Kabanata 8

37 4 30
                                    

VIII: Bugtong bugtong

"KAKAIBANG bisita, bakit ka naparito?" Tanong ni Eulalia, pagkatapos ay tumayo na siya at bumaba sa trono.

Tumikhim muna ang hindi nakikitang bisita, gamit ang magaspang na boses ay nagsalita ito, "Nais ko sanang magpagawa ng sapatos kay Ginoong Lauro."

Napatawa nang matinis ang reyna, "Paano ka niya susukatan? Susukat siya sa hangin?"

"Maaring ang suot kong bota ang kukunan niya ng sukat. Dati pa man ay sa kaniya na ako nagpapagawa. Marahil ay nalimutan mo na ako, Ginoong Lauro, ika'y tanyag." Wika pa nito, "Ako si Epifanio." Pagpapakilala niya pa.

"Bueno, Epifanio, sa susunod na araw na-"

"Susukatan kita ngayon, kilala kita." Singit ni Lauro.

Sumingkit ang mata ni Eulalia at padabog na umakyat muli sa trono at umupo, doon siya'y napasalong-baba sa inis. Minsan ay hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit parang nagiging tuta siya sa presensya ni Lauro.

"Halika, itutungo kita sa aking silid." Saad ng binata. Napansin niyang gumalaw ang sombrero na senyales na tumango ito.

Nang makarating sila sa nasabing silid ay agad na tinarangkahan ni Lauro ang pintuan, "Pasensya na Ginoong Epifanio, h-hindi po talaga kita kilala pero gusto ko na talagang kumawala kay Eulalia. Ayaw ko po talaga sa kan---"

"Lauro!" Biglang lumabas si Hugo mula sa loob ng bota.

Natuod ang binata sa nakita. Lumabas din ang dalawang lambana sa kaliwang bota, ang isa'y lumabas sa sombrerong lumulutang.

"Kailangan na makapunta na tayo agad sa himpilan ni Hebreo, bago pa man maubos ang oras at mabalutan ng dilim ang buong Maharuyo!" Saad ni Grasya, bakas sa kaniyang boses ang pag-aalala.

"Bakit? Ano ang meron kay Hebreo?" Nagtatakang katanungan ni Lauro.

Napailing si Mara, "Talaga naman o! Malala pala talaga ang pagkakasampak ng sumpa sa katauhan niya. Hay!"

"Sino nga si Hebreo?!"

"Iyong ama!" Sabay na saad nilang apat.

"A-akala ko'y kaibigan lang siya ni Restituto na kailangan din ng tulong?" Naguguluhan na sambit ni Lauro, nanginginig ang kaniyang mga kamay at nagsisimula ng bumakat ang mga ugat na kulay asul sa kaniyang mukha.

"Lauro! Ikalma mo ang sarili, kailangan na makaalis tayo rito!" Saad ni Hugo, agad siyang lumundag patungo sa balikat ng kaibigan. "Tutulungan ka namin, nawa'y tulungan mo rin ang iyong sarili."

"SENYORITA! Ang dalaga ay nawawala!" Kinakabahang saad ni Sebyong, tagaktak ang pawis sa kaniyang noo at alam na alam niyang magwawala na naman si Eulalia.

"Ano?! Punyeta! Isa kang hangal! Paanong hindi mo nabantayan?!" Singhal ni Eulalia pagkatapos ay dali-daling bumaba sa trono, "Mga kawal! Tingnan ninyo si Lauro sa silid!"

"Masusunod po, senyorita."

"Ako'y naghahanda lamang ng aking kagamitan para sa gagawing pag---"

"Ayaw kong marinig ang iyong mga rason! Istupido ka! Walang kwenta!" Nanggagalaiting wika ni Eulalia.

"Wala na rin po si Lauro sa kaniyang silid, senyorita. Pati na ang kakaibang bisita ay wala na rin." Nababahalang saad ng oso nang makabalik na.

Umusok ang ilong ng reyna, "Sundan sila!" Sigaw niya nang malakas, "Huwag hayaan na makalabas sa ating balwarte!"

Agad naman na kumaripas palabas ang hukbo ng mga oso pati na rin si Sebyong.

Hindi rin matiis ni Eulalia na sundan sila.

The Tale Of MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon