngayon. Nais ko sanang mapag-isa, Lauro." Ngunit napansin niyang hindi man lang tumugon ng binata at nanatili itong nakasandal sa pader ng barko habang nilalaro ang mga daliri. Napahinga siya muli nang malalim at hinayaan na lamang ito na samahan siya.

"Malapit na tayo sa isla!" Sigaw ni Kapitan Moro-moro, "At hindi ko na wari kung ano ang mayroon dahil ngayon lamang ako nagawi sa islang ito." Dagdag niya pa.

"Huh?! I thought you already know na? Akala namin alam mo ang lugar na 'to dahil nagawa nating makapunta rito?" Naguguluhang tanong ni Mara.

Ngumisi ang Kapitan, "Oo nga't nakapunta na ako, pero hanggang sa baybayin lamang ako, binibini."

"Bakit naman?"

"Dahil ayaw ko lang," Sabay tawa ni Kapitan Moro-moro.

Napairap na lamang si Mara at pinagmasdan na lamang ang isla na nababalutan ng itim na mga kakahuyan. Napangiwi siya, "Bakit hindi ko nakikita ang tore?"

"Hindi ko alam, tanong ka nang tanong, binibini. Kapag nakapasok tayo riyan ay malalaman na natin." Sagot pa ng Kapitan.

Napaismid ang dalagita at nilapitan na lamang ang mga kapwa lambana.

Samantala, si Lauro naman ay hindi mapigilang tumayo at tunghayan ang naiibang isla. Humawi sa kaniyang buhok ang hangin na parang may pinahihiwatig. "Binibini, tingnan mo ang isla." Sabay lahad ng kaniyan palad kay Lily.

Ang dalaga naman ay napatitig sa kamay ni Lauro pero kalauna'y kaniya itong tinanggap at tumayo upang makita ang sinasabi nito. "Itim na isla?"

"Siyang tunay, nakakatakot mapunta riyan. Parang may nagbabadyang panganib." Ani Lauro. "Pasensya na kung may mga kaganapan akong nakakaligtaan. Minsan kasi nagiging blangko ang aking isipan."

Napasulyap si Lily sa binata, "Nandito naman ako para ipaintindi sa iyo ang lahat." Tapos ay hinawakan niya ang kwintas na may orasa sa kaniyang leeg at pinagmasdan at napansing nangangalahati na ang buhangin na nasa itaas na bahagi. "Nawa'y gumaling ka, kaya natin 'to."

Napangiti ang binata sa narinig.

NANG makababa na silang lahat maliban sa mga bahura ay tumambad sa kanila ang mga puno at halamang may maiitim na mga dahon at bulaklak.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 04 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

The Tale Of MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon