PERSONA SA LIKOD NITONG MASKARA

54 1 0
                                    

Ang bilanggo ng kamunduhan 

Hayaan mong isuot ko ang aking maskara
Na magkukubli sa tunay na nadarama
Huwag na huwag ka lang tititig saking mga mata
'Di ko nais na ika'y may matuklasan pa

Haharapin ang mundo ng may tuwa
Bawat makasalubong, ngingitian kahit 'di kilala
Sa kanila'y aking ipapakita
Na ako ay isang, bilanggong malaya

Katulad ng batang naglalaro sa parang
Ako rin ay hahanap ng mapaglilibangan
Aaliwin ang sarili kasama ng mga kaibigan
Magsasaya nang 'di inaalala ang kinabukasan

Oras ay gugugulin
Mga gusto ay aatupagin
Walang hindi pipiliin
Aking susubukin kahit bago sa paningin

Tulad ng ibong malayang lumilipad
Ako rin ay kung saan-saan napapadpad
Ang mga taong nakasalamuha sa bawat mga lakad
Ay siya ring nagpabago sa mga bagay na aking hangad

Mga likidong dati ko lamang tinitignan
Kahit mapait ay 'di na maiwasang tikman
Unti-unting nilalason ang aking isipan
Tila nag-uudyok na 'wag ko siyang bibitawan

Mga usok na pinaglalaruan ang aking mga mata
Kasabay nang pagbuga ay hugis na malilikha
Tila ba sinasabing kung kaya mo'y sumubok na
Huwag mag-alinlangan, 'di mo ito ikasasama

Dumating sa puntong ang mali ay nagiging tama na
Paggamit ng bawal na gamot ay akin pang kinatutuwa
Sa tambayan ay mamamalagi na muna
Ang sandali ay aabutin pa ng umaga

Lalakad na parang nasa buwan sa madilim na gabi
Tila ba lahat ng problema ko ay napawi
Sa pamamagitan ng makamundong gawi
Hayaan mo, at bukas na lang muli

Bukas na lang muli kung aabutin ko pa
Sapagkat ngayon ako'y nakapagpasya na
Huhubarin ko na ang aking maskara
Kasunod nito ang paghinto ng aking paghinga



10/23/2023
-AloraAyarih

Punto de Vista ng May-akda (A Collection of Poems and Poetry)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon