Firefly 9 | Angelfish

31 3 10
                                    

Sinalubong sila ng harana ng mga ibong oriole na mistulang tunog ng plauta, ng sunud-sunod na talakan ng mga ibong wren at ng pagkakaingay ng walang-pakundangang mga antpittas na wari'y mga tunog ng kuwerdas na walang tono.
.*ೃ

M A R T I N

Gamit ang hintuturo ay diniinan ko ang gitnang bahagi ng aking salamin habang tutok ang mga mata sa lumang librong binabasa—tungkol sa iba't ibang pamamaraan ng paggamit ng makina sa pagtatahi. Habang nakaupo ako sa malapad at bakanteng kahoy na upuan 'di kalayuan sa mga nagtatanghal sa gitnang bahagi ng plaza ay nasulyapan ko si Teren, na hindi mapagkakaila ang galak sa kanyang mukha at paghanga sa panonood. Sa banda kung nasaan siya, naroroon din ang ilang mga batang kaedad niya na kapuwa niya tuwang-tuwa sa mga tumutugtog ng plauta.

Makalipas ang ilang segundo ay pumihit ang ulo niya sa akin upang tunguhin ako. "Martin, mahirap ba ang ginagawa nila? Hindi ba sila nauubusan ng hininga sa kaiihip?" Tinabihan niya ako sa upuan.

Isinarado ko ang libro saka siya pinaliwanagan, "Mayroon silang tamang paghinga at pamamaraan para hindi maubusan ng hininga, Teren. Kahit ikaw, kayang-kaya mong tumugtog ng plauta kung pag-e-ensayuhan mo nang maigi." Mukhang interesadong-interesado siya base sa kislap ng magkaibang kulay ng kanyang mga mata.

"Talaga? Magiging magaling akong tumugtog ng plauta?"

Tipid akong ngumiti at tumango sa harap niya. "Oo naman. Kung gusto mo, tuturuan kita," alok ko saka marahang hinimas ang ulo niya.

Umawang ang mga labi niya. "Marunong kang tumugtog ng plauta?" hindi makapaniwala niyang usal. Wala siyang ideya tungkol doon.

"Oo, dati." Tumingin ako sa mga nagtatanghal na umiihip ng plauta sa gitna. "Minsan na nila akong nakasamang magtanghal. Tumigil lang ako dahil sa pagtatahi."

Nalukot ang noo ng musmos na gulang ni Teren. "P-pero, Martin... hindi mo ba kayang pagsabayin ang dalawa? Ang magtanghal at magtahi?"

Mahina akong nangisi sa tanong niya. Umiling ako. "Hindi na. Lalo pa ngayong ikaw na ang prayoridad ko. Hindi kita maaaring pabayaan."

"Hindi mo na kailangang gawin 'yon, Martin. Malaki na ako. Tingnan mo, malakas na ako." Pagkatapos ay ipinagmalaki niya ang kanyang mga braso upang ipakita sa aking malakas siya.

Kahit kailan talaga ay hindi nagkukulang si Teren na pasiyahin ako kahit na sa mga ganoong simpleng bagay lang. Hanggang kaya ko, gagawin ko ang lahat para sa kanya at sa kapakanan niya.

Naalala ko pa noon kung gaano siya kalungkot nang hindi sinasadyang maibagsak niya ang plautang yari sa kahoy na ibinigay ko sa kanya. Iyak nang iyak si Teren habang nasa magkabila niyang kamay ang baling plauta at nakalabing humihingi ng pasensya sa akin. Naiintindihan ko ang nangyari at hindi kapabayaan ang ginawa niya. Pagkatapos noon ay binilhan ko ulit siya ng panibago at pinagkaingatan na niya iyon hanggang sa matuto na siyang tumugtog sa ilalim ng paggabay ko.

Isang taon noon bago mawala ang ina ni Teren, unti-unti ko nang napapansin ang muling pagsilay ng mga masasayang ngiti sa kanya. Matagal-tagal din siyang nalungkot, nalumbay at tumamlay dahil sa nangyari at biglaang pagpanaw ng kanyang ina dahil sa aksidente. Hindi ko pa maikumpara kung ano ang pinag-iba ng ugali ni Teren noon bago mawala si Tasya—ang alam ko lang, sa murang edad na kinabibilangan niya ay mas lumamlam ang kanyang pakikitungo at bumagal ang pag-usbong ng kanyang pagkatao, pati na ang pakikihalubilo sa ibang tao dahil doon. Hindi naman ako nawalan ng pag-asa na isang araw, babalik din ang sigla sa kanyang mukha sa tulong pangaral na ituturo at arugang ipararamdam ko sa kanya.

West to the Firefly LaneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon