LIHIM SA ISANG LIHAM

43 1 0
                                    

May napulot akong isang sulat
Nakapaloob ang katotohanang kailanma'y 'di ipinagtapat
Kaya huwag ko raw ipagkakalat
Ang sikretong ikinubli niya sa lahat

Nagsimula sa isang mahabang pasilyo
Habang siya'y naglalakad nang nakayuko
Ni hindi maitaas ang tingin sa ibang tao
Repleksyon ng takot sa kanyang mata'y namumuo

Hanggang makulong sa apat na sulok nitong kwarto
At naging tampulan ng panunukso
Kesyo ba't daw siya naririto?
Sa isang paaralang prestihiyoso

Masasamang tingin sa kanya'y pinupukol
Ngunit siya'y 'di kailanman pumatol
Ni hindi rin siya nagmaktol
Sa halip ipinaubaya ang lahat sa nararapat humatol

Sa isang tanong na siya lang tanging nakasagot
Tila nagbago ang ihip ng hangin na masalimuot
Biglang dumami ang sa kanya'y nakapalibot
Dulot nito'y labis na sayang sa kanya'y bumabalot

"Gusto rin nila ako", mga katagang paulit-ulit sinasambit
Nang isang pusong walang bahid ng hinanakit
Mga kamag-aral ay kusa nang lumalapit
At hindi naghihintay ng anumang kapalit

Hindi nga ba?

Sapagkat kilos nila'y taliwas ang pahiwatig
"Nagawa mo na ba ang takdang aralin"
"May sagot ka ba sa ganito? ganyan?  "
"Pakopya naman ", ilan sa mga tinig na maririnig

Ang mga ito'y 'di niya alintana
Ang mahalaga ay may kaibigan na siya
Sa araw-araw ay may makakasama
Mapasaan man, kahit saan mapunta

Araw ay mabilis na dumaraan 
Tinuring niyang mga kaibigan ay nababawasan
Unti-unti niya na ring natutuklasan
Ang totoo sa nais lamang paniwalaan ng kanyang isipan

Umuwi ng bahay ng may dinaramdam
'Di alintana ang lakas nang buhos ng ulan
Patuloy sa paghakbang kahit nahihirapan
'Di iniinda ang sakit na nararamdaman

Luha'y kusang tumutulo habang nagbabasa
Ngingiti't tatawa, ako'y nababaliw na
Ang nakaraang ayaw nang balikan pa
Hawak na pirasong papel ang nagpapaalala

Ako'y isang bula mula noon hanggang ngayon
Parang wala at tila 'di nakikita
Sa kumpol-kumpol na tao'y presensya ko'y wala
Anupa't ngayong ako'y tuluyan nang nawala




12/18/2023
-AloraAyarih


Punto de Vista ng May-akda (A Collection of Poems and Poetry)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon