Naglilinis ako ng kwarto ni Mama nang may mapansin akong notebook sa ilalim ng kabinet niya. Yumuko ako at inabot ito.
Napakatagal na siguro ng notebook na ito. Punit punit na ang harapang bahagi nito at natatanggal na rin sa pagkaayos ang mga pahina.
Binuklat ko ito. May nakita akong nakasulat sa unang pahina at dahil pakialamera ako ay binasa ko ang mga nakasulat dito.
Minamahal kong Isabela,
Nais kong sabihin ito sa'yo nang harap-harapan ngunit tila ba'y hindi na ako makakalapit pang muli sa iyo dahil sa t'wing napapagawi ako dyaan ay agad naman akong pinapaalis ng iyong ama kung kaya't idadaan ko na lang sa isang liham ang nais kong sabihin sa iyo. Nawa'y mapatawad mo ako sa aking nagawa. Hindi ko talaga nais na ika'y iwanan,nabigla lang talaga ako noong sinabi mong nagdadalang tao ka. Inaamin ko na hindi pa talaga akong handa noong sinabi mo 'yon ngunit binalikan kita matapos kong mapagtanto na kailangan kong panagutan ang bata na nasa iyong sinasapupunan ngunit walang ikaw, wala ka na sa bahay na ating tinitirhan. Ang sabi-sabi ay bumalik ka na raw sa iyong mga magulang, sinubukan kitang sundan,sinubukan kitang kausapin ngunit ang iyong ama ang parati kong nakakausap. May ilang beses rin kitang sinulatan ngunit mukhang may ilang beses rin hinarang ng iyong ama ang mga sulat na ibinibigay ko sa iyo dahil wala kang nagiging tugon sa mga liham at sulat na ibinigay ko sa'yo. Sana sa pagkakataong ito ay makarating at mabasa mo na ang liham na ito. Ipapadala ko na lamang ito sa iyong kaibigan upang makasisiguro ako na ito'y iyong matatanggap. Maghihintay ako sa iyong magiging tugon.Nagmamahal,
LeoneroSamu't saring emosyon ang aking naramdaman dahil sa mga nabasa ko. Agad kong hinanap si mama para alamin kung kaninong notebook ang nakuha.
"Ma! May kilala po ba kayo na may pangalang Isabela?" hinihingal kong tanong sa kanya.
Ilang minuto siya na hindi nakapagsalita. Mukhang iniisip niya pa kung mayroon ba siyang kilala na ganun ang pangalan. Maya-maya pa'y nagsalita na siya.
"Wala, anak. Bakit?"nalungkot ako ng bahagya dahil sa sinabi niya.
"Wala po, Ma. Salamat po," paalis na ako nang biglang magsalita muli si mama.
"Ayy, nak. Si Lola Bela mo, naalala ko Isabela pala ang buong pangalan niya. Ano ba ang sadya mo? Tatawag din ako sa kanila mamaya,sabihin ko na lang kung anong gusto mong sabihin," masigasig na sabi ni mama.
Ang swerte ko talaga at siya ang naging magulang ko. Sa buong buhay ko,kahit isang beses ay hindi ko pa nakitang sumimangot o naging malungkot yan si mama. Parati lang siyang nakangiti o kaya'y nakatawa. Namana ko na nga rin ang ugali niyang 'yon.
"Hindi na po, ma. Ako na lang po ang pupunta sa kanila. Salamat,ma!" hinalikan ko siya at umalis na.
Habang nasa biyahe ako ay tinignan ko muli ang loob ng notebook baka may iba pang nakasulat dito pero ang unang pahina lang nito ang may sulat.
Wala pang kalahating oras ay nakarating na ako sa bahay nila lola.
"Oh, iha. Ano ang iyong sadya at nagawi ka dito?" tanong ng nag-aalaga kay lola.
Ang sabi noon sa akin ni mama ay mas matanda pa raw sa kanya ang katulong nila lola na si Nanay Maria. Halos magkasing-edad raw sila ni lola noong unang pumasok ito bilang isang katulong sa kanila. Nakwento rin dati ni lola sa akin na naging matalik niyang kaibigan si Nanay Maria noong nagdadalaga siya hanggang ngayon na matanda na siya. Kaya ganun na lang ang pasasalamat ni lola sa kanya dahil kahit kailan ay hindi siya nito iniwan.
"Magandang tanghali, Nay Maria. May ibibigay lang po ako kay lola," masaya at nakangiti kong sabi.
"Kung nais mo, ako na lang ang magbibigay ng bagay na iyan sa iyong lola," nginitian niya ako at inilahad niya ang kanyang kamay.
"Hindi na po, nay. Ako na po ang bahala," pagpupumilit ko sa kanya.
"Kung iyan ang iyong gusto ngunit ano ba ang bagay na ibibigay mo?" agad ko namang inilabas ang notebook at ipinakita ko ito sa kanya.
Bigla naman siyang napatigil. Ilang minuto ang lumipas pero hindi parin siya kumikibo kaya nagpaalam na ako sa kanya na ako'y papasok na.
"Lola Bela," mahinhin at mahina kong tawag sa kanya.
Lumabas naman galing kusina si lola na mukhang kakatapos lang magluto.
"Oh, apo. Bakit ka naparito?" masayang tanong niya at niyakap ako.
"Nandito ka na rin naman. Halika't samahan mo akong kainin ang aking niluto," dugtong niya at nagtungo na sa kusina.
Sumunod naman ako sa kanya at naglagay na ng mga pinggan at kubyertos sa lamesa. Kumain kami ng sabay. Maya-maya pa'y nagtanong siya.
"Ano nga ulit ang iyong sadya,apo?" humigop muna siya ng sabaw at nginitian ako.
"May ibibigay po ako. Sa inyo po ata ito," kinuha ko ang notebook na nasa bag ko at iniabot ito sa kanya.
Inubos muna niya ang pagkain niya bago ito basahin. Nasa kalagitnaan ako ng pagliligpit ng mga nagamit namin nang bigla siyang umiyak.
"Lola, ano pong nangyari?" nilapag ko muna ang mga gamit sa lamesa at lumapit ako sa kanya.
"Saan mo ito nakuha, apo?" maluha-luha niyang tanong sa akin.
"Sa bahay po, lola," mahina at mahinahon kong sabi.
"B-bakit ngayon ko lang ito nabasa?" patuloy ang pagpatak ng kanyang luha. Nagtaka din ako sa kanyang sinabi dahil ang akala ko ay matagal na niya itong nabasa.
"Patawarin mo ako, Isabela," sabay kaming napalingon sa pintuan ng kusina. Nandoon nakatayo si Nanay Maria na para bang naluluha na rin.
"Kasalanan ko ang lahat kung bakit hindi nakarating ang mga liham na ibinibigay sa iyo ni Leonero..." sa pagkakataong ito ay dumausdos na ang kanyang luha. Tumingin siya sa ibaba upang itago ang mga ito.
"...madalas kong sabihin sa iyo na walang dumarating na liham o sulat na nanggagaling sa kanya ngunit ang totoo niyan ay itinatago ko na ito bago mo pang makita," patuloy parin ang kanyang pag-iyak, ganun din si lola.
"Patawarin mo ako dahil minahal ko rin ang kasintahan mo. Madalas kong sabihin sa kanya na hindi hinaharang ng iyong ama ang mga sulat na pinapadala niya dahil ayaw kong magkabalikan kayong muli. Patawarin mo ako dahil ngayon ko lang sinasabi sa iyo ang lahat ng ito," akmang lalapit siya sa amin pero biglang nagsalita si lola.
"Tinuring kita bilang matalik kong kaibigan. Tinuring na rin kita bilang aking kapatid tapos simula noong una palang pala'y niloloko mo na ako?" pinunasan ni lola ang kanyang mukha at lumapit sa kanya.
Pinigilan ko si lola dahil hindi ko alam ang mga pwede niyang gawin kapag galit siya. Ngayon ko lang kasi siyang nakitang nagalit kaya baka kung anong magawa niya.
"Bakit hindi mo sinabi kaagad ang lahat? Bakit itinago mo sa akin ng matagal?!" sa unang pagkakataon ay narinig kong sumigaw si lola. Hinawakan niya si Nanay Maria sa magkabilang balikat. Bakas naman sa mga mukha niya ang takot ng hawakan siya ni lola.
"Maria, batid ko na ako ang unang nagkasala sa ating dalawa. Kung hindi ako naging mapusok sa aking nararamdaman noon ay sana'y masaya kayo ni Leo ngayon," niyakap ni lola si Nanay Maria.
Nagkapatawaran sila sa isa't-isa. Pagkatapos nilang mag-usap ay kinuwento sa akin ni lola ang lahat.
Naunang magkasintahan sila Nanay Maria at si Lolo Leo pero nang makilala daw ni lolo si lola ay hiniwalayan niya si Nanay Maria dahil na rin siguro sa yaman nila lola kaya nagustuhan siya ni lolo. Nagsama daw sila ni lolo sa inuupahan nito noon pero nang tumagal ay napagtanto ni lola na hindi niya talaga mahal si lolo. Ilang linggo daw ang lumipas nang malaman niya na nagdadalang tao na siya at kagaya ng nabasa ko ay tinakbuhan siya nito. Magmula noon daw ay wala na siyang nabalitaan tungkol kay lolo.
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Short StoryCompilation of my one shot stories. I just want to share my works here in wattpad. Enjoy reading!!