Chapter 15
"Teka lang, Dwyne!" Pagpigil ko sa kanya. "Hindi pwede! Baka lumayo si Hillary!"
Napahinto siya sa paglalakad. Kaunti na lang ay mararating na namin ang dagat. Hindi ko alam kung ano ang trip niya at bigla niya akong hinila. Hindi niya man lang inisip si Hillary!
Nasa dagat kami. Kahit na malayo si Hillary sa tubig, hindi pa rin ako mapanatag. May nagbabantay naman na matanda sa mga bata pero hindi ko magawang magtiwala sa kanila. Hindi ko kayang mawala sa paningin ko si Hillary.
"May security guard na nakamasid sa kanila," aniya. "Bago pa kita lapitan, nakiusap na ako sa guard na bantayan si Hillary."
Hinanap ko ang security guard na tinutukoy ni Dwyne. Hindi ko napansin na malapit lang ito sa pwesto nina Hillary. Busy pa rin ang bata sa paglalaro sa buhanginan. Nakikita ko ang saya sa mukha niya. Iba pa rin talaga kapag mga bata ang kalaro niya.
Hanggang sa dumako ang tingin sa amin ni Hillary. Kinawayan niya kami ni Dwyne. Nakikita ko sa mukha niya na okay lang siya. Na hindi na namin kailangan pang mangamba. Hindi pa rin inaalis ng security guard ang tingin kay Hillary. Mukha naman siyang mapagkakatiwalaan.
"So, pwede na ba?"
Muli kong nilingon si Dwyne. "Na ano?"
"Isayaw kita sa dagat?"
Hindi ko magawang alisin ang tingin sa kanya. Naramdaman kong bumilis ang kabog ng puso ko. Bumalik sa isip ko ang napanaginipan ko. Kasama ang lalaking mahal ko.
"Bakit?" I mumbled. "Bakit mo 'ko isasayaw sa dagat?"
"Hmm..."
Napansin kong dumako ang tingin niya sa isang magkasintahan. Na kasalukuyang nagsasayaw sa dagat. Mabagal ang bawat galaw nila, hindi alintana ang lakas ng alon. Makikita ang saya sa mga mukha nila.
"Gusto ko rin na maranasan 'yon..." Ngumiti si Dwyne. "Kasama ka..."
Muli niyang hinawakan ang kamay ko. Sa halip na pigilan ko siya, hinayaan kong hilahin niya ako. Hanggang sa makarating na kami sa dagat. Bumibigat na ang suot kong robe dahil sinisipsip nito ang tubig. Hanggang sa baywang ko ang parte kung nasaan kami ni Dwyne.
"Yehirah..."
Nilingon ko si Dwyne. "Hmm..."
"Take off your robe..."
I bit my lower lip. "Okay lang..."
"Nabibigatan ka na..."
Napakapit ako kay Dwyne nang biglang lumakas ang alon. Idagdag pa ang bigat ng robe ko. Medyo makapal kasi ang tela dahil ayaw kong mahalata na nakasuot ako ng swimsuit. Dapat pala ay hindi ko na lang sinuot ito. Hindi tuloy ako mapakali ngayon.
"Huwag kang titingin sa 'kin."
Sinimulan ko nang alisin ang suot kong robe. Nang magtagumpay ako ay ibinato ko iyon sa buhanginan. Muntikan pa ngang abutin ng tubig, mabuti na lang ay sumabit sa bato. Maghihinayang talaga ako kapag nawala iyon. Nag-iisang robe ko lang iyon na medyo may kamahalan.
Bigla akong nakaramdam ng ginaw. Bukod sa lamig ng tubig, exposed na exposed ang katawan ko. Natatakpan lang ng manipis na tela ang dibdib at ibabang parte ko! Bigla akong nakaramdam ng hiya dahil sobrang lapit lang sa akin ni Dwyne.
"Ang hirap naman," aniya at mahinang tumawa.
Inis ko siyang nilingon. "What?"
"Ang sarap mo kayang titigan..." usal niya. "Sobrang ganda mo, Yehirah..."
Inalis niya ang hibla ng buhok ko na tumatakip sa mukha ko. Inilagay niya iyon sa likuran ng tainga ko. Hindi ko magawang alisin ang tingin kay Dwyne.
Hanggang sa iniyakap na niya ang mga braso niya sa baywang ko. Dahil sa lakas ng alon, kumapit na ako sa batok niya. Mabuti nga ay naabot ko iyon dahil bumaba talaga siya para lang hindi ako mahirapan. Sobrang tangkad niyang tao.