"Pinapalaya na kita," sambit ko habang nakatingin kaming dalawa sa mga bituwin.
"Ha?" tanong niya.
"Pinapalaya na kita," Pag-uulit ko
"Bakit?"
"Alam ko naman, e,"
"Ha? Alin? Alam mong ano?" nagtatakang tanong niya.
"Alam kong siya pa rin," sabi ko at pilit na ngumiti. "Alam kong mahal mo pa rin siya. Na hindi nagbago yun kahit ako na ang kasama mo." dugtong ko.
"Anong sinasabi mo?" tanong niya.
"Kahit hindi mo sabihin, alam ko. Ramdam ko."
Sandali siyang natahimik. "Sinubukan ko naman talaga, e," sambit niya na tuluyang nakapagpatulo ng luha ko.
"Bitawan mo na siya, matagal ka na niyang binitawan, e," sambit ko at tinignan lang niya ako. "Kung hindi naman, ako nalang ang bitawan mo."
"Hindi ko kaya," ani niya at tuluyan na ring bumuhos ang mga luha niya.
"Nandito lang naman ako, e. Kailangan mo man ako o hindi, nandito pa rin ako." sabi ko.
"Alam ko...alam ko."
"Bakit hindi mo siya kalimutan?"
"Kasi mahal na mahal ko siya."
Hindi ko mapigilan tumawa ng mapait, "Ang sakit pala talaga," sambit ko habang unti-unting napupunit ang puso ko. "Kaya nga pinapalaya na kita. Alam ko namang nag i-stay ka na lang kasi mahal kita. Ayaw ko nang pahirapan ka pa kaya papalayain na kita." sambit ko.
"Ikaw nalang yung meron ako, iiwan mo pa ako." aniya
"Kapag hindi ko gagawin 'to, ako yung maiiwan."
"Ikaw nalang yung hinuhugutan ko ng lakas,"
"Pero yung hinuhugutan mo ng lakas, hinang-hina na. Nauubos na."
"Ikaw nalang kinakapitan ko. Huwag mo naman akong iwan." pagmamakaawa niya.
"Pero unti-unti na akong bumabagsak. Unti-unti na akong nasisira." sambit ko.
"Kaylangan kita."
"'Yun nga yung masakit, e, kaylangan mo lang ako." ani ko at nginitian siya ng mapait.
"Mahal kita," ani niya
Umiling ako. "Sinasabi mo lang yan kasi yan yung iniisip mo, pero hindi yan yung nararamdaman mo. Natatakot ka lang sa idea na mag-isa ka pag nawala ako kaya pinipilit mong sabihin sa sarili mo na mahal mo ako. Pero hindi. Minahal lang talaga kita ng sobra kaya akala mo, mahal mo rin ako. Pero ang totoo, naooverwhelm ka lang sa pagmamahal na ibinibigay ko."
"Mahal kita. Huwag mo namang kwestyunin yung pagmamahal ko para sayo. Pwedeng kulang yung pagmamahal na naibibigay ko sa'yo pero mahal kita, maniwala ka naman."
"Pero hindi buo yung pagmamahal mo saakin. Kasi kung ako lang talaga yung mahal mo, hindi tayo magkakaganito." ani ko.
"Please, 'wag mo akong iwan." pagmamakaawa niya.
"Balikan mo nalang ako kapag nakalimutan mo na siya at sigurado ka na saakin." sabi ko at tumayo mula sa pagkakaupo ko sa damuhan.
"Mahal kita. Mahal na mahal. Pero pahinga muna, ubos na ubos na ako, e " sambit ko at nagsimula nang lumakad palayo.