Kasalukuyang abala ako ngayon sa pag-aayos ng aking mga gamit dahil sa nalalapit na paglipat ko. Nakahanap na ako ng bahay malapit sa aking boutique, hindi man iyon kalakihan katulad nitong bahay dapat namin ni Mazer ay ayos lang tutal tatlo lang naman kami at hindi ko naman kailangan ng masyadong malaking bahay.
Napahinto ako nang makita ko ang picture ko na nasa bahay ni Mazer. Nasa tabing dagat kami noon at siya mismo ang kumuha noon. Kinuha ko ito at pinasadahan ng aking palad ang malaking portrait ko. Ngumiti ako nang mapait at malakas na bumuntong hininga.
Inilagay ko na lamang ito sa aking walk-in closet at iiwan na lamang ito. Wala akong balak dalhing gamit na magpapaalala sa aming dalawa ni Mazer. Ang kuwento namin ay tapos na at ayoko nang balikan pa ang mga sakit na idinulot nito sa akin. Pero kahit na anong pilit kong kalimutan siya ay sadyang nakatatak na talaga ang pangalan niya rito sa aking puso. Masakit man pero kailangan kong tanggapin na hindi kami para sa isa't-isa.
Maya-maya pa ay pumasok sa kuwarto ko si Rhodora at may dalang dalawang box at inilapag nito sa sahig. Lumapit siya sa akin at inabot ang susi ng bodega.
"Ate Kristine kinuha ko na rin po ang mga 'yan sa bodega kasi sayang naman po eh, iyong iba po d'yan mga gamit pa ni kuya Mazer," malungkot niyang wika sa akin.
Tiningnan ko naman ang dalawang box at 'di kalauna'y binuksan ang mga ito. Tumambad kaagad sa akin ang isang kahon ng sapatos at naalala ko na iyon ang kauna-unahang sapatos na niregalo ko sa kan'ya noong maging magkasintahan na kami.
Niregalo ko sa kan'ya ito noong first monthsarry namin dahil mahilig siyang mag basketball kapag wala siyang pasok sa kaniyang opisina. Kinuha ko ito at binuksan at namangha dahil parang bago pa ito kahit na apat na taon na ito sa kan'ya.
Masyado kasi siyang masinop sa mga gamit niya at isa pa ayaw na ayaw niya ang pakalat-kalat kung saan ang mga gamit niya kaya kahit na luma na ang mga 'yon ay mukha pa ring bago dahil maingat siya sa mga gamit niya. Hindi ko naman namalayang may tumulong luha na pala sa aking pisngi at kaagad ko naman itong pinunasan at binalik ang sapatos sa kahon.
"Itapon mo na ang lahat ng 'yan," utos ko kay Rhodora.
"P-po? Pero ate__"
"Please Rhodora ayoko nang makakakita kahit na isang gamit ni Mazer," pakiusap ko sa kaniya.
"Sige po ate ilalabas ko na po ulit ito." Muli niyang inilabas ang box sa kuwarto at ako nama'y napaupo sa dulo ng aking kama at pabagsak na nahiga.
Pumikit ako sandali at saka muling nagmulat at nakatingin lang sa kisame. Naaalala ko pa kung paano namin planuhin ang lahat magmula sa aming kasal pag-uwi niya galing ibang bansa at sa pagkakaroon ng sariling pamilya. Sabik na sabik siya noon na magkaroon na ng anak at handa ko namang ibigay sa kaniya 'yon kahit na ilan pa ang gusto niya.
Pero sadyang mapaglaro ang tadhana, ibang babae naman ang nagbigay sa kaniya ng anak at masaya na siya sa kung anong buhay meron siya. Siguro kung dumating man ang araw na makakaalala na siya ay mas pipiliin pa rin niya si Jillian kaysa sa akin dahil sa may anak na sila.
"I always love you Mazer pero hanggang dito na lang tayo," wika ko sa aking sarili.
At nang matapos na kami sa pag-aayos ay naupo muna ako sa sofa at isinandal ko ang aking likod. Marahan ko namang hinilot ang aking batok dahil sa pagod at sa susunod na araw ay puwede na kaming lumipat.
Nilibot ko naman ng aking paningin ang kabuuan ng bahay. Malungkot ko itong tiningnan dahil halos dalawang taon din akong nanatili rito at umaasa na babalik sa piling ko si Mazer. Pero kabaligtaran lang pala ito ng lahat. Nagbalik nga siya pero walang maalala kahit isa at mayroon na ring pamilya.
BINABASA MO ANG
My Last Love (Mazer & Kristine)
RomanceREAD AT YOUR OWN RISK!!! Mazer Brilliantes is the hot CEO of Global Corporation na minana niya sa kaniyang ama matapos itong mamatay sa isang aksidente. Mahigit tatlong taon ang naging relasyon nila ng girlfriend niyang si Kristine Veinezz na isang...