CHAPTER NINE
TUWANG-TUWA si Laura nang hindi inaasahang dumating si Clara sa bahay ng mga Gatchanova.
"Akala ko ay hindi ka na luluwas," aniya sa
kaibigan pakiramdam niya'y nakakita siya ng kakampi.
"Lumuwas lang ako para dalawin at kumustahin ka, Laura."
"Ganoon ba?" Malungkot siyang ngumiti sa
kaibigan. "Kumusta na sina Tatay at Nanay at ang
mga kapatid ko?"
"Mabuti naman sila. Maayos ang pamumuhay nila ngayon. Panay nga ang tanong sa iyo kung bakit hindi ka man lang nadadalaw..."
Lalo ng lumungkot ang mukha ni Laura. Siya man ay nasasabik na makita ang pamilya. Nagpatuloy si Clara. "Ang sabi ko lang marami kasing trabaho si Ricardo pero uuwi din kayo..."
"Gusto ko na rin silang makita, Clara. Malapit na siguro akong umuwi."
"Kumusta na kayo ni Ricardo? Hindi ako
mapalagay dahil naaalala kita..."
"Magaling na si Ricardo at... at alam na niya ang lahat," sinabi niya sa kaibigan ang mga nangyari. "Nagalit siya at malabo na sa amin ang lahat ngayon."
"Sumama ka na lang sa akin pag-uwi ko,"
naaawang suhestiyon ni Clara.
Umiling si Laura. "Mahal ko si Ricardo, Clara. Gusto kong malaman niya iyon na kahit niloko ko siya ay totoo ang pagmamahal ko. Mananatili ako dito kahit na nasasaktan ako sa ipinakikita niyang pambabale-wala niya sa akin."
Wala nang masabi si Clara sa kaibigan. Naaawa ito sa kanya pero walang magawa.
TAHIMIK na nakaupo si Laura sa garden. May
lungkot siyang nadarama lalo at ilang araw lang nanatili si Clara at umuwi na rin kaagad.
"Laura," mahinang tawag ng lalaki sa likuran niya. Hindi niya namalayan ang paglapit nito.
"Wilfred!" May takot siyang nadama nang makitang muli ang lalaki na naging dahilan ng lahat ng paghihirap na dinaranas niya.
"Laura, sumama ka na sa akin," anito na lumapit sa kanya. "Lumayo na tayo dito."
Napatayo si Laura at napaurong palayo dito. "Tigilan mo na ako, Wilfred. Hindi pa ba sapat ang ginawa mo sa akin?"
"Hindi ka mahal ni Ricardo. Ako... ako ang totoong nagmamahal sa iyo."
"Iwanan mo na ako, Wilfred. Hindi kita mahal..."
"At si Ricardo ang mahal mo, ganoon ba?"
Nagtatagis ang mga bagang nito. "Ano ang gagawin mo kapag naipawalang-bisa na ang kasal? Magmamakaawa sa kanya? Laura, makinig ka sa akin, magpapakasal sila ni Arvie at ayokong ipagtabuyan ka pa nila."
"Hihintayin ko ang araw na iyon," matatag niyang sagot kahit alam niyang labis na masasaktan ang kanyang puso. "Pakiusap lang, huwag mo ng pakialaman ang buhay ko," at iniwan na niya ito.
"Magandang tanawin," ani Ricardo nang
makapasok na siya sa loob ng bahay. Naguguluhang napatingin si Laura dito. Hindi niya maintindihan ang ibig nitong sabihin.
"Dito pa sa pamamahay ko ninyo naisipang
magtagpo," may galit sa tinig nitong sabi.
Kung ganoon ay nakita sila nito na nag-uusap ni Wilfred. Nagseselos ba ito? Naisip niya. May kaligayahang ibig bumangon sa kanyang puso sa isiping nagseselos ang lalaki.
"Sabihin mo sa kanya na kung gusto ka niyang makita ay huwag dito," anito na kaagad nakapagpawala sa kasiyahang nadarama.
"H-hindi ko alam na pupunta siya dito at hindi kami nagtatagpo," may inis na sinabi niya kay Ricardo.
Hinawakan siya ni Ricardo sa braso. "Huwag mong kalilimutang taglay mo pa rin ang pangalan ko at dito ka pa rin nakatira sa pamamahay ko."
Binawi niya ang brasong hawak nito. "Huwag kang mag-alala, alam ko kung nasaan ako nakatayo. Hindi mo na ako kailangang pagsabihan pa." Pagkasabi noon ay iniwan na niya ang lalaking sinundan na lamang siya ng tingin.
"ANO BA, Wilfred? Wala ka ba talagang magagawa para lumayas na ang babaeng iyon sa pamamahay ni Ricardo?" Galit na tanong ni Arvie sa nakahigang lalaki. Katatapos lang nilang magniig at nagbihis kaagad si Arvie samantalang walang balak na tumayo si Wilfred.
"Bakit ba nagmamadali kang umalis si Laura?" anito na ngumisi. "Alam mo naman na wala na siyang kuwenta para kay Ricardo."
"Hindi iyon ang nakikita ko! Hindi ako tanga para hindi mapansin ang mga tinging ipinupukol ng gago mong kapatid sa babaeng iyon." Galit na naupong muli sa gilid ng kama si Arvie.
"Sandaling panahon na lang naman ang ipaghi-hintay mo," ani Wilfred na sumandal sa headboard.
"Basta ayokong magtagal pa ang babaeng iyon, Wilfred." Nagsindi ito ng sigarilyo. "Baka
nakakalimutan mo, binabayaran kita at kailangang gawin mo ang inuutos ko sa lalong madaling panahon."
"Don't worry. Okay?" At umusod palapit si
Wilfred kay Arvie. Hinalikan ito sa leeg. "Alam ko ang trabaho ko. Sa ngayon ako muna ang intindihin mo."
"Ano ba?" ani Arvie na inilayo ang katawan sa
lalaki.
"Okay, promise. Gagawin ko kaagad ang gusto mo," anito, habang patuloy ang ginagawang paghalik nito. "For the meantime, ibibigay ko muna sa iyo ang kaligayahang hindi kayang ibigay sa iyo ng gago kong kapatid." At pinaglakbay nito ang mga kamay sa katawan ng babae.
Napaliyad si Arvie na hindi na nagawa pang
makapagprotesta pa sa ginagawa sa kanya ni Wilfred.
NAGISING si Laura na masama ang pakiramdam. Nanatili siyang nakahiga. Napilitan lang siyang tumayo para magtungo sa banyo dahil nasusuka siya. Ilang araw nang ganito ang pakiramdam niya sa umaga. Wala naman siyang madaingan. Nahihiya siyang lumapit kay Mrs. Gatchanova. Naghilamos siya bago lumabas ng banyo at muling nahiga dahil sa pakiramdam niya'y umiikot ang paligid.
Maghapon siyang nagkulong sa kuwarto. Kahit na dinalhan siya ng pagkain ng katulong ay hindi niya magawang kumain. Wala siyang gana, parang may hinahanap ang kanyang bibig na hindi niya maintindihan. Napilitan lang siyang bumaba nang ipatawag siya ni Mrs. Gatchanova. Ang gusto nito'y sabay-sabay silang maghapunan dahil naroroon na sa bahay si Ricardo.
"Hija, kumain ka ng kumain..."
Napatingin sa kanya si Ricardo at napakunot ang noo nang makita na hindi nababawasan ang pagkain sa plato niya.
"W-wala lang ho akong ganang kumain..."
"Pumapayat ka at hindi nawawala ang pamumutla mo. May dinaramdam ka ba?" Nasa tono ng matanda ang pag-aalala.
"Wala ho," maikli niyang sagot na inabot ang baso ng tubig sa nanginginig na mga kamay.
Hindi nakaila kay Ricardo ang nangyayari. Tingin nito ay may sakit si Laura at namumutla. Napatingin ito sa kamay ni Laura na nakahawak sa baso.
"Are you sure you're okay?" Hindi nakatiis nitong tanong.
"Sa tingin ko'y kailangang magpatingin ka na sa doktor, hija..." singit ng matanda.
"Huwag na ho. Bukas lang ay maganda na ang pakiramdam ko..."
Lalong napakunot-noo si Ricardo. "Pabayaan na natin ang gusto niya, Mama," hindi na nito itinuloy ang pagkain at naunang tumayo.
Hindi na napigil ni Laura ang luha. Napaiyak siya sa ipinakitang pambabale-wala ni Ricardo sa kanya. Hindi naman nakakibo si Mrs. Gatchanova. Isang nagsisimpatiyang tingin ang iniwan kay Laura bago tumayo at sinundan ang anak sa library.
"Maaari ba kitang makausap sandali, Ricardo," ani Mrs. Gatchanova sa anak.
"Tungkol saan, Mama?"
"Tungkol kay Laura..." anang matanda, Hindi kumibo si Ricardo. "Anak, bakit hindi mo linawin ang lahat sa inyo ni Laura? Bakit kailangang pahirapan mo siya?"
"Mama, alam mo naman ang nangyari, 'di ba?" Nagtatagis ang bagang na sabi ni Ricardo. "Ang
ginawang panloloko sa akin ni Laura, sa atin..."
"Nandoon na ako pero hindi mo ba magagawang patawarin siya?"
"Niloko niya ako, nagsinungaling siya sa akin at kasabwat pa niya si Wilfred," may halong galit na sabi nito.
"Bakit hindi mo intindihin ang side niya? Alam kong mahal mo si Laura at nakikita kong mahal ka rin niya."
Huminga ito ng malalim bago muling nagsalita uli. "Tama ka, Mama, mahal ko si Laura, pero hindi ako nakasisigurong mahal niya ako lalo at nagsimula ang lahat sa pagkukunwari."
"Anak, alam kong nahihirapan ka rin tulad ni Laura. Pero nasisiyahan ka bang makitang nagdurusa siya?"
"Ma, huwag na natin siyang pag-usapan, puwede ba?" Dinampot nito ang librong binabasa at naupo.
"Ipagpapatuloy mo pa rin ba ang pagpapawalang- bisa sa kasal ninyo?"
"Oo, Ma. Peke lang ang kasal na iyon kaya hindi gaanong magtatagal."
"Sana'y hindi ka magkamali sa gagawin mo, anak," malungkot na sabi ng matanda. "Huwag mong kalilimutan na ang bawat kasalanan ay may katapat na kapatawaran—kailangan lang na buksan mo ang puso mo at makinig ka sa sinasabi nito."
Sinundan ni Ricardo ng tanaw ang ina na lumabas ng silid. Siya man ay naguguluhan at nasasaktan sa mga nangyayari. Hindi na niya alam kung kaya pa niyang mahalin si Laura pagkatapos ng lahat ng kasinungalingan nito sa kanya. Paano kung ang totoo palang mahal nito ay si Wilfred? At ang tanging habol nito sa kanya ay ang kayamanan niya.
Tumayo siya at inabot ang alak sa cabinet at nagsalin sa baso at uminom.