Lesson 1

24 1 0
                                    

MAHIGIT isang taon na rin simula noong dumating ako rito sa Japan para mag-aral at magtrabaho. Noon pa man ay pinangarap ko na ang pumunta rito. Simula kasi pagkabata ay kinahiligan ko na ang panonood ng anime. Kaya naman ay napagdesisyunan kong pumunta rito.

Habang naglilibot sa loob ng isang anime store, napatingin ako sa mga naka-display na mga manga (comic books). Kumuha ako ng isa at sinubukan itong basahin. Napakunot-noo naman ako dahil kunti lang ang naiintindihan ko. Mayamaya pa ay bumuntonghininga ako at ibinalik ko iyon kung saan ko kinuha. Pagkatapos ay nagpatuloy na ulit sa paglilibot. Napahinto naman ako nang nakakita ako ng drawing tablet. Gusto ko sana iyong subukan pero hindi ko alam kung paano iyon gamitin. Kaya naman ay ipinagpatuloy ko ang paglilibot hanggang sa nakita ko ang merchandise ng paborito kong anime. Kaya naman ay tuwang-tuwa ako. Gustong-gusto ko kasi ang anime na iyon. Agad naman akong bumili.

Pagkatapos ay pumunta ako sa mga thrift store. Iyon lang kasi ang kaya kong bilhin. Kada buwan kasi ay nagpapadala ako ng pera sa pamilya ko para ipambayad sa loan at mga gastusin sa bahay. Bago kasi ako nakarating dito sa Japan, nag-loan ako sa isang lending company para sa tuition fee, plane ticket at allowance ko. Ang akala ko nga ay hindi na matutuloy ang pagpunta ko rito sa Japan. Wala kasi kaming pambayad sa tuition fee ko noon. Mabuti na lang ay nakahanap kami ng mapag-loan-an na walang collateral. Ang problema nga lang ay malaki ang binabayaran namin sa interest. At saka hindi rin kasi kami kaagad nakapagbayad noong dumating ako rito. Nahirapan kasi ako sa paghanap ng part-time job noon dahil hindi pa ako marunong magsalita ng Nihongo.

Mayamaya ay nakaramdam ako ng gutom kaya naman ay naghanap ako ng fast food restaurant sa malapit. Habang tumitingin sa sign board ng menu ay may biglang lumapit sa akin.

"Excuse me," sabi ng boses ng isang lalaki.

"Yes?" tugon ko sabay baling ng tingin sa kaniya at nagtama ang mga mata namin.

Hindi naman agad ito nakasagot na ipinagtaka ko. May sasabihin ba siya o wala?

"A-Are you a Filipino?" nauutal niyang tanong habang hindi makatingin nang maayos sa akin.

Nagtaka naman ako sa tanong niya at saka napaisip. Bakit kaya niya natanong? Dahil ba sa kutis kong morena? Sasabihin ko ba sa kaniya ang totoo o hindi? Baka kasi kung ano ang gagawin niya kapag nalaman niyang Filipino ako. Pero hindi naman siya mukhang Yakuza (gangster). Wala naman sigurong mangyayari sa akin na masama.

"Y-Yes," nauutal kong tugon.

"Actually, I want to learn the Tagalog language, can you teach me?" nahihiya niyang tanong.

Laking gulat ko naman. Ito ang unang beses na may lumapit sa akin para magpaturo ng wikang Tagalog. Bihira lang kasi ang Japanese na gustong matuto ng Tagalog.

"I'll pay!" he added. Kitang-kita ko naman sa kaniya ang determinasyon.

Nabigla naman ako sa sinabi niya. Kailangan ko ng pera pero kailangan ko pa rin siyang tanggihan. Hindi naman kasi ako isang guro at saka hindi rin ako marunong magturo.

"I'm sorry, I am not a teacher. But if you want to learn Tagalog, I can recommend you to someone else," I said.

Bakas naman sa kaniyang mukha ang pagkadismaya.

Napaisip ako. Bakit ba gustong-gusto niyang matuto ng wikang Tagalog? Pero wala naman sigurong masama kung tuturuan ko siya at saka kailangan ko rin ng pera. Lalo na't may binabayaran akong mga utang, loans at tuition fee.

How Do You Say I Like You?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon