SULSOL: PHASE I CHAPTER 5
TUKSO SERIES V
SULSOL
Written by: Cxhase02
•••PHASE I: SI PAPA
CHAPTER 5
TAWAG•••
Noel, 15 years old.
“Welcome sa bagong bahay natin, Anak.” Nakangiting wika ni Erman saka binuksan ang pinto sa kakabili niyang bahay.
Dalawang taon pa ang lumipas sa pag-alis ni Rosa bago nakabili ng bagong bahay si Erman, dahil mas inuna niyang bayaran lahat ng utang nila at ang mag-ipon para sa kinabukasan ni Noel.
Ngayon, masayang masaya siya dahil sa wakas ay nabili na niya ang bahay na matagal na nilang pinagpaplanuhan.
Mabuti nalang at kaibigan ng kaibigan niyang si Daniel ang may-ari ng bahay, kaya mas nakamura siya sa pagbili nito.
Pagpasok nilang mag-ama sa bago nilang bahay ay agad na bumungad sa kanilang dalawa ang living room na nasa kaliwa banda naka-setup.
“Ang ganda naman, Pa.” Namamanghang ani ni Noel habang nililibot ang mga mata sa interior design ng bahay.
Sinundan lang ng tingin ni Erman ang anak na sinubukang umupo sa kulay puti na sofa.
“Ang lambot naman nito.” Nakangiting usal ni Noel habang sinubukang ilundag ng konti ang sarili habang nakaupo.
Bumagay ang kulay ng sofa sa kulay puti na tiles na ginamit bilang flooring sa buong first floor ng bahay.
“Tapos may flatscreen TV pa.” Dagdag nitong ani habang nakatingin sa dingding sa kabilang sulok ng sala.
Umupo rin si Erman sa tabi ng anak saka inabot ang remote na nasa maliit na lamesa sa kanilang harapan at tinutok iyon sa telebisyon.
Gaya ng itinuro sa kanya ng nagbigay sa kanya ng overall features ng bahay ay pinindot niya ang remote at pumunta sa spotify upang magpatugtog ng isang makabagong musika.
“Ganda naman ng quality ng speakers, Pa.” Papuri ni Noel saka nito ibinaling ang atensyon sa isang painting na nakasabit sa dingding ng living room.
“Halika na, Anak. Marami ka pang dapat makita.”
Hindi naman masyadong engrande ang bagong bahay nila, tamang timpla lang ng sopistikasyon at utilidad.
“May isang kwarto rito, pero gawin nalang siguro nating stock room kasi may tatlo naman sa itaas.”
Pambungad na wika ni Erman saka niya binuksan ang pinto ng kwarto na ilang metro lang ang layo mula sa living room.
“Kayo po ang bahala, Pa.” Tugon naman ni Noel sa kanya habang pinagmamasdan nito ang loob ng silid.
Hinintay muna ni Erman na lumabas si Noel galing sa maliit na kwarto saka siya nagpatuloy.
“Palikuran to dito sa baba.” Wika ni Erman saka niya binuksan ang pinto ng banyo na katabi lang ng maliit na kwarto.
“Hindi mo na kailangan pang lumabas ng bahay para gumamit ng banyo, Anak.”
Tinignan lang ni Erman si Noel habang nililibot nito ang paningin sa palikuran at isa isang sinubukan ang mga gamit roon.
Napangiti nalang ng malambing si Erman nang makita niya kung gaano kasaya ang anak sa ginawa nitong pagsubok sa shower na meron ang banyo.
“AH!” Surpresang hiyaw ni Noel.
Napalakas niya kasi ang pagpihit sa knob, kaya hindi naiwasang mabasa ang kanyang kaliwang braso sa biglaang pagragasa ng tubig galing sa shower.