Chapter 8
Sobrang awkward!
Hindi ako makagalaw mula sa kinahihigaan ko. Nakatagilid ako at nakaharap sa kabilang direksyon. Hindi ko alam kung gising pa si Dwyne. Habang ako, hindi makatulog.
Sana nagpumilit na lang akong tumulog sa couch sa living room! Hindi iyong ganito na halos hindi na ako makahinga pa. Iisa lang ang kumot na gamit namin ni Dwyne. Sobrang lapit tuloy namin sa isa't isa.
“Naiilang ka ba sa ‘kin?”
Napasinghap ako nang marinig ang boses ni Dwyne. Mukhang kahit siya ay hindi rin makatulog. Hinihiling ko na nga lang na hanapin ako ni Hillary para lang makaalis sa lugar na ito.
Pero mukhang tulog na tulog si Hillary. Napagod siguro siya sa pakikipaglaro kay Hyera. Bukas ay magkakasama pa rin silang dalawa. Siguradong tuwang-tuwa si Hillary dahil makakasama niya pa rin ang unang kaibigan niya.
“Babalik na lang ako sa living—” I cut him off.
“Huwag!”
Hinarap ko na siya. Hanggang sa matigilan ako kung gaano kami kalapit sa isa't isa. Kung ako nasa kabilang direksyon, si Dwyne naman ay nakatagilid at nakaharap sa akin. Mukhang kanina niya pa akong pinagmamasdan.
Kahit na naiilang ako sa kanya, hindi ko naman matitiis na hayaan siyang matulog sa living room. Mahihirapan lang siya doon. Pipilitin ko na lang na pakalmahin ang sarili ko.
“Bakit parang takot na takot ka sa ‘kin?”
I looked away. “Amo kita, parang mali na magtabi tayo sa kama…”
“What's wrong with that?” He asked me. “Wala naman tayong ibang gagawin…”
Napalunok ako. “Nahihiya lang ako.”
Muli akong tumitig kay Dwyne. Mas lalo niyang inilapit ang mukha sa akin. Isang galaw ko lang, maglalapat na ang mga labi namin. Kahit na kinakabahan ako, hindi ko nagawang lumayo sa kanya.
Hanggang sa pisilin niya ang tungki ng ilong ko. “Ang cute mo…”
Napasimangot ako dahil tumawa pa siya. “Inaasar mo ba ‘ko?”
“Hindi, ah,” aniya at mas lalong tumatawa. “I’m telling the truth.”
I rolled my eyes. “Eh, ba’t ka tumatawa?”
Umupo na ako at akmang aalis na nang hawakan niya ang palapulsuhan ko. Inis ko siyang nilingon. Nagpipigil pa rin siya ng tawa. Halata naman na inaasar niya ako.
“Hindi na po,” malumanay niyang sabi. “Tabi ka na sa ‘kin…”
Muli akong humiga sa tabi niya. Hindi na siya muling tumawa pa. Parehas kaming nakatitig sa itaas. Tanging lampshade lang ang nagbibigay liwanag sa amin.
Kahit papaano ay naging kumportable na ako. Hindi katulad kanina na halos hindi ako makahinga. Malaki rin ang tiwala ko kay Dwyne na wala siyang gagawing masama sa akin.
“Hindi ka rin makatulog?” I asked him. “May work ka pa bukas…”
“I want to enjoy this moment…”
Nilingon ko siya. “Bakit?”
“Hindi ko rin maipaliwanag,” aniya at tumitig sa akin. “Basta masaya ako sa tuwing kasama kita…”
Hindi ko napigilan ang sarili ko na haplusin ang pisngi niya. Hindi niya inalis ang titig sa akin. Hinayaan niya lang ako na gawin iyon.
Para bang isa siyang puppy na gustong magpalambing sa amo. Hindi nakasasawang titigan ang maamo niyang mukha. Ganitong-ganito rin si Hillary kapag nagpapalambing siya sa akin.