Chapter 12

33.6K 745 1.2K
                                    

Chapter 12

“Yera!”

Hinanap ko kung saan nagmula ang boses na iyon. Nasa labas na ako ng building ng condo. Papunta ako sa terminal ng bus. Gusto pa sana akong ihatid ni Dwyne pero tumanggi na naman ako.

Natutulog pa rin si Hillary nang umalis ako ng condo. Kahit na gustong-gusto akong samahan ni Dwyne kahit dito lang sa labas ng building, hindi niya magawang umalis. Hindi niya pwedeng basta iwanan na lang si Hillary kahit na mahimbing ang tulog ng anak niya.

Alam niya kasi na iiyak si Hillary sa oras na magising na wala kami sa paningin niya. Hindi pa nga nakababawi si Hillary sa pag-alis ni Hyera, tapos ako naman ang aalis. Saglit lang naman ako sa Pampanga at babalik din agad sa kanilang mag-ama.

Hindi na matutuloy si Eva sa pag-uwi niya sa Pampanga. Break na sila ni Mark. Nalaman niya na nagloko ang lalaki. Matagal na pala siyang niloloko. Ayaw ni Eva na mag-aalala sa kanya ang pamilya niya. Baka raw kasi hindi niya mapigilan na maiyak sa harap nila.

Gusto ko siyang damayan pero siya mismo ang tumatanggi. Gusto niya raw na mapag-isa. Baka kapag sinamahan ko siya ay mas lalo siyang umiyak. Sa oras na makita ko si Mark, masasampal ko talaga siya.

Matagal na ang relasyon nila ni Eva. Tapos malalaman na lang namin na si Eva pala ang kabit. Dahil may asawa at mga anak na si Mark. Walang kaalam-alam si Eva na may naloloko na siyang pamilya. Hindi naman niya alam iyon kaya wala siyang kasalanan. Ang mali ay si Mark na lumandi pa sa kaibigan ko.

“Yera!” muling tawag sa akin.

Dumako ang tingin ko sa lalaking papalapit sa akin. Kumakaway pa si Zed habang nakatingin sa akin. Ngayon na lang uli kami nagkita. Hindi niya na nga rin ako kinukulit sa chat. Naging busy siguro siya sa work niya.

“Aalis ka?” aniya habang nakatingin sa maleta na nasa tabi ko.

Tumango ako. “Uuwi ako sa Pampanga, sa pamilya ko. Tatlong araw lang ako roon.”

“Pampanga?” gulat niyang tanong. “Doon ka pupunta ngayon?”

“Doon ako nakatira…”

“Destiny ba ‘to?” malapad na ngiting sabi ni Zed.

“Huh?”

“Pumunta ako rito para magpaalam sa ‘yo, pati na rin kay Dwyne na pupunta ako ngayon sa Pampanga. Baka kasi may gusto kayong pasalubong.”

Natigilan ako. “Seryoso? Ano’ng gagawin mo sa Pampanga?”

“Umuwi ang pinsan ko sa Pampanga, kasama ang pamilya niya. Pupunta ako sa kanila dahil holy week naman. Wala akong trabaho.”

“Ah,” usal ko. “Mag-ingat ka sa pagmamaneho mo…”

Hihilahin ko na sana ang maleta ko nang biglang humarang si Zed. Nagtataka ko siyang tiningnan. Kailangan ko nang umalis dahil baka magpunuan na ang bus. Marami pa naman mga pasahero na uuwi ngayong holy week.

“Sumama ka na lang sa ‘kin,” aniya. “Ihahatid kita, tutal doon din naman ang punta ko.”

Tumango ako. “Sige, sasama ako sa ‘yo…”

Hinayaan ko siyang kuhanin ang maleta ko. Sumunod ako sa kanya hanggang sa makarating kami ng kotse niya. Habang nasa biyahe ay tahimik lang kaming dalawa. Medyo traffic dahil marami ang mga nag-uuwian sa kani-kanilang probinsya.

“Mabuti na lang ay pinayagan ka ni Dwyne na umuwi sa inyo sa Pampanga,” aniya.

“Siya pa ang nagsabi sa ‘kin kung uuwi ako ngayong holy week. Kaya niya naman daw alagaang mag-isa si Hillary.”

Never Let Me Go (Embrace Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon